Wala akong maintindihan sa pinanonood ko kaya tinigil ko na lang. Nag-aalala talaga ako kay Austin ngayon. Hindi ako sanay na ganito siya kumilos.
Napatingin ako sa gawi niya. Himbing na himbing siya ngayon at pawis na pawis. Bakit ba kasi nakajacket pa siya?
“Austin...”
Hinintay kong sumagot siya pero wala akong narinig. Bahagya ko pa siyang ginalaw pero hindi naman siya nagising. Napahinga na lang ako ng malalim at tinitigan siya saglit.
“Tanggalin ko jacket mo, a. Pawis na pawis ka na, e.”
Marahan kong inalis isa-isa ang butones ng jacket na suot niya. Hindi siya nakasando, naka-t-shirt naman siya kaya mas lalo lang akong kinutuban na may problema siya, may nililihim siya sa akin. Ang sabi niya kanina ay nakasando siya.
“Anong ginagawa mo?”
Mabilis akong napaayos ng upo dahil sa bigla niyang pagsalita. Nagulat ako at napatitig sa kaniya. Salubong na salubong ang kilay niya habang inaayos ang butones ng jacket niya.
“Pawis na pawis ka kasi kaya balak kong alisin ang jacket mo,” sagot ko naman.
“Ayos lang ako,” iwas ang tingin na sagot niya sa akin.
“Hindi ka naman nakasando, nakita kong naka-t-shirt ka naman, bakit ba nakajacket ka pa?” medyo tumaas ang tonong tanong ko.
Kumabog ang dibdib ko nang blanko niya akong tiningnan. “Wala ka ng pakielam kung anong gusto kong isuot, gusto kong magjacket kaya hayaan mo ako,” seryosong-seryoso na sabi niya.
Nawalan naman ako ng imik. Oo nga naman, bakit ba kasi ako nakikielam? Buhay naman niya ’yon. Katawan naman niya ang naiinitan. Hayst.
“Sorry...” nasabi ko na lang at iniwas ang tingin sa kaniya. Nabalot kami ng katahimikan dahil doon. Walang ni isa sa amin ang may balak na magsalita ulit.
“Meryenda na mga anak!”
Sabay pa yata kaming napalingon sa nakasaradong pinto ng kwarto ko dahil sa pagsigaw ni Mommy mula sa labas no’n.
“Baba na kami, Mom!” balik sigaw na sabi ko naman. Muli akong napatingin kay Austin, nakaupo pa rin siya at bahagya na siyang nakayuko. “Baba na tayo,” pag-aaya ko sa kaniya.
Walang imik siyang tumayo. Tahimik kaming bumaba, naabutan ko pa si Mommy na nakikipagkwentuhan sa maids namin. Nang mapansin niya kami ay agad niyang inutos sa mga ito na ihanda na ang meryenda sa garden namin. Doon yata kami ngayon pupwesto.
“How’s your sleep, Austin?” tanong ni Mommy kay Austin sa masiglang paraan.
“Maayos naman po, Tita. Thank you po,” sagot niya kay Mommy.
Hinatid kami ni Mommy sa garden. Tahimik pa rin si Austin, nagsasalita lang siya kapag tinatanong siya ni Mommy. Hayst.
“Maiwan ko muna kayo rito, aasikasuhin ko lang ang meryenda ninyo,” sabi ni Mommy at mabilis na umalis. Naiwan na naman kaming dalawa ni Austin.
“Sorry ’bout what happened earlier,” pagbasag sa katahimikan ni Austin.
“Ayos lang,” mahinang sabi ko at muli kaming natahimik.
Dumating ang mga maids na may dalang meryenda namin. Si Mommy naman ay may dala ring pitcher na may melon yata base sa kulay nito.
“Enjoy mga anak!” masiglang sambit niya at nilapag ang dala.
“Magmeryenda rin kayo, Mommy. Sabayan mo na kami,” pag-aaya ko sa kaniya na mabilis niya namang inilingan.
“Busog ako, kayo na lang ang kumain,” nakangiting aniya pa.

YOU ARE READING
Catch Me, Captain (Glamorous Series #4)
Romance©All Rights Reserved COMPLETED ✓ Started: November 24, 2021 Ended: February 25, 2022 If you really love someone you'll accept all of his/her flaws, insecurities and imperfections. If you really love someone you don't have to force them to change the...