Chapter 17 (Tears)

11K 530 77
                                    

CHAPTER 17

"MAGANDANG UMAGA PO!"

Napatingin ang lola niya kay Leo na magiliw silang binati. Kaagad naman itong nginitian ng lola niya.

"Aba'y napakaganda yata ng umaga mo, hijo. Magandang umaga rin sa'yo," anang lola niya.

Si Leo ay tumingin sa kaniya at nahihiyang kumaway.

"Sei, magandang umaga," nakangiting bati nito.

"Magandang umaga rin," bati niya sa lalaki.

Kilala na si Leo bilang magiliw na lalaki sa isla. Gusto ito ng karamihan dahil napaka-kuwela nitong lalaki.

Napatingin siya kay Leo nang mapansing mataman itong nakatingin sa kaniya.

"Bakit?" Nagtatakang tanong niya.

Nakangiting umiling ito.

"Mukhang hindi ka nakatulog ng maayos," puna nito.

Natigilan naman siya. Halata ba sa mukha niya?

"Oo, halata," natatawang sabi ni Leo nang mabasa ang nasa isip niya.

Mahina naman siyang natawa. Si Leo ay tumikhim at humakbang papalapit sa kaniya.

"Mukhang hindi na kayo nagpapansinan no'ng Hunter. Napapansin ko, mga dalawang linggo na," mahinang sabi nito.

Natigilan naman siya sa paghiwa sana ng isda at tumingin kay Leo. Kaagad itong napakamot sa ulo.

"Pasensya ka na. Napansin ko lang naman. Baka isipin mong nakikialam ako," nahihiyang sabi nito.

"Okay lang." Tipid ang ngiting tugon niya.

Tama naman ito. Halos dalawang linggo na silang hindi nagpapansinan ni Hunter. Kapag naman naghahatid ito ng isda sa puwesto ng lola niya ay kaagad itong umaalis ng hindi man lang tumitingin sa kaniya.

"Kaya ba hindi ka nakakatulog ng maayos?" tanong ni Leo, nahimigan niya ang pag-aalala sa boses nito.

"Ayos lang ako, Leo. Salamat sa pag-aalala," mahinang sabi niya.

"Gusto mo bang mamasyal bukas?" tanong nito.

Napatingin siya sa binata. Dahil kilala na si Leo sa isla ay may tiwala naman siya rito. Totoong mabait ito at matulungin lalo na sa mga matatanda. Sa totoo niyan ay palagi nitong tinutulungan ang lola niya.

"Saan?" tanong niya.

"Doon sa kabilang isla. May palaruan doon. Baka gusto mong mamasyal para maaliw ka. At para ibang mga mukha naman ang makita mo. Nakakasawa na ang pagmumukha ng mga tao rito," biro nito at mahinang natawa.

Natawa naman siya sa naging biro nito.

"Sige, payag ako," nakangiting sabi niya.

Nanlaki naman ang mga mata nito.

"Talaga?" Hindi makapaniwalang tanong nito, ang mukha ay tila nanalo sa lotto.

Natatawang tumango siya.

"Salamat, Sei. Akong bahala sa'yo bukas. Susunduin kita gamit ang bangka ko. Ay teka, magpapaalam na rin ako kay Lola Helen, baka kasi pagalitan ako," natatawang sabi nito at kaagad itong lumapit sa lola niya.

Nakangiting napailing na lamang siya. Nawala lamang ang ngiti niyang nang makita si Hunter mula sa kalayuan. Nakatingin ito sa kaniya. Hindi niya mabasa kung ano ang nasa isip nito. Seryoso ito at walang anumang emosyon.

Nag-iwas siya ng tingin at itinuon ang mga mata sa isdang hinihiwa. Muli siyang tumingin sa kinaroroonan ng binata pero wala na ito roon.

Nang uwian na ay kaagad niyang inalalayan ang lola niya patungo sa bangka na maghahatid sa kanila sa bahay.

Isla Fontana Series #4: Ruthless Slave (COMPLETED)Where stories live. Discover now