Chapter 18 (Jealousy)

13.6K 518 43
                                    

CHAPTER 18

"APO, BILISAN MO. Hinihintay na tayo roon."

"Ito na po, lola," tugon niya sa lola habang tinitingnan ang sarili sa harap ng maliit na salamin.

Naglagay siya ng kaunting pulbo sa mukha. Tumingin siya sa lipstick na binigay ni Thea sa kaniya. Nag-aalangan siya kung gagamitin niya iyon.

"Mauuna na ako, apo. Papasundo na lang kita kay Leo. Tutulong pa ako sa pagluluto," anang lola niya at umalis na.

Nakangiting napailing na lamang siya. Kaarawan ni Leo ngayon at inimbitahan nito ang lahat para sa kaunting salo-salo mamayang gabi.

Tumayo siya at tiningnan ang suot. Sawa na siya sa puting bestida kaya nagsuot siya ng kulay dilaw na bestida. Binigay din ito ni Thea sa kaniya.

Napangiti siya habang tinitingnan ang sariling suot. Mukhang mamahalin ang suot niya. Malapit ang loob ni Thea sa kanila. Parang kailan lamang na natagpuan itong palutang-lutang sa karagatan at maraming pasa. Mabuti na lamang at tinulungan ito ni Zach. At ang  mas nakakatuwa ay nagkatuluyan ang dalawa.

Tanging siya na lamang ang natitira ngayon sa isla kasama ang lola niya. Si Alyssa ay nag-aaral na sa Maynila. Si Ate Kathy naman niya ay nandoon na rin sa Maynila.

Muli niyang tiningnan ang sarili sa harap ng salamin. Nagpasya siyang maglagay ng lipstick sa labi. Kaunti lamang ang nilagay niya. Sapat lamang para magkaroon ng kaunting kulay ang labi niya.

Napapaisip siya kung itatali niya ang sariling buhok. Sa huli ay nagpasya siyang itali iyon dahil mahaba na talaga ang buhok niya. Nahihirapan siya sa tuwing hindi iyon nakatali lalo pa at mahangin sa isla.

Napatingin siya sa pinto nang may kumatok doon. Humakbang siya patungo sa kahoy na pinto at binuksan iyon.

"Leo, pasensya ka na. Natagalan ako at—" Natigilan siya nang makita ang lalaking nasa harapan niya.

Hindi si Leo ang nasa harapan niya ngayon kundi si Hunter. Ilang segundo silang nagkatitigan. Nakita niya kung paano siya nitong tiningnan mula ulo hanggang paa.

"Anong ginagawa mo rito?" tanong niya.

Mataman itong tumingin muli sa mga mata niya at kapagkuwan ay tumikhim.

"Binilin ka ni Nanay Helen sa akin. Nakasalubong ko siya. Sabay na raw tayo," anito at nag-iwas ng tingin sa kaniya.

Ilang sandali siyang hindi umimik at kapagkuwan ay tumango.

"Tapos na rin ako. Tara na," aniya at lumabas.

Awtomatiko itong umatras at kapagkuwan ay tumalikod na para bang umiiwas itong tingnan siya.

Papunta na sila sa bangka nito nang may tumawag sa pangalan niya. Kaagad niyang nilingon ang lalaking tumawag sa kaniya. Awtomatiko siya nitong kinawayan.

"Leo," aniya nang makilala ito.

Patakbo itong lumapit sa kaniya.

"Sinabi ni Lola Helen na nandito ka pa kaya pinuntahan na kita," anito at tumingin kay Hunter. "Ahm, nakakaistorbo ba ako?" Napakamot ito sa ulo.

"Hindi." Kaagad na tugon niya at lumapit kay Leo. "Kay Leo na ako sasabay. Salamat," aniya kay Hunter at hinawakan sa siko si Leo.

Walang emosyong tiningnan lamang siya ni Hunter. Si Leo naman ay nagtatakang tiningnan siya. Tiningnan siya si Leo at bahagyang hinigpitan ang pagkakahawak sa siko nito. Tila nakuha naman nito kaagad ang ibig niyang sabihin.

"Ah, oo. Isasabay ko na lang siya," anito kay Hunter.

Kaagad na niya itong hinila patungo sa bangka nito nang hindi man lang lumilingon kay Hunter. Nang nakasakay na siya sa bangka ay nakahinga siya ng maluwag.

Isla Fontana Series #4: Ruthless Slave (COMPLETED)Where stories live. Discover now