Chapter 19 (Regret)

12.9K 548 85
                                    

CHAPTER 19

"APO, nanliligaw ba si Leo sa'yo?" tanong ng lola niya isang umaga habang nagluluto siya ng almusal nila.

Mahina naman siyang natawa.

"Hindi po, lola. Dati balak manligaw. Pero magkaibigan lang po kami," natatawang tugon niya. "Bakit po, lola?" tanong niya.

"Wala naman, apo. Mabait naman si Leo at kahit sino pa ang magiging nobyo ninyong mga apo ko ay susuportahan ko kayo ng buong puso. Nagtataka lang ako kung bakit hindi kayo nagpapansinan ni Hunter? Ayos lang ba kayong dalawa, apo?" tanong nito.

Mataman naman siyang tumingin sa lola niya.

"Lola, wala naman pong namamagitan sa amin ni Hunter," aniya at nag-iwas ng tingin.

"Apo, papunta ka pa lang, pabalik na ako. Alam na alam ko ang mga tinginan ninyo ni Hunter. Tahimik lamang ang batang iyon pero alam kong may mabuti siyang puso," anang lola niya.

Napasimangot naman siya.

"Boto ka lang kay Hunter, lola," bulong niya.

"Aba oo naman, apo. Boto talaga ako sa batang 'yon. Napaka-guwapo ba naman kahit mukhang suplado," anang lola niya na tila kilig na kilig pa, tila gusto pa siyang inisin.

"Hindi siya mukhang suplado, lola. Literal na suplado talaga 'yon," aniya at muling napasimangot.

"Kung ganoon ka-guwapo ba naman, apo. Wala akong pakialam kahit suplado pa. Kahit ibalibag ako, papayag pa rin ako," tugon ng lola niya, nananadya na talaga.

"Lola naman," reklamo niya.

Natawa na lamang ito.

"Mukhang may pinagtalunan nga kayong dalawa," naiiling ngunit natatawang sabi nito.

"Huwag na nga natin siyang pag-usapan, lola," nakasimangot na sabi niya.

Natawa na lamang ang lola niya. Hinanda na niya ang almusal nilang dalawa para makakain na sila. Pagkatapos mag-almusal ay nagpaalam siya sa lola niya para manguha ng mga herbal na gamot. Kailangan niya iyon dahil napapansin niyang madalas na inuubo ang lola niya.

"Magpahinga ka lang muna rito, lola. Babalik din po ako kaagad," aniya.

"Mag-iingat ka, apo. Mukhang uulan. Balik ka kaagad," anang lola niya.

Dala ang maliit na basket at umalis siya at tinungo ang kakahuyan para maghanap ng herbal na gamot.

Habang naghahanap ay ilang sandali siyang napatingala sa kalangitan. Parang uulan nga dahil medyo dumidilim na ang kalangitan.

Tinuon niya ang pansin sa paghahanap ng iba't-ibang klase ng herbal. Nang makarating siya sa kalagitnaan ng kakahuyan ay napansin niya ang maliit na kubo.

Awtomatikong kumunot ang noo niya. Matagal na siya rito sa isla pero ngayon lamang niya nakita ang maliit na kubong iyon. Mukhang bago gawa lang din.

Humakbang siya patungo sa kubo. Napatigil lamang siya sa paghakbang nang makita ang isang babae na naglalakad patungo sa maliit na kubo habang may matamis na ngiti sa mga labi.

Muli ay kumunot ang noo niya. Kilala niya ang babae. Si Syril. May puwesto rin ito sa maliit na palengke ng isla kaya kilala niya ito.

Napatingin siya sa maliit na kubo nang may lumabas mula sa loob niyon. Halos matulala siya nang makita si Hunter. Mabilis niyang tinago ang sarili sa puno ng niyog.

Nang muli siyang tumingin sa kubo ay nakita niya kung paanong sinalubong ni Syril si Hunter. Bago pa man maglapat ang labi ng dalawa ay kaagad na siyang nag-iwas ng tingin.

Isla Fontana Series #4: Ruthless Slave (COMPLETED)Where stories live. Discover now