"Kuya." mahinang tawag ni Natalia kay Anastacio na naka upo lamang sa tabi ng kabaong ni Patria habang buhat buhat si Sofia.
"Kumain ka na muna. Kanina ka pa hindi kumakain." saad ni Natalia. "Ayos lang ako. Hindi ko iiwan si Patria." sagot ni Anastacio habang patuloy pa rin sa paglandas ang mga luha.
"Hindi matutuwa si Ate Patria na nagkakaganyan ka." saad pa ni Natalia at umupo sa tabi ng kapatid.
Huminga ng malalim si Anastacio, "Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman, Natalia. Sobrang bilis ng mga pangyayari. Kasama ko siyang umalis sa mansyon kaninang umaga tapos ngayon umuwi akong nag iisa." saad ni Anastacio at mabilis na pinunasan ang luha sa kanyang mga mata.
Marahang nilingon ni Anastacio si Amelita na nakaupo sa kanlungan ni Don Joselito na tulala lang na nakatingin sa kabaong ng anak.
"Hindi ko alam kung paano ko magagawang ipagpatuloy ang buhay ko na ngayong wala na si Patria. Hindi ko alam kung paano ko papalakihin at itataguyod ang mga anak ko. Hindi ko nga alam kung paano ang simpleng pagpapatulog at pag-imbento ng mga kuwento na makakakuha ng interes ng mga anak ko." Dagdag pa nito.
"Hindi ko alam kung paano na ang magiging bukas kung gigising akong wala ang mga ngiti niya na siyang sumasalubong sa akin sa tuwing gigising ako sa umaga upang ipaalala sa akin kung gaano ako ka swerte n mayroon akong asawang tulad niya."
Hindi naman alam ni Natalia kung ano ang kanyang sasabihin sa kanyang kuya dahil siya mismo ay nagugulat sa mga naririnig niya dito. Dahil alam niya na ang kuya niya ay sobrang tahimik at seryosong tao na hindi talaga pala salita sa mga nararamdaman nito.
"Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin sa'yo ngayon, Kuya. Pero lagi lang akong nandito para tulungan ka sa pag-aalaga sa mga pamangkin ko. Mananatili ako sa tabi nila tulad noong mga panahon na nanatili sa tabi ko si Ate Patria noon." saad ni Natalia at yumakap na lamang ng mahigpit sa kapatid.
***
ALAS DOSE ng madaling araw, hindi pa rin magawang umalis ni Anastacio sa tabi ng kabaong ng kanyang pinakamamahal. Kahit nag iisa na lamang siya doon ay hindi niya iyon alintana dahil alam niya sa sarili niya na kasama niya pa rin ang asawa niya.
Naamoy niya pa rin ang mabangong amoy ng buhok at balat nito, nararamdaman niya ang balat nito na tumatama sa kanyang braso at likuran, at higit sa lahat ay naririnig niya pa rin ang boses nito.
"Anastacio." narinig niyang boses ni Don Joselito. Bahagya siyang lumingon dito at pilit na ngumiti. Marahan naman nitong tinapik ang balikat niya at saka umupo sa tabi niya.
"Hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nangyari. Parang kailan lang ay noong ibinigay ng diyos si Patria sa amin ng kanyang ina at ngayon, ay ibinabalik na agad namin siya. Sobrang bilis ng mga pangyayari sa buhay ng aking unica hija. Batid kong alam mong siya ang pinaka minamahal ko sa kanilang tatlo dahil alam kong hindi ko siya makakasama ng matagal. Ngunit kahit na ilang taon ko na iyong iminarka sa isipan ko ay hindi ko pa rin maiwasang hindi masaktan ng sobra na ngayon ay nangyari na nga iyon."
"Pero kahit na natapos na ang mga panahon na kasama natin siya ang mga alaalang binuo kasama siya ay mananatiling buhay. Lalong lalo na ang alaala ng pagmamahalan niyong dalawa."
"Dahil doon, nais kitang pasalamatan Anastacio. Salamat dahil pinaligaya mo nang husto ang anak ko. Salamat dahil binigay mo sa kanya ang lahat. Binigay mo sa kanya ang pagmamahal na higit pa sa pagmamahal na naibigay namin ni Pepita." saad ni Don Joselito at pinunasan ang kanyang mga luha.
"Salamat din po dahil ipinagkatiwala niyo siya sa akin. Dahil sa kanya nagkaroon ng silbi at kulay ang buhay ko. Dahil kay Patria, naranasan ko kung gaano kasarap magmahal, gaano kasarap maging isang asawa, at higit sa lahat kung gaano kasarap maging isang ama." iyak ni Anastacio.
BINABASA MO ANG
Fallen History (History Series 2)
Historical FictionHeneral Anastacio De Castro. Ang pinaka magiting at kakaibang heneral ng El Salvador. Kilalang kilala si Heneral De Castro sa kanyang pagiging tapat sa kanyang sinumpaang tungkulin sa bayan. Ngunit hindi lamang sa tungkulin siya naging tapat bagkus...