Chapter Thirty-Four

13.2K 221 11
                                    

ANGEL

Mahigpit ang ginawa kong pagyakap sa kapatid ko nang sa wakas, makalipas ang kalahating oras ay bumalik na sila ni Lola sa bahay. Pero hindi gaya ng aking inaasahan ay nanatiling walang kibo ang kapatid ko sa akin habang hinahayaan lamang akong nakayakap sa kaniya. Hindi ko tuloy maiwasang hindi malungkot ng sobra ngayon.


"Magpapahinga na ako, Ate." maiksing banggit ni Clark kaya napabitaw na lang ako sa yakap at napatango. Ngunit dahil hindi ko kayang pigilan ang nararamdaman kong lungkot ay nagsalita ako bago siya tuluyang umakyat ng hagdan, mabilis siyang huminto sa paghakbang at pinakinggan ang sasabihin ko.


"P-patawarin mo na si Ate, Clark. Naging kaibigan ko na kasi talaga si James dito..." saglit akong huminto at tinignan si James na tahimik lamang nakatayo sa gilid habang nakikinig sa akin.


"Pinangako naman niyang hindi ako sasaktan at malaki ang tiwalang nabuo ko sa kaniya. Huwag kang mag-alala, kapag nasaktan ako kahit unti lang dahil sa kaniya ay kusa akong lalayo. Kaya na ni Ate ang sarili niya, kaya kung ano man ang inaalala mo ay ipaubaya mo na sa akin." kahit may lungkot ay pinilit ko talagang ngumiti para mapagaan ang nararamdaman ng kapatid ko.


Ayokong makita at maramdaman na masama ang loob sa akin ng nakababata kong kapatid. Kami na nga lang dalawa ang magkapatid ay magkakasamaan pa ng damdamin. Kaya bilang nakatatanda ay obligasyon kong ayusin ito ng walang nasasaktan sa aming dalawa.


"Wala na akong magagawa sa desisyon mo, Ate. Pasensya na rin sa mga nasabi ko kanina, ayoko lang talaga na masaktan ka kapag..." huminto ito at tila ba may kung anong inalala. Lumungkot ang ekspresyon ng kaniyang mata at napapikit na lamang ng mariin bago muling magsalita.


"Kapag niloko ka rin niya kung sakali..." umiwas ang mata ni Clark sa akin kaya ako na ang lumapit sa kaniya at inabot ang pisngi para panggihilan. Sa ginawa ko iyon ay mabilis namula ang kapatid ko at bahagyang napangiti.


"Huwag na tayong mag-overthink dalawa, Clark. Huwag na rin tayo magtalo pa sa mga bagay na ganito. Basta, masaya ako ngayon, Clark. Safe rin ako kaya wala kang dapat ipag-alala." nakangiti kong banggit at kinuha ang kamay ng kapatid ko. Hindi pa man nawawala ang pag-aalala sa mga mata ni Clark ay ramdam ko na kahit papaano ay napanatag siya sa mga narinig mula sa akin.


"I'm sorry rin kung napagbuhatan kita ng kamay kanina, Clark..." muling lumalim ang paghinga ko nang mabanggit ko iyon. Ngayon naman ay siya ang nakita kong ngumiti ng tipid sa akin at mahinang tumawa.


"I deserve that slap, Ate Angel. Hindi ko dapat sinabi ang mga bagay na iyon dahil alam ko naman na ikaw ang pinakamatinong babaeng kilala ko. Kaya kalimutan mo na 'yon, Ate. Wala na rin 'yon sa akin." aniya na labis nagpagaan ng loob ko. Isang mahigpit na yakap muli ang nagawa ko bago marinig ang boses ni Lola.


"Normal lang talaga ang ganiyang tampuhan sa magkapatid. Ang mahalaga ay marunong kayong tumanggap ng pagkakamali ng isa't isa. Sa susunod, Clark, huwag ka nang pasaway sa ate mo. Lalo na ngayong buntis siya, buti at hindi sobrang na-stress ang pamangkin mo." nauwi sa sermon ang pagsasalita ni Lola kaya nakita kong napakamot na lamang sa ulo ang kapatid ko. Ang dami ko pang naririnig na sinasabi ni Lola kay Clark habang umaakyat sila ng hagdan, ngunit kay James na napunta ang atensyon ko.


Katulad kanina ay tahimik lamang siya. Napakurap na lang ito nang tapikin ko ang kaniyang braso. Sumilay ang ngiti sa kaniyang labi, subalit ramdam ko na hindi siya nasa maayos na lagay. Malamang ay iniisip pa rin niya ang mga nasabi ng kapatid ko. Nalaman kong nauna na pala siyang sabihan ng ganoon ng kapatid ko kanina. Hindi ko man alam kung saan nagmula ang pag-ooverthink ni Clark sa amin ni James ay hinayaan ko na lang at hindi na pinalaki pa ang pagtatalo naming dalawa.

Loving DarkTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon