PHASE 17

13 5 0
                                    


"A-Anak, patawarin mo ako kung bakit... kailangan mong gawin 'to." paghihingi sa akin ni Tatay ng tawad.

Napasinghap ako ng malalim at tumingin sa ibang direksyon kahit na ramdam ko ang malungkot na titig sa akin ni Tatay. Hindi ko siya magawang salubungin ng tingin at baka lamang bumagsak ang namumuong luha ko. Alam niya kasing nagtatampo ako dahil wala man lang siyang naging imik magmula ng magtalo kami ni Nanay noon.

Sa simula non, aaminin kong naging ilag ako sa kanila. Hindi kasi ako makapaniwala... na dati naman kapag ginaganito ako ni Nanay ay madalas pinapanigan ako nila Kuya at Tatay. Na... baka sakaling ipagtanggol man lang nila ako pero wala. Wala akong narinig. At dahil sa pagiging ilag ko, nagkakausap lamang kami pagdating sa pagsusulit ng pera. Pero 'pag usapang nagkakwentuhan, hindi ko alam. Hindi na namin nagagawa iyon dahil abala kami sa dapat naming gawin dahil iisa lang ang iniisip namin. Nauunawaan ko rin naman kung bakit. Pero may parte pa rin sakin na hindi maiaalis na nasaktan talaga ako.

Pero pinipilit ko. Ilang araw, linggo at buwan kong inisip. Nagtatalo ang isip ko kasi mas nangingibabaw sa akin ang panghihinayang—hindi matanggap. Pero kailangan kong tanggapin na isantabi muna ang pangarap ko dahil sa malaking responsibilidad na inatang sa akin. Kailangan kong tanggapin na hindi na muna ako mag-aaral at kailangan ko munang magtrabaho. Dahil natanto kong prayoridad ko muna ang aking pamilya, bago ang sarili ko. Ginagawa ko rin ito dahil... sa bunsong kapatid ko. Para kay Chichi, para agad na ma-operahan siya at tuluyang gumaling.

Kailangan. Dahil alam kong ako lang ang kanilang inaasahan.

"N-Nauunawan ko, Tay." mahinang sambit ko dahil kung lalakasan ko ang boses ko baka kumuwala na naman ang iyak ko.

"Pwede pa namang magbago ang isip mo, Prina. H-Hindi mo kailangan 'to. Magagawan naman siguro natin ng paraan ng tulung-tulong tayo at magkakasama." ani pa ni Tatay, mahihimigan ang pakikiusap.

Napakunot ako at nagngitngit ang aking bagang. Paulit-ulit na sa'king sinasabi ni Tatay 'to magmula na sinabi ko ang plano at desisyon ko. Kung pwede nga lang na huwag na pero kung hindi ko susubakan ay lalo lamang kaming mahihirapan.

Napabuntong-hininga ako ng malalim. "Ito lang alam kong paraan para masolusyunan ang problema natin, Tay. Alam niyo naman hong... hindi ganun kasapat ang nakikita natin. Kahit anong subok natin, talagang kulang pa rin. Baka kapag nanatili akong magtiyaga sa maliit na trabaho ay mapabayaan naman natin si Chichi. Baka lalong lumala ang sakit niya. Napag-usapan no ho natin ito, 'diba? H-Hindi na rin magbabago ang isip ko." giit ko. Kahit na sa loob-loob ko ay nanghihina ako.

Wala na akong narinig mula pa sa kanya at nanatili na lang siyang nanahimik. Lalong bumabaon ang puso ko sa kalungkutan.

Kasalukuyan kaming nakasakay sa tricycle, katabi ko si Tatay. Wala kasi ang tricycle niya kasi nasa talyer, pinaaayos dahil may sira. Si Kuya naman ay nasa may angkasan nakaupo. Dala-dala ko na rin ang aking bagahe na dadalhin... papunta sa ibang bansa. Kanina pa ako papunas punas ng panyo sa nanluluhang mata ko. Impit na umiiyak. Kagabi pa akong ganito. Mabuti na lang ay malakas ang andar ng tricycle kaya walang nakakarinig ng paimpit na iyak ko.

Ang lakas ng loob ko na magdesisyon nung nakaraan, pero heto ako... parang biglang naduduwag. Ang isiping malalayo ako sa pamilya ko ay hindi ko maiwasang mangamba.

Kaya ko ba talaga?

Oo, makikipagsapalaran ako sa ibang bansa dahil yun na lang rin ang naisip kong paraan para makaahon agad kami at matustusan agad ang kakailanganin naming, dahil alam kong maaaring malaking pera ang magiging sweldo ko run sa oras na magsimula akong magtrabaho. Mabuti nga't nasa legal na edad na ako kaya hindi naging mahirap sa akin ang makapasok.

The Adelaide for Majesty: (sense of self-worth. family feud.)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon