Hindi naman ako tinulungan ni Mommy. Nakatayo lang siya rito sa tabi ko at dinadaldal niya ako habang naghuhugas ako ng mga plato.
“Ano na bang balak ninyo?” tanong niya sa akin. Pinanonood niya lang ako sa paghuhugas.
“Hindi ko alam, Mommy. Hindi ko nga alam kung ano na ba kami ngayon ni Austin,” mahinang sagot ko naman.
“Hindi ba kayo sa lagay na ’yan?” gulat pang tanong niya sa akin.
Bahagya ko pa siyang nilingon at inilingan. “Hindi ko alam, Mommy. Ayokong mag-assume,” sagot ko at binalik na ulit ang atensyon sa ginagawa ko.
“Bakit hindi mo kausapin?” muling tanong niya pero napabuntong hininga na lang ako.
“Aalis ako next week, pupunta akong Paris para sa project ko...” panimula ko sa panibagong topic. “Bago ako umalis ay sasabihin ko sa kaniya ang lagay ko,” dagdag ko pa.
“Aba dapat lang namang sabihin mo. At isa pa, bakit ka pa bibyahe kung ganiyan na nga ang lagay mo?” Binalingan ko na si Mommy matapos kong tapusin ang ginagawa kong paghuhugas.
“Mommy, last na international project ko na ’yon. Hindi na ako tatanggap ng pang-international na offer. Dito na lang ako sa Pinas magstay at ipagpapatuloy ang nasimulan ko. Lalo na ngayon at ganito nga ang lagay ko, mas mabuting dito na talaga ako,” paliwanag ko naman.
Nakatitig lang siya sa akin at hindi sumagot. Hinawakan niya ako sa pisngi at tipid na ngumiti sa akin.
“Magiging Mommy ka na rin,” mahinang sabi niya. Ako naman ang napangiti. “Huwag mong masyadong stress-in ang sarili mo. Ingatan mo ang katawan mo dahil hindi lang ikaw ang mapapahamak kapag nagkataon,” dagdag niya pa.
“Yes, Mommy. Bukas ay maaga akong pupunta sa OB para mapatingnan ang lagay ng baby ko,” pigil ang tuwang sabi ko. Baka marinig ako ni Austin.
“Sige, sasamahan kita kapag wala akong ginawa bukas,” nakangiting sabi niya pa.
Sabay na kaming lumabas ni Mommy sa kusina. Naabutan namin ang natutulog na si Austin sa sofa. Masyado yata kaming natagalan ni Mommy sa kusina.
“Mukhang pagod ’yang Mister mo,” natatawang sabi ni Mommy.
Pinanlakihan ko siya ng mata at bahagyang siniko. Nakakalimutan kong Mommy ko siya kapag sa ganitong sitwasyon na, e.
“Uwi na kami. Huwag mo na hintayin si Daddy at matulog ka na rin,” bilin ko sa kaniya.
“Ingat kayo,” sabi naman niya at tinapik pa ako sa balikat.
Lumapit na ako kay Austin para gisingin siya. Anong oras na rin kasi, medyo nagtagal nga kami rito kila Mommy. Magdidrive pa siya ng sasakyan namin.
“Au... Gising na, uwi na tayo,” mahinang sabi ko sa kaniya.
Hinintay kong magising siya. Hindi naman malalim ang naging tulog niya, konting ingay lang ay magigising naman na siya. Hindi siya tulog mantika tulad ko.
“Uwi na tayo,” muling sabi ko nang nakatingin lang siya sa akin.
“Ang ganda mo,” seryosong sabi naman niya. Hindi ako nakaimik. Tumayo na siya at nag-inat pa nga. “Tara na, gusto ko na matulog ng mahimbing,” pag-aaya na niya.
“Ingat kayo,” muling bilin ni Mommy sa amin. Nagmano na kami sa kaniya at nagpasya na ngang umalis na.
Hikab nang hikab si Austin habang nagmamaneho. Saglit lang naman ang biyahe namin dahil hindi naman sobrang layo ng condo ko kila Mommy.
“Inaantok na ako...” malambing niyang sabi pagpasok namin sa unit ko. Agad siyang yumakap sa akin. “Dito na lang ako matutulog, may damit naman ako rito para maisuot bukas,” dagdag niya pa.

BINABASA MO ANG
Catch Me, Captain (Glamorous Series #4)
Romance©All Rights Reserved COMPLETED ✓ Started: November 24, 2021 Ended: February 25, 2022 If you really love someone you'll accept all of his/her flaws, insecurities and imperfections. If you really love someone you don't have to force them to change the...