Chapter Thirty-Two

13.7K 229 12
                                    

CLARK

Tahimik lang ang naging pagpunta namin ni James sa garden ng bahay ni Lola. Hindi ko magawang mapalagay sa mga sandaling ito dahil parang may kung ano sa aking loob ang gusto na lamang ilayo ang ate ko sa lahat. Mahal na mahal ko si Ate Angel, bata pa lang kami ay alam ko nang matalik na silang magkaibigan ni Dark. Pero nang malaman ko ang naging relasyon nilang dalawa nang maikasal sila sa hindi planadong pamilya ay wala na akong ibang gusto kundi ilayo ang ate ko sa lalakeng iyon at sa buong pamilya nila.


Alam kong malaki ang naitulong nila sa pamilya namin noon ngunit hindi sapat 'yon para hayaan nilang maikasal ang ate ko sa walang kwenta nilang anak. Hindi ko kayang kalimutan na lang basta-basta ang ginawa niya noon sa ate ko nang malaman niyang nagta-trabaho si Ate sa club. Pinahiya niya ang ate ko sa harap ng maraming tao, at ni minsan sa buhay niya ay nagawang pakinggan at unawain ang ate ko.


Dahil sa yaman ng pamilyang pinagmulan niya ay nabulag siya sa realidad ng karamihan sa mga taong naghihirap sa mundo. Nagawa lamang ng ate ko ang bagay na iyon dahil kinailangan at ninais niyang makatulong sa aming pamilya. Subalit dahil sa mababang kapasidad ng pag-unawa ang mayroon si Dark noon— maging hanggang ngayon— hindi niya maintindihan ang bagay na iyon. Wala siya sa pinagdaanang mabigat ng pamilya namin— lalong-lalo na ni ate noon, kaya nang masaktan si Dark sa nalamang sekreto sa kaniya ng babaeng mahal ay sinira niya ang buhay nito.


At iyon ang bagay na hinding-hindi ko kayang bitawan nalamang basta. Dahil sa mga Smith nasira ang magandang buhay na pangarap namin kay Ate. At kung hindi kami nabaon sa utang noon sa kanila, hindi sana nasasaktan ng ganito ang ate ko ngayon gawa ng sitwasyong mayroon ang relasyon nila ng lalakeng iyon. Kaya ngayon na medyo nakaluluwag na kami ay nais ko nang matapos ang paghihirap ng ate ko, nais kong maging masaya na si Ate Angel sa kaniyang buhay na malayo kay Dark.


Kaya nang makita ko si James Smith kanina ay tunay akong nagulat, kahit hindi ko alam kung paano sila nagkita ay alam kong hindi alam ni Ate na magkamag-anak sina Dark at James. Kaya hindi ko hahayaang mapalapit pa ulit ang ate ko sa isa pang Smith. Isa pa, mas lalong gugulo kapag ipinagpatuloy ni James ang ginagawa niyang panliligaw sa ate ko. Hindi pa man ako sigurado sa bagay na iyon ay malakas ang kutob ko na may kakaibang namamagitan sa kanila. Nang abutan niya kanina ng bulaklak ang ate ko ay alam ko na agad ang ibig sabihin nito. Hindi maaari— masyado itong komplikado para sa lahat kaya hanggang maaga pa ay kailangan putulin na.


"May kilala ka bang Dark?" iyon agad ang bungad ko sa kaniya kaya nagulat ito pero kalaunan ay napatango rin agad.


"Dark? Yes, I have a cousin named Dark Smith. Bakit mo naman natanong ang tungkol sa kanya? Do you know him?" sagot nito at usisa akong tinanong. Dahil ayokong malaman niya sa akin ang totoo ay agad akong nag-iwas ng tingin at napangisi na lamang sa kawalan.


"Wala naman, naitanong ko lang ang bagay na iyon. Pero ang gusto ko talagang sabihin sa'yo ay layuan mo na ang ate ko simula ngayon." diretsong saad ko. Dahil doon ay agad sumeryoso ang ekspresyon ng kaniyang mukha.


Napakunot ang noo niya na tila ba hindi makapaniwala sa narinig galing sa akin. Mukha naman siyang matinong lalake kumpara kay Dark, subalit hindi kasi iyon ang punto ko. Gusto ko lang na malayo sa gulo at sa mas matinding sakit ang ate ko kapag lumabas na ang totoo. Masyado nang maraming naranasan ang ate ko kaya hindi ko na hahayaang madagdagan pa ito ng mas kumplikado.

Loving DarkTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon