CHAPTER 29

163 8 0
                                    

"Tita?" Nagmamadaling tumungo si Tanner sa bahay ng kaniyang tiyahin. Walang pake kung nagpipintig pa ang kaniyang ulo na epekto ng alak kagabi. Kinakabahan siya habang nagdarasal na sana ay may ideya ang kaniyang tita sa kung saan nagpunta si Beau.

"O, ba't ganiyan ang hitsura mo?" pag-aalala ng matandang babae.

"Tita, may nabanggit po ba sa inyo si Beau na luluwas siya pabalik ng probinsya?" Halos magkasugat-sugat na ang mga daliri nito sa kakakutkot. Hindi talaga siya mapakali.

"Wala naman, kagigising ko lang din eh."

Agad siyang nagpasalamat at bumalik sa loob ng bahay. Ang bilis na ng takbo ng kaniyang puso't isipan. Ang gulo. Iniisip niya kung saan pa maaaring pumunta si Beau.

Jace. Tangina, paano ko 'yon hahanapin.

Napapasabunot na rin siya sa sariling buhok, sinusubukang itigil ang pagpa-panic.

Nagpapaikot-ikot na lang siya, lakad dito, lakad roon. Pinuntahan niya pa ang mga social media ni Beau kung may friend ba siyang nagngangalang Jace.

Wala.

Kumakalam na ang kaniyang sikmura, ni pag-aayos sa sarili ay hindi niya na inintindi. At sa gitna ng kaniyang pagpapabalik-balik sa loob at labas ng bahay, tumunog ang kaniyang cellphone. Isang tawag na alam niyang makapagbibigay sa kaniya ng ideya sa kung nasaan si Beau. Bakit nga ba hindi niya naisip na tawagan ito?

"Si Beau? Nandiyan ba siya? Okay lang ba siya?" sunod-sunod na tanong nito sa kausap.

Tila nagpanting naman ang kaniyang tenga't lumaki ang mga mata nang marinig ang malalakas na tunog mula sa kabilang linya. Parang may nagkakagulo, may nag-aaway.

"ANO 'YON?! ANONG NANGYAYARI? KHYLA?!" Pinagpapawisan na siya. Matulin niyang kinuha ang susi ng sasakyan at lumabas, hinihintay pa rin ang sagot ng babae.

"Tanner... si Beau kasi... pinalabas niya kami ni Karlo, mag-isa lang siya kasama 'yung tatay niya. Please, Tanner. Baka may mangyaring masama kay Beau, para mo nang awa," paputol-putol at humihikbing saad ni Khyla.

Ibinaba na agad ng binata ang cellphone at nagsimulang magmaneho. Mahigpit ang hawak sa manibela at nakakuyom ang panga sa galit.

Putangina.

"Nasaan ho 'yung pera ng kapatid ko?" tanong ni Beau sa kaniyang ama. Isinara niya ang bahay nang hindi ito makatakas sa kaniya.

"Ipon niya ho kasi 'yon pambili ng laptop dahil malapit na rin siyang magkolehiyo." mahinahong pakikipag-usap nito sa matanda.

"Aba, iba ka rin ano? Bastos ka ha?! Lumuwas ka lang pa-Maynila, ganiyan ka na umasal?!" Pinandilatan siya nito, ngunit nananatili siyang matatag. Hindi nagpapatinag.

Dinuro-duro siya ng sarili niyang ama at pinagtatawanan lang siya. "Hoy salot, baka gusto mong patayin na kita?"

Nanginginig na siya. Parehong dahil sa poot at takot, dahil bumalik na naman sa kaniya ang bangungot ng nakaraan.

"Nakikipag-usap ho ako nang maayos."

"Ako rin naman ha?! Maayos akong humingi sa walang kwenta mong kapatid. Pero tinarantado ako, sabi niya wala, gago ba siya?!" Kumuha ito ng plato at umupo sa harap ng lamesita. Kumuha ng kanin mula sa maliit na kaldero.

Si Beau, pinagpapawisan na ang mga palad, nanlalamig ang katawan. "Pero bakit ninyo kailangang pagbuhatan ng kamay?" Lumalakas na ang kaniyang boses. "Nagdugo ang ilong ng kapatid ko, putok pa ang labi." Kahit pa man sabihin niyang magpapakatatag siya, kung pinag-uusapan na ang kapatid niya, talagang manghihina siya.

"Eh pa'no, lumalaking siraulo. Baka pati ikaw gusto mong bugbugin ko?" nakangising sambit nito sa kaniya.

"Ginastos ninyo 'yung pinaghirapan ng kapatid ko sa sugal at droga ninyo. Hindi na kayo nahiya."

Para bang nag-init lalo ang ulo ng ama nito. Wala ito sa matinong pag-iisip, at alam ni Beau kung saan maaring tumungo ang usapang ito. Pero handa siya sa lahat, para sa kapatid niya, para sa kaniya.

"..."

Sa kabilang dako, kausap na ni Khyla ang mga magulang ni Tanner. Nakiusap si Tanner na puntahan si Beau sa bahay nito dahil parehong na sa trabaho ang mga magulang ni Khyla.

"Dalhin ka muna namin sa malapit na clinic," wika ng matandang babae. Agad na umiling si Karlo at naluluhang tinignan ang mga mata ng ina ni Tanner. Nagmamakaawa.

"Ma'am, 'yung kuya ko po."

Sinamahan na lang nina Khyla at Karlo ang dalawang matanda. Malalaki ang mga padyak pabalik sa kinaroroonan ni Beau.

Sa parehong oras, nagdurugo na ang bandang kaliwang parte ng noo ni Beau. Bunga ng pagtama sa kaniya ng plato. Nagmamanhid ang pinsgi dahil sa kamaong sumapak rito.

"Hindi ko gusto tabas ng dila mo ah! Walang'ya ka, kung alam ko lang na magiging suwail ka, edi sana hinayaan na lang kitang lumaki sa kalsada. Bakla ka na nga, bastos ka pa! Pareho kayo ng kapatid mo, nakakahiya kayo! Mga walang kwenta! Pwe!" Kasunod nito ang paglapat sa kaniya ng likidong mula sa bibig ng ama.

Natatawa si Beau. "Anong tingin mo sa sarili mo, naging mabuti kang tao?! Kaya ka nga iniwan ni Mama, kasi wala kang kwenta! WALA KANG KWENTA BILANG ASAWA'T BILANG AMA!"

Dinakma't hinila ng matandang lalaki ang kwelyo ng tshirt niya at sinapak siyang muli. Wala na siyang lakas lumaban. Wala rin naman kasi siyang balak lumaban.

Natumba na lang siya sa sahig nang tinadyakan siya sa kaniyang sikmura. Sinubukan na lang niyang gumapang papunta sa dingding ng bahay para sumandal at kumuha ng suporta mula rito.

Nang makarinig sila ng mga boses at pagkatok sa labas ng kanilang bahay, matuling tumakas ang ama niya sa likod ng kanilang bahay.

Hawak ni Beau ang kaniyang tiyan, nanghihina't nasusuka. Idinura niya ang mga dugo sa bibig dahil sa pumutok ang kaniyang pisngi sa loob ng bunganga.

"Karlo..." halos walang boses niyang pagtawag sa kapatid. Isang malakas na tunog na lang mula sa manipis nilang pinto ang kaniyang nadinig. Winasak ito. Kasunod ang pagpasok ng apat na pigura ng tao.

"Kuya!"

Nginitian niya ang nakababatang kapatid, bago nito ipikit ang nanlalabong mga mata.

"..."

Gabi na nang magising si Beau. Naramdaman niyang may malamig na bimpo ang nakalapat sa kaniyang mukha. Nagtatangka siyang tignan kung sino ang gumagawa nito, ngunit mahapdi pa rin ang pagdilat para sa kaniya. At habang hinihintay niya ang paglinaw ng kaniyang paningin mula sa pagkakatulog, isang paghikbi ang kaniyang napakinggan.

"'Yung uhog mo labas na," pagbibiro nito kay Tanner. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala sa kaniya. Bagsak ang kilay at mga matang may lumbay. Walang tigil ang pagpatak ng luha mula sa mga namumulang mata nito.

"'Wag ka nang umiyak, gising na si Sleeping Beauty."

Muntik Na Kitang MinahalWhere stories live. Discover now