LTML 13

164 23 0
                                    

Happy Reading!



Hindi ako makatingin kay Ryan dahil nahihiya ako sa 'di ko malamang dahilan. Ewan ko ba, hindi naman iyon first time na yakapin niya ako pero bakit gano'n? Sa pagkakataong ito kasi ay parang may kung anong nagliliparan sa tiyan ko.

Tumikhim ako ng tuluyang makabawi sa pagkagulat. Iginiya ko sila papasok sa loob ng bahay. "Sige lang, upo kayo." Medyo nagsisiksikan na ang ilan sa sofa dahil hindi rin naman iyon ganoon kalaki. Apat na tao lang ang kasya doon, anim ba naman silang umupo. "Gusto niyong kumain? Tinapay tapos kape," napapakamot sa ulong ngumiwi ako. 'Yon lang naman ang maiaalok kong pagkain sa kanila.

"Kahit maya-maya na lang." Si Ryan na ang sumagot para sa kanila. Tumango ako sa kaniya at umiwas agad ng tingin.

Kailan ka pa kinabahan sa harap ni Ryan?

Nakaupo ito sa monoblock na katapat lang ng sofa nasa tabi niya sina Raea at Khael. Napapagitnaan si Raea.

"Salamat pala sa pagdalaw." Aniya ko.

"Oo naman, nabalitaan namin kila Ryan ang nangyari kaya nagplano na bumisita." Nakangiting saad ni Alyana, class president namin.

"Si Mama daw mamaya pupunta rin para dumalaw." Saad naman ni Raea.

Ilang saglit din kaming nag-usap na magkaklase. Pagkatapos ko silang asikasuhin ay bumalik na ako sa kinauupuan ko kanina. Si Danica ay may pinuntahan kaya ako na ulit ang nandito. Naiintindihan naman ng mga kaklase ko at sinabing ayos lang sila kaya okay lang na hindi ko muna sila kausapin. Wala rin akong gana na makipag-usap. Hindi ko na kailangan sabihin pa ang nangyari dahil alam naman na ng mga ito.

Ilang minuto pa lang akong nakaupo at nakatingin sa litrato ni Lola sa ibabaw ng kabaong nito ng may tumabi sa akin. Sandali na sumulyap ako rito at nakita si Ryan. Pinananatili ko ang kalmado kong ekspresyon at tumingin ulit sa kabaong ni Lola.

"Salamat sa pagpunta, pasensya na hindi ko kayo maasikaso ng tuloy-tuloy."

Nakita ko sa gilid ko na pinagsiklop nito ang mga kamay niya at ipinatong sa tuhod habang na kay Lola rin ang tingin. "Wala 'yon. Basta nandito lang kami para damayan ka. Tsaka sarili mo muna ang isipin mo bago ang ibang tao, ayos lang naman kami."

"Thank you ulit." Sa pagkakataong iyon ay tumingin na ako sa kaniya. Pansamantalang nawala sa isip ko ang kaba dahil sa presensiya niya. Wala na akong ibang masabi kundi ang paulit-ulit na magpasalamat sa kanila. Alam kong may sari-sariling problema din ang mga ito na pinagdadaanan pero nandyan pa rin sila para damayan ako. Malaking bagay iyon para sa akin.

"Alam mo, bilib talaga ako sa'yo." Anito habang nakatingin pa rin sa harapan. "Sana patuloy kang magpakatatag kahit pa minsan masakit at mabigat ang binabatomg problema ng mundo sa atin. Maging matatag ka hindi lang para sa iba kundi para rin sa sarili mo." Nakatitig lang ako sa kaniya habang nakangiti siya. Ramdam ko kasi talaga ang sinseridad sa mga sinabi niya.

Naisip ko tuloy kung bumilib pa rin ito kung nababasa niya ang laman ng isip ko sa nakalipas na mga araw.

"Grabe naman iyon, Ry. Nakaka-overwhelm naman ang mga sinasabi mo." I made my voice sound playful. Kumunot agad ang noo niya at nilingon ako. "Baka isipin ko niyan, inlove ka na sa akin," biro ko saka natawa.

Natawa pa ako lalo ng ito ang unang umiwas ng tingin. "Ito talaga, seryoso na ako oh."

"Masyadong seryoso, nakakabigat ng atmosphere. Tsaka joke lang, alam ko kaya ang tipid mo sa babae." Tinapik ko ang balikat niya. May sasabihin pa sana siya pero tinawag siya nina Raea kaya naman sinenyasan ko itong puntahan na sila.

-

Nang sumakit ang alas syete ng gabi ay kailangan na umuwi ng ibang mga kaklase ko. Babyahe pa kasi sila kaya kailangan ay mas maaga silang umalis.

Si Raea, Khael, at Ryan ay nagpaiwan. Nagpaalam naman sila sa mga parents nila at pinayagan na malate ng uwi. Alam din nila na dito pupunta ang mga 'to kaya okay lang naman. Samantalang si Raea ay sasabay mamaya pauwi sa Mama niya.

Isa-isa na silang nagpahatid ng condolences bago umalis. Inihatid namin sila hanggang sa sakayan. Natatawa kami habang pabalik sa bahay dahil iniinis na naman ni Khael si Raea. Habang naglalakad kami ay panay ang bangayan nila. Kami ni Ryan ay nakamasid lang sa kanilang dalawa.

Nakapagtataka nga na hindi madaldal si Ryan kumpara kapag nasa school kami o nitong mga nakaraang araw. Ramdam ko tuloy ang awkwardness. May ganitong side pala siya na ngayon ko lang nalaman.

-

Hindi rin nagtagal sila Raea at umuwi na rin. Nag-usap lang ang Mama niya tsaka sila Tita pagkatapos ay nagpaalam na rin sila. Syempre kung uuwi na si Raea ay sigurado na susunod si Khael. Parang buntot ni Raea iyon.

Si Ryan ang huling natira at nagtagal pa sa bahay. Sumabay na rin itong maghapunan sa amin. Kahit wala pa akong ganang kumain ay sumabay pa rin ako sa kanila. Si Kuya Area kasi, talagang binantayan ako. Paminsan-minsan ay kinakausap ito ng mga pinsan ko o kaya ay ni Tita. Tumulong din siya nung may mga bagong dumating.

Mabilis lang na lumipas ang dalawang oras, alas nuwebe na kaagad ng gabi. Ihahatid ko pa sana siya sa sakayan pero sabi niya ay huwag na daw dahil dis-oras na ng gabi at delikado kung mag-isa lang ako pabalik.

Nasa labas kami ng gate dahil nagpapaalam na si Ryan. Kinabahan ako dahil dalawa na naman kaming matitira. Okay lang talaga sa akin ang ginawa niyang pagyakap kanina pero kasi naiilang ako. Normal lang naman sa akin kapag gano'n siya, matagal ko na rin siyang kaibigan kaya wala ng malisya.

Bakit ngayon pa naglumikot ang utak ko tungkol dito? Kainis.

"Salamat talaga, Ryan. Pati na rin yung pagsama mo sa akin kahapon." Kahit pa hirap akong ngumiti ng tunay ay binigyan ko pa rin siya ng tipid na ngit at nagpasalamat.

"Anytime. Condolences ulit sa'yo at family mo. Paabot mo na lang din kila Tita." Tumango ako.

"Thank you." Kinawayan ko na siya para nagpaalam na at tatalikuran ko na sana ito ng tawagin niya ako.

"Mala."

"Hmm? May nakalimutan ka ba?"

Umiling siya bago nagsalita. "Alam kong mahirap ang sitwasyon mo ngayon pero laban lang, okay?" Tinaas niya ang kamay niya saka sinenyas ito na ang ibig-sabihin ay laban lang. Pinilit kong ngumiti at ginaya siya.

"Fighting!" Aniya ko sa matigas at medyo masiglang tinig.

"And please, huwag mong pabayaan ang sarili mo." Para akong batang pinagsasabihan na napayuko ng bahagya, "nabanggit ng Kuya mo na kung hindi ka pa niya tinanong baka isang buong araw kang malilipasan ng gutom.Kung nabubuhay pa ang lola mo, panigurado na mag-alala siya. Kaya please, alagaan mo rin ang sarili mo kasabay ng pag-aalaga mo sa iba. Nandito lang kami palagi, nandito lang ako palagi."

Tiningnan ko siya sa mata at marahang itinango ang ulo ko. "Salamat, Ryan."

Nang makaalis siya at nanatili muna ako sa labas ng ilang sandali bago pumasok.

Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam ko dahil sa kanila.



Kendingmaxx

Letters To My Love (COMPLETED)Where stories live. Discover now