INTERLOGUE

958 127 17
                                    


“Anong plano mo sa anak mo?” tanong ni David kay Robert. “Hahayaan mo na lang ba na ganyan?”

Lumingon si Robert sa gawing silid ng anak.

“Hindi tayo maririnig at lasing na lasing nga.” sabi naman ni Lisa.

“Takot na takot kayong marinig ng anak niyo na pinaguusapan natin siya. Anong masama kung malalaman niyang bilang mga magulang niya ay inaalala niyo siya?”

Tumulo ang luha ni Lisa na agad niyang pinahid.

“At saka bakit ganyan? Lagi na lang lasing si Rodel.” Medyo mataas na ang tinig ni David. Hindi na niya maitago ang pagkadismaya. “Bakit hinahayaan mong uminom nang uminom ang anak mo?”

“Anong gagawin ko?” medyo inis na ring tanong ni Robert. “Eh sa iyon ang gusto niya.”

“IYON ANG GUSTO NIYA?” Sa pagkakataong ito, sumigaw na si David. “KAILAN PA NAGING MAHALAGA KUNG ANO ANG GUSTO NI RODEL?”

“Huminahon ka, David.” sabi ni Lisa. “Hindi mo kailangang sumigaw.”

“At ano nga? Gusto niyo, tumawa pa ako? Sagutin niyo ang tanong ko. Kailan pa naging mahalaga kung ano ang gusto ng inaanak ko? Eh hindi ba’t yung kaisa-isang gusto niya –”

“Tumigil ka, David.” mabilis na sinabi ni Robert. “Alam ko kung saan papunta ‘yang sinasabi mo. Tumigil ka. Tigilan mo kung ayaw mong magkasamaan tayo. Mas gugustuhin ko pang tumanda siyang ganyan kaysa naman…” Napailing siya. Para bang kung ano man ang idudugtong niya ay lubhang kasumpa sumpa kaya hindi niya magawang ituloy.

“Ah gano’n? Mas pipiliin mo pang itapon ng anak mo ang buhay niya, maging lasenggo at walang marating kaysa maging masaya kasama ng taong wala namang ibang hangad kundi ang mapabuti hindi lamang si Rodel, kundi ang buong pamilya mo.”

Hindi kumibo si Robert.

“Kung binubuksan mo lang sana ang puso mo. Walang ibang hinangad ang anak mo kundi ang tulungan ka. Kahit pa umabot sa puntong naisakripisyo na niya ang sarili niyang pangarap. Ngayong may pagkakataon ka na sanang bumawi sa kanya, pagkatapos ng maraming taon na inuna niya kayo kaysa sa sarili niya, anong ginawa mo? Mas pinili mong saktan siya.”

“Tama na, David. Hindi na ako natutuwa.” matigas na sinabi ni Robert. “Anak ko pa rin si Rodel at ako ang may karapatan kung anong gusto kong gawin sa anak ko.”

“MAS LALONG HINDI AKO NATUTUWA!” bulyaw ni David. “Oo, ikaw ang ama niya. Pero tandaan mo, noong kinuha mo akong ninong ng anak mo, minahal ko na ang batang iyan na parang anak ko na rin. At nasasaktan ako na nakikita ko siyang nagkakaganyan! Robert, maawa ka kay Rodel. Hindi dapat ganyan ang nangyayari sa kanya. Sa ngayon, dapat ay nagaaral siya at inaabot ang mga pangarap niya. Hindi ganyan. Maawa ka kay Rodel. Maawa ka sa anak mo.”

“Kahit gustuhin namin, hindi rin kakayanin ni Rodel mag-aral.” sabi ni Lisa habang umiiyak. “May nagbago kay Rodel. May mali sa kanya.”

“Ha? Anong mali? Anong nagbago? Anong sinasabi mo, Lisa?” gulat na tanong ni David.

“Si Rodel. Parang may sakit siya. Para bang… nawalan siya ng kakayanan na magsalita.”

Parehong natigilan sila Robert at David.

“Anong ibig mong sabihin? Baka naman umaarte lang at ayaw lang niyang magsalita.” sabi ni Robert sa asawa.

Umiling si Lisa. “Hindi. Ang mga bata ang nagsabi sa akin. Hindi nga raw makapagsalita ang kuya nila. Kapag kinakausap daw sila, bumubuka ang bibig, pero walang lumalabas na boses. Noong una, tulad ng sa iyo, akala ko’y sadyang ayaw lang niyang magsalita.”

The Other HalfWhere stories live. Discover now