LTML 09

186 33 0
                                    

Happy Reading!



Ilang minuto rin na walang destinasyon ang paglalakad ko hanggang sa dalhin ako ng aking mga paa sa hardin ng school. Walang estudyante sa paligid dahil nga oras pa ng klase. Masyadong malalim ang nilalakbay ng isip ko, hindi alintana kung mapagalitan man ako ng teacher ko kapag bumalik ako mamaya. Sa ngayon kasi ay isa lang ang gusto kong gawin, ang makahinga ng maayos.

Sa sobrang pag-iisip ko ay hindi ko namalayan na naisigaw ko na pala ang laman ng utak ko. Sobrang nakakahiya sa mga kaklase at lalo na sa teacher ko kanina. Masama talaga kapag naghahalo at nadadala mo ang problema sa bahay sa ibang lugar. Kapag sumumpong ang emosyon ay hindi mo mapipigilan.

Ang totoo ay gusto kong magsisigaw, magalit at magwala. Gusto kong mailabas lahat ng nararamdaman kong frustrations. Maraming tanong ang paulit-ulit na umiikot sa isip ko mula kagabi pa.

Paano nagawa ni Mama ang iwan kami ng ganon lang? Paano niya kinaya ang tiisin kami? Paano niya nagawang piliin ng ganon lang kadali ang lalaking ilang buwan pa lang niyang nakikilala?

Hindi ko matanggap e, hanggang ngayon hindi pa rin nagsi-sink in sa akin ang ginawa niya. Pero isa lang ang nararamdaman ngayon, galit na galit ako sa kaniya. Sa kanila ng lalaking pinili niya kaysa sa amin na pamilya niya.

Tumingala ako sa kalangitan, muli na namang tumulo ang mga luha ko. "May kasalanan po ba akong nagawa?" Sa dinami-dami ng tao sa mundo, bakit sa akin pa? Ginawa ko naman ang lahat para maging mabuting tao, maging mabuting anak at kapatid. Sila na lang ang pinanghahawakan ko.

Bakit po sa pamilya ko pa nangyari ito?

Naalala ko kapag may kaibigan akong nagkakaproblema. Palagi kong sinasabi sa kanila na hindi ibibigay ng Panginoon ang problemang iyon kung alam niya na hindi mo malalampasan. Iyon ang paniniwala ko pero ngayon, ngayon na may kinahaharap ako. Hindi ko magawang i-apply ang advice na iyon para lumakas ang loob ko.

Hindi ko kasi alam kung kakayanin ko ba. Kung ganito na mismong ang nagbibigay ng lakas ko ang magiging kahinaan ko rin. Anong dapat kong gawin?

"A-Ano po ba ang plano niyo sa akin?"

Hinihiling ko na lang na sana bigyan ako ng lakas ng loob ng nasa itaas.

Nasa likod na parte ang hardin kaya malakas ang loob ko na umiyak ng umiyak. Alam kong bihira na magpunta ang mga estudyante o kaya teachers dito lalo kapag ganitong oras. Hinayaan ko lang ang sarili na iiyak lahat hanggang sa wala na akong mailuha pa.

Pasinghot-singhot pa rin ako ng may maramdamang humawak sa balikat ko. Huminga ako ng malalim bago mag-angat ng tingin sa kung sino man iyon. Mali siguro ako sa isiping walang teacher o estudyante ang pupunta dito.

Nang tuluyan ko nang makita kung sino ang nasa harapan ko ay bahagya pang nanlaki ang mata ko. Kumurap-kurap ako para masiguro kung totoo ba ang nakikita ko. Baka kasi namamalikmata na naman ako gaya noong nasa ospital ako. Hindi pa rin ako makapaniwala.

Panaginip na naman ba ito? Nag-iimagine na naman ba ulit ako?

Alam kong imposible na narito ito sa harap ko pero ramdam ko ang pagkakapatong ng kamay niya sa balikat ko. Ito ang ikalawang beses na hinawakan niya ako. Una ay noong bigla siyang sumulpot sa silid at hinila ako paalis doon. At ngayon ay ito, hindi na ba ito panaginip lang? Totoo bang narito siya sa harap ko?

"Tsk!." Nagpakawala ako ng isang malalim na buntong-hininga para pakalmahin ang sarili. "Guni-guni ko lang ito panigurado," tumayo na ako kaya naman napabitaw ang kamay nito sa balikat ko.

Pagak akong natawa, "Hindi ka naman totoo, e." dagdag ko. Nasasaktan ako dahil kahit na gustuhin ko man mangyari 'yon, na sana ay totoo nga siya. Alam kong nakapa-imposible. Isa lang siya sa mga panaginip ko. Nang akala kong wala na akong mailuluha ay nagkamali ako. Habang kaharap ko ang nilalang na ito ay muling nagsipatakan ang mga luha ko.

Letters To My Love (COMPLETED)Where stories live. Discover now