Capìtulo Veinte Kwatro

52 3 0
                                    

ILANG araw ang nakalipas, buhat buhat ni Patria sa kanyang dibdib ang kanyang anak habang mahina itong kinakantahan ng hele.

"Mahal na mahal kita Amelita." bulong niya dito at marahang hinalikan. "Matulog ka na at babantayan kita." saad pa niya at tahimik na pinagmasdan ang pagka inosente nang itsura ng kanilang anak.

Matangos at perpekto ang hugis ng ilong nito, na namana nito sa kanyang ama. Mapula at manipis na labi, bahagyang pagkasingkit na mga mata, na nakuha naman nito kay Patria at nasa kalagitnaan ng pagka morena at maputi ang kulay ng balat na pinaghalong kulay naman ng mag-asawa dahil maputi si Patria at kayumanggi naman ang kulay ni Anastacio.


Ilang sandali pa ay marahang kumatok sa kanilang silid si Natalia na may hawak hawak na isang patungan ng pagkain na naglalaman ng sabaw, kakaunting kanin, at tig isang baso ng gatas at tubig.

"Kumain ka na muna, Ate. Mukhang tulog naman na si Amelita." saad ni Natalia at inilapag sa may lamesa ang pagkain.

"Sige. Sandali lamang at hinihintay ko lang na lumalim pa ang kanyang tulog para hindi magising kapag inilagay ko siya sa kuna." Ngiti ni Patria sa kaibigan.

Sandali namang umupo sa may kama si Natalia at tinitigan ang pamangkin na natutulog na ng mahimbing. "Bakit? Huwag mong sabihing naiinggit ka at gusto mo na ring mag anak?" biro ni Patria.

Umiling naman si Natalia at bahagyang tumawa, "Kahit naman gustuhin ko ay alam naman nating hindi puwede, Ate." pilit na ngiti ni Natalia."Hindi ko kayang mabuntis hindi ba? Ang sabi ng doktor sa Maynila noon ay baog ako. Hindi maaring magkaanak kaya heto, tatanda akong mag-isa." ngiti ni Natalia.

Sandali namang natahimik si Patria at tumingin ng seryoso sa kaibigan. Marahan din siyang naglakad papunta sa kuna ng anak upang ilapag na iyon doon at kausapin nang masinsinan ang kaibigan.
"Natalia, Alam mo namang hindi pa sigurado iyon diba? Sabi naman nang ibang doktor ay magkakaroon ka pa rin ng posibilidad na magkaanak, diba? Walang imposible." saad ni Patria na pilit na pinapagaan ang loob nito.

Tumawa at umiling naman si Natalia,
"Tama ka Ate. Wala nga akong nobyo, paano ako mabubuntis niyan." tawa ni Natalia at pasimpleng pinunasan ang luhang nag babadyang pumatak.
"Walang nobyo? Anong pinagsasabi mo diyan?" nagtatakang tanong ni Patria.

Huminga si Natalia, "Hiwalay na kami ni Paterno." Diretsang sagot nito. "Ano? Bakit? Anong nangyari?" tanong ni Patria. "Hindi na daw niya ako mahal. Ngunit, alam ko namang ang dahilan noon ay nang pinagtapat ko sa kanya na may problema ako sa matres at may posibilidad na hindi na ako mag kaanak. Sabi din niya sa akin, si Floresca daw ang mahal niya." naiiyak na sambit ni Natalia at mas lumapit pa kay Patria upang sumandal sa balikat nito.

"Ganoon na ba talaga ako kamalas at ka-hindi katanggap tanggap na tao, Ate? Malaki bang kabawasan sa pagkababae ko na wala akong kapasidad na magdala ng isang sanggol? Ganoon ba ako kawalang kuwentang nilalang sa paningin niya? Tama nga ba ang paniniwala na kapag ang isang babae ay walang karapatang mag kaanak ay isa itong isinumpa ng diyos?" iyak ni Natalia.

Hindi naman alam ni Patroa ang kanyang sasabihin sa hipag kaya mabilis niya na lamang itong niyakap ng mahigpit at marahang hinahagod ang likuran nito.

"Shhh, Sige umiyak ka lamang. Wala man akong masabi sa'yo sa ngayon, dahil hindi ko maintindihan ang iyong nadarama pero hayaan mong yakapin kita. Yakapin ka nang mahigpit para malaman mong may nakakaintindi sa iyo."

"Mahal na mahal kaya kita. Kapatid na din kita. Kaya kahit anong hindi pagtanggap ng ibang tao sa'yo, asahan mong habang nabubuhay ako may tatanggap sa'yo nang buong buo. Kahit anuman ang iyong mga imperpeksyon sa buhay. Para sa akin, ikaw ang pinaka perpektong kaibigan at kapatid ko." seryosong saad ni Patria at ngumiti.

Fallen History (History Series 2)Kde žijí příběhy. Začni objevovat