ILANG buwan na ang nakalipas, napatunayan ang pagkakasala ni Don Florante na ngayon ay nakapiit na sa Fuerte De Santiago sa Maynila kung saan hinihintay na lamang ang kinakaharap na parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagbaril. Ngunit sa kabila nang pagkuha nila ng hustisya sa kamatayan ni Martin, ngayon ay may kinakaharap nanamang bagong pagsubok ang pamilya De Castro. Dahil hindi pa rin nila alam ang ideya sa likod ng pagpaslang kay Donya Amanda.
Isa pa sa kinababahala nang magkapatid na De Castro, lalong lalo na ni Natalia ay ang pagkakatuloy ng kasal ni Natasha at ni Benjamin magda-dalawang buwan na ang nakalipas. "Kuya, sige na. Tulungan na natin si Natasha na tumakas sa mansyon ni Benjamin De Luna. Masama talaga ang kutob ko sa gagawin ng lalaking yun sa bunso natin." pangungulit ni Natalia kay Anastacio na nakaupo lamang sa isang upuan sa kanilang azotea.
Nagbigay ng isang malalim na buntong hininga si Anastacio at umiling. "Natalia, Hindi na tayo maaring makialam sa relasyon nila. Kasal na sila at hindi natin maaring basta bastang guluhin iyon, puwera na lamang kung may gagawing masama si Benjamin kay Natasha." paliwanag naman ni Anastacio. Kumunot naman ang noo ni Natalia saka tumayo sa harapan ng kaniyang kuya.
Seryoso niya itong tinignan, "Hihintayin pa ba nating masaktan si Natasha? Paano kung saktan at lokohin nanaman siya ng demonyong 'yon? Alam mo namang siya yung may kagagawan kung bakit namatay si Trinidad Perez, diba? Ina na 'yon ng kanyang anak. Si Natasha pa kaya na nagdalang tao ng hindi naman niya anak. pakiramdam ko nga ay hindi naman talaga aksidenteng nakunan si Natasha noon, kundi pinainom ng pampalaglag" Pangangatwiran ni Natalia.
Huminga ng malalim si Anastacio at tumayo na rin at hinawakan ang balikat ng kapatid, "Mahal ni Benjamin De Luna si Natasha, iyon ang lamang ni Natasha kay Trinidad. Saka para ano pa kung babawiin natin doon si Natasha? Para magbalik siya sa kanyang buhay pagka-dalaga at doon mas lalo niyang madama ang lumbay dahil mas maiisip niya ang kanilang pagmamahalan ni Bastien?" tanong pabalik ni Anastacio. "Natalia, Huwag mo munang babanggitin ang tungkol sa kamatayan ni Bastien kay Natasha hangga't wala pang nakukuhang bangkay. Huwag mo na muling sariwain sa puso ni Natasha ang sakit na dinulot sa kanya nang pagkamatay ni Bastien." pagbabanta ni Anastacio sa kapatid.
Huminga na lamang ng malalim si Natalia at tumango, "Papasok na ako sa silid namin. Magpahinga ka na rin." paalam at bilin pa nito sa kapatid saka ginulo nang bahagya ang buhok nito bago pumasok sa loob ng mansyon.
Pagkapasok niya sa silid nilang mag asawa ay narinig nanaman niya ang malakas na pagsusuka at magduwal ni Patria mula sa palikuran.
"Mahal? Ayos ka lang?" tanong niya dito. "Mukha bang ayos lang ako?! Pumasok ka nga dito, Hawakan mo 'tong buhok ko!" pabalang na sagot ni Patria kaya napa-iling na lamang sa kawalan si Anastacio at mabilis na pinihit ang sarado ng pinto ng palikuran at tumabi sa asawa.
Kinuha niya ang makapal na buhok nito at hinimas ang likuran nito, dahil patuloy pa rin ito sa pagsuka. "Anong nararamdaman mo?" tanong niya dito. "Parang may gumagalaw nanaman sa sikmura ko. Pakiramdam ko, buntis nanaman ako." sagot ni Patria dahilan para mapatingin ng seryoso si Anastacio dito.
"Ulit? Ngunit halos anim na buwan pa lamang ang nakalilipas magmula nang ipanganak mo si Amelita." saad ni Anastacio. "Sa oras na bumalik na ang buwanang dalaw ng babae pupwede na ulit mabuntis." sagot ni Patria at pinunasan ang kanyang bibig gamit ang bimpo na naka lagay sa gilid. Huminga na lamang ng malalim si Anastacio at tumango, "Sige na mahal. Magpahinga ka na. Bukas na bukas ay magpapatingin tayo sa doktor." saad ni Anastacio dito at ngumiti.
Ilang sandali pa ay nakayakap lamang ng mahigpit si Patria sa katawan ni Anastacio habang nakatingin sila pareho sa kisame ng silid. "Mahal, paano nga kung buntis nanaman ako?" tanong ni Patria dito. "Magkakaroon na agad ng kapatid si Amelita?" sagot ni Anastacio. "Alam ko. Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Ang ibig kong sabihin ay 'yong pinayo sa atin ni Doktor De Luna na huwag na daw akong magbuntis." saad ni Patria.
BINABASA MO ANG
Fallen History (History Series 2)
Historical FictionHeneral Anastacio De Castro. Ang pinaka magiting at kakaibang heneral ng El Salvador. Kilalang kilala si Heneral De Castro sa kanyang pagiging tapat sa kanyang sinumpaang tungkulin sa bayan. Ngunit hindi lamang sa tungkulin siya naging tapat bagkus...