48

386 24 4
                                        

Ayokong maging bastos sa harapan ng matatandang nandito ngayon kaya naman lumingon ako kay Austin nang tawagin niya ako.

“Nandito ka pala?” takang tanong niya pa sa akin na akala mo ilusyon lang ako sa kaniya at hindi siya makapaniwalang nandito ako.

“Yeah. Nagutom kami kaya kumakain kami ngayon dito,” sagot ko naman.

“Kakain muna kami, mamaya na kayo mag-usap,” sabi naman ni Johann.

Iyon ang naging hudyat ko para bumalik sa pagkain ko. Hindi ko alam kung anong ginagawa ni Austin ngayon dahil nakatalikod ako sa kanila.

“Anong order mo, Austin? Ganoon pa rin ba?” rinig kong tanong ni Manang Karing sa kaniya. Wala akong narinig na sagot kay Austin.

“Bilisan nating kumain, ayokong magtagal dito,” mahinang sabi ko sa dalawa.

Mabilis akong sumusubo ngayon. Malapit ng matapos si Blythe at Johann dahil kanina pa sila kumakain. Ako yata ang hihintayin nilang matapos kung sakali.

Gusto kong lingunin si Austin at Patricia pero pinipigilan ko ang sarili ko. Ano na lang kaya ang iisipin ng mga tao rito? Ang alam nila ay girlfriend ako ni Austin pero si Patricia ang kasama niya ngayon.

“Hindi po tuloy ang kasal namin,” rinig kong sabi ni Patricia.

Ang mabilis kong pagnguya kanina ay biglang bumagal dahil doon. Ayokong makitsismis pero hindi ko rin maiwasan dahil malapit lang naman sila sa amin.

“Bakit?” takang tanong ni Manang Karing.

Naghihintay ako ng isasagot ni Patricia. Kahit ang dalawa kong kaibigan ay alam kong nandoon ang atensyon kahit na kumakain sila. Pinilit kong kumain ng maayos pero ang pandinig ko ay nakatutok sa magiging sagot ni Patricia.

“Buntis po kasi ako,” sagot niya. Nangunot naman ang noo ko. Ano naman kung buntis siya? Bakit hindi tuloy ang kasal nila? “At si Austin po ang ama,” dagdag niya.

Nabitawan ko ang kutsara at tinidor na hawak ko na dahilan ng malakas na tunog. Para akong natulos sa kinauupuan ko ngayon dahil sa narinig ko.

“What the hell?” reaksyon ni Johann.

“Tama ba ang narinig ko?” tanong naman ni Blythe.

Nag-iinit ang sulok ng mga mata ko. Hindi ko kayang pigilan ang emosyon ko ngayon. Hindi rin talaga pwede dahil mapapasama ang lagay ko. Bawal akong ma-stress.

“Paanong ako ang ama niyan, Patricia? Nag-usap na tayo kanina ’di ba? Bakit ngayon mo lang sinabi ’yan?” malakas na tanong ni Austin.

Pinilit kong tumayo para maharap sila. Ayokong gumawa ng eksena rito. Kahit na sabihing kilalang-kilala silang dalawa rito, ako hindi. Ayokong mapahiya rito.

“Natatakot akong baka hindi mo tanggapin ang anak natin,” mahinang sabi ni Patricia pero sapat na para marinig pa rin namin.

“Paanong magiging anak ko ’yan kung wala namang nangyari sa atin?” bakas ang galit sa tono ni Austin.

Nakatayo lang ako at nakatingin sa kanilang dalawa. Nag-uusap na rin ang mga taong nandito ngayon at nakarinig ng mga usapan. Ang dalawa naman ay agad umalalay sa magkabilang braso ko at pinanood din sila Austin.

Umiyak si Patricia. “Meron... May nangyari sa atin noong... nalasing tayo. May nangyari sa atin nung time na ’yon, Austin.” Hinawakan niya pa sa kamay si Austin pero agad namang iniwas ni Austin iyon.

Nagtama ang paningin namin ni Austin. Sari-saring emosyon ang nakita ko sa kaniya pero nasisiguro kong wala siyang kahit anong emosyon na natanggap sa akin. Naglakad siya palapit sa akin. Akmang ilalayo ako ni Blythe at Johann pero pinigilan ko sila. Hinayaan kong makalapit si Austin sa akin.

Catch Me, Captain (Glamorous Series #4)Where stories live. Discover now