Chapter Eighteen

23.3K 354 26
                                    

ANGEL

Bahagya akong napakurap sa aking pagkatulala sa kawalan nang maramdaman ang mahinang pag-vibrate ng teleponong hawak. Ilang oras na ang nakalipas nang sumbatan na nangyari sa aming dalawa ni Dark, narito pa rin ang sakit sa dibdib, pero wala na ang mga luhang pumuno sa aking mga mata kanina. Parang naiyak ko na ang lahat ng luha sa katawan ko sa loob ng ilang oras na pag-iisa. Mahimbing ang tulog ng anak ko kaya maingat lamang ako tumayo mula sa aking pagkakaupo sa kama para basahin ang mensaheng galing kay Manang Lenda.


"Bukas ang tahanan ko para sa inyo ni Ken, nak. Kung kailangan mo ng makasasama papunta rito ay ipapasundo kita sa taong mapagkakatiwalaan ko. Nandito lang ako palagi para sa'yo, Angel, anak."


Malungkot akong napangiti sa kawalanan nang mabasa ang sinabing iyon ni Manang. Kanina kasi na tumila ang mga luha ko ay si Manang agad ang pumasok sa isipan kong kausapin. Hindi pa kasi ako handa mag-kuwento at magpaliwanag sa pamilya ko tungkol sa mga nangyari at sa estado ng relasyon namin ni Dark. Kaya kanina ay si Manang ang kinapitan ko, si Manang kasi ang may alam sa lahat dahil matagal din namin siya nakasama sa bahay ni Dark.


Sa lagay ng emosyon at pag-iisip ko ay para na akong nasasakal at hindi makahinga, gusto ko na lang muna lumayo kasama si Ken para tuluyang humilom ang mga sariwang sugat at bakas sa damdamin ko gawa ng mga nangyari sa aming dalawa ni Dark. Halo-halo na kasi sa utak ko ang lahat, para akong pagod na pagod ngunit maging ang pagtulog sa gabi ay hindi na makatulong. Kaya nang maalala ko ang sinabi sa akin ni Manang bago siya umalis ay buo na ang desisyon kong umalis na muna't lumayo kay Dark.


Binalikan ko ng tingin ang anak kong kumportableng nakahilata sa kama at kusang bumuga ng malalim na hininga ang katawan ko. Hindi ko na muna nireplayan si Manang at bumalik sa kama para pagmasdan ng malapitan ang anak ko. Habang na kay Ken ang mga mata ko ay bigla ko na lamang ulit naramdaman ang mga luha sa pisngi ko, ang akalang natuyot nang mga luha ay muling kumawala sa akin.


Sobrang hirap ng mga bagay na kailangan kong piliin sa mga sandaling ito. Kahit pilitin kong sabihin sa sarili ko na makakaya ko itong panindigan ay natatakot pa rin ako. Gayunpaman ay nadala na ako sa epekto ng takot sa akin dahil sa naging resulta sa relasyon namin ni Dark, kaya kahit takot ay wala akong magagawa kundi indahin iyon. Alam ko naman kasi sa sarili ko na ito ang tamang oras para lumayo muna, ilang beses ko na rin kasi nasabi sa sarili ko ang salitang 'ang sakit-sakit na'.


Kagaya na rin ng sinabi sa akin ni Manang noon, sa relasyon namin na ito ni Dark ay isa akong sundalo. Ngayon na sobrang sugatan ako, kailangan ko munang gamutin ang lahat sa aking buhay at sumuko muna para sa kapakanan ko. Tapos na ako sa parte ng buhay ko na kahit ilang beses pang sabihin ng utak ko na tama na ay pilit pa ring binubulong ng puso ko na konting tiis pa. Ayoko na magpaka-martyr sa mga sandaling ito, ang hirap magpanggap na okay pa ako kahit ramdam ko bawat segundo ng buhay ko na para akong pinipirapiraso sa sakit dala ng pagtitiis ko sa relasyon namin ni Dark. Ngayon na ang panahon para ang utak ko naman ang sundin ko.


Ngayon na unti-unti na akong nagigising sa bangungot ko, napapagtanto ko na tama rin si Dark sa sinabi niya sa akin no'ng mga nakaraan. Kailangan na talaga mahinto ang sakit na nagagawa ng relasyon namin hanggang kaya pa, habang tumatagal nang tumatagal ang ginagawa naming pagtitiis dalawa ay mas lalo kaming nahihirapan. Para kasing apoy ang relasyong nabuo namin sa ilang taon na ito, hindi mo pwedeng hawakan ng matagal dahil magsasanhi lamang ito ng labis na sakit sa iyo na maaaring indahin mo ng mahabang panahon.

Loving DarkTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon