CHAPTER 20

1.2K 160 11
                                    

RODEL

Walang nabanggit sa akin si Allie kung may balak siyang magcelebrate ng Bagong Taon kasama ako at ang pamilya ko kung kaya inisip ko na marahil, may iba siyang plano para sa sarili niya.

Ayos lang naman, bagamat aaminin ko, medyo nakakalungkot isipin. Wala eh, para bang nasanay ako na laging kasama si Allie. Minsan, nakakalimutan ko na hindi lang ako ang tao sa buhay niya na dapat niyang paglaanan ng oras at panahon.

Kaya naman nagulat ako nang bandang hapon ng December 31, tumawag sa akin si Mama Macel.

"Rodel, iho, kumusta? May plano na ba kayo ng pamilya mo para sa New Year?"

"Ayos lang naman po, Mama Macel." sagot ko. "Hindi ko lang po alam kina Tatay. Bakit niyo po naitanong?"

"Ah kase kung wala pa, baka gusto niyong dito na lang ulit tayo. Marami-rami rin kasi ang lulutuin namin para sa Media Noche kaya naisip ko, at ng mga ate mo rito na imbitahan kayo."

"Ah, ganun po ba?" may pagaalinlangan kong tanong. Napatingin ako kay Nanay na tahimik lang na nakatingin sa akin. "Mama Macel, hindi po kasi ako inimbitahan ni Allie kaya..."

Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil narinig kong tumawa si Mama Macel sa kabilang linya. "Hindi ka talaga iimbitahan nun dahil hindi naman nagcecelebrate ng New Year si Allie."

"Ha? Bakit po?" gulat kong tanong.

"Siya na lang ang tanungin mo, Rodel. Pero yun na nga. Ako na mismo ang nagiimbita sa inyo. Baka sakali, pag dumating kayo ay magkaroon ng himala. Ano, aasahan ko na kayo, ha? Sabihan mo rin si David na sumama. Ipapasundo ko kayo kay Martin sa Wawa bago dumilim."

At iyon na nga. Nang sabihin ko kina Nanay at Tatay ang sinabi ni Mama Macel, agad silang pumayag. Sobrang excited pa nga ng kambal. Tulad ko, magaan din ang loob nila sa mga tao kina Allie.

Bago tuluyang lumubog ang araw, nasa Wawa na kami, kung saan ay naroon na si Martin at naghihintay para sunduin kami.

Sa bakuran ng mansyon isinet-up ang dinner. Ngayon ko lang ganap na napagmasdan ang bahaging ito ng bahay ni Allie. Napakalawak at iisipin mong namamasyal ka sa parke dahil sa ganda ng mga puno at halaman sa paligid.

Dahil hindi pa tapos sa paghahanda ang mga kasambahay nang dumating kami, tumulong sila Nanay at ang kambal kina Mariela, Rhea, at Jackie sa pagluluto. Muling umalis si Martin dahil may ipinabili si Mama Macel at pinasama sa kanya si Faye, kahit kung tutuusin, siya ang tagapagluto sa mansyon (sabi dati ni Allie sa akin). Tinulungan naman namin ni Ninong David si Nelson sa pagset-up ng ihawan. Tamang tama dahil nagdala sila Tatay at Ninong ng malalaki at sariwang bangus at tilapia. Ako ang nagpabaga ng uling. Sanay na sanay ako dahil sa amin sa isla, sa kahoy lang kami nagluluto.

Nang tuluyan nang gumabi ay sinimulan na nila Tatay at Ninong ang pagiihaw. Nakabalik na rin sila Martin na agad na niyaya si Nelson na paunti-unting sindihan ang pagkarami-raming paputok na binili nila. Pinapanood ko si Marco habang masayang nakikipaglaro sa mga anak nila Jackie at Rhea. Nagumpisa nang magpatugtog si Mariela ng masayang tugtugin mula sa malaking speaker na isinet-up ni Martin kanina sa garden. Ang saya saya na ng paligid. Pero si Allie, wala pa rin sa paningin.

Lumapit sa akin si Mama Macel habang bitbit ang malaking lalagyan ng liempo na nakababad sa marinade. Sinubukan kong kunin iyon mula sa kanya.

"Tulungan ko na po kayo."

"Naku hindi na." Iniwas niya ang hawak para hindi ko makuha. "Si Allie na lang ang intindihin mo, Rodel. Akala ko, pag nalamang nandito kayo ay maiiba ang sitwasyon pero ganoon pa rin. Puntahan mo doon sa kwarto niya at subukan mong yayaing bumaba dito. Malay mo, mapilit mo. Malapit nang magalas dose."

The Other HalfWhere stories live. Discover now