Prologo

4.7K 133 34
                                    

Third person's POV

"Guys! Picture tayo doon!" sigaw ng isang dalagita habang nakahawak ng isang camera at tinuro- turo ang Fort San Pedro na nakatayo hindi malayo sa kanilang kinaroroonan.

"Hindi naman aalis iyang Fort San Pedro, hija. Mamaya pagkatapos ng tour natin ay bibigyan namin kayo ng isang oras para kumuha ng litrato," tugon ng isang guro katabi ng dalagita.

Napahinga nalang ng malalim ang dalagita at nakinig muli sa kanilang tour guide na ngayon ay pinapaliwanag ang mga kasaysayan at kwento sa bawat gusali at lugar na kanilang nadadaanan sa Cebu.

Bilang lamang sa mga mag-aaral ang nagbigay pansin sa bawat detalye at impormasyong pinapaliwanag ng kanilang tour guide. Ang ilan ay puro abala sa pagkuha ng litrato, pakikipag-usap sa kaklase, at kadalasan ay nasa kanya-kanyang telepono ang atensyon. Makalipas ang mahigit isang oras na paglilibot ay bumalik na ang buong grupo sa Fort San Pedro kung saan ang huli nilang destinasyon bago bumalik sa hotel na kanilang tinutuluyan.

"Bukas ng umaga ay sa Mactan naman tayo tutungo. Buong araw nating lilibutin ang Mactan bukas bago tayo bumalik sa Maynila," anunsyo ng kanilang punong-guro.

"Nandito na tayo sa Fort San Pedro, isa sa pinakamatanda at pinakamaliit na moog sa Pilipinas. Itinayo ito noong Mayo 8, 1565 ng mga manggagawang Pilipino sa pamamahala ni Miguel Lopez de Legazpi," paliwanag ng tour guide.

Sa kinahulian ay nakatayo ang isang dalagitang hindi maputol-putol ang paningin sa gusaling nasa harapan. Nagtataglay siya ng isang nakakahalinang kariktan. Mapupungay ang kanyang mga mata, maninipis ang mga labi, at medyo kulot ang kulay kastanyo at hanggang bewang nitong buhok.

"Ara, have you been here before?" tanong ng kaibigan niya nang mapansing napakunot ang noo ni Ara na parang may inaalalang pangyayari.

"No. I'm just amazed with how beautiful it looks. I mean, not just because of its style or structure, but the story behind it makes it even more beautiful and mysterious," saad ni Amarah. Napatango-tango naman ang kaibigan niya habang nakatutok na rin sa Fort San Pedro.

"I'm just impressed with how you value our history, Ara. I wish everyone's like you. Kadalasan kasi ngayon ay hindi na a-appreciate ang mga ancestral stuffs," pahayag naman ni Ria.

Ngumiti lamang si Amarah at sumunod nalang sa kanilang tour guide papasok sa Fort San Pedro.

Kinaumagahan, nagsihanda na ang lahat para magtungo ng Mactan kung saan gaganapin ang kanilang Team building at kung saan magtatapos ang kanilang field trip sa Cebu bago bumalik ng Maynila.

Nang makarating na ang lahat sa Mactan, hindi mapigilang mapangiti ni Amarah nang bumungad ang isang napakagandang mga tanawin at sariwang hangin sa kanyang mukha. Marami silang nadaan na mga kabahayan, sasakyan, maliliit na tindahan at mga matataas na puno. Ipinikit naman ni Amarah ang kanyang mga mata at dinama ang sariwang hangin habang patuloy na tumatakbo ang kanilang sinasakyan.

"Sa puntong ito. May ibinaon kaming mga papel na may nakalagay na mga direksyon kung saan ninyo mahahanap ang bandila ng inyong grupo. Ang sinumang unang makahanap at maiwagayway ang bandila sa entabladong iyon ang siyang tatanghaling kampyeon," anunsyo ng kanilang punong-guro.

Nahati sa limang grupo ang buong klase. Bawat isa ay may mga hawak na kahoy at iba pang matutulis na bagay na pwedeng gamiting panghukay. Nagsimulang maglibot ang bawat grupo upang hanapin ang mga nakatagong direksyon.

Nagdesisyun naman ang grupo ni Amarah na maghiwa-hiwalay upang mas mapabilis ang paghahanap. Kaya't malayo sa nakararami, sa isang liblib na lugar na napapaligiran ng matataas na puno, nagtungo si Amarah. Tahimik at tanging mga huni ng ibon na lamang ang naririnig niya.

'Di malayo sa kanyang kinaroroonan ay may bukod tanging bato ang nakakuha sa atensyon ng dalaga. Hugis kahon ito at bakas sa itsura nito ang pagkaluma. Agad itong nilapitan ni Ara at pinagmasdan.

Bigla siyang nakaramdam ng isang hindi maipaliwanag na tibok ng puso matapos hipan ang alikabok na nakabalot doon. At mas nagulat pa siya nang may nakalagay sa ibabaw nito na mukhang sadyang inukit...


1521

"Anong ibig sabihin ng nakaukit sa batong 'to?" tanong niya sa sarili.

Inilibot niya ang mata sa kanyang paligid upang alamin kung ano pa ang meron sa lugar ngunit isa lamang itong ordinaryong loob ng gubat na maraming halama't mga bulaklak ang nakapalibot.

Ipinikit niya ang kanyang mga mata at dinama ang sariwang hangin habang nakangiti. "It feels like home. Weird," bulong niya ulit.

Sa kalagitnaan ng kanyang momento ay narinig niya ang boses ng isa sa kanilang mga guro kaya agad siyang napa-upo at nagkunwaring naghuhukay sa lupa na katabi ng hugis-kahong bato.

"Miss Visitacion," tawag sa kanya ni Ginang Yamis, isa sa kanilang kasamang guro. "Bakit ka umabot dito sa paghuhukay?"

"A-ah kasi Ma'am, feeling ko talaga nandito, eh," kinakabahang sagot ni Ara.

"Okay, kapag natapos ka riyan, lumipat ka sa mas malapit sa meeting place. Hapon na at baka maligaw ka pa," tugon nito at naglakad papalayo.

Napahinga-hinga nalang siya ng malalim habang patuloy pa rin ang kamay sa paghuhukay.

Bigla siyang napatigil nang may naramdaman siyang matigas mula sa kanyang hinuhukay. Napangiti siya sa saya at mas binilisan pa ang paghuhukay.

"Omg! May nahanap ako. Mananalo kami!" masaya niyang ani.

Napatigil lang siya kalaunan at napawi ang mga ngiti sa mga labi niya nang makita kung ano ang kanyang nahukay. Ang saya ay napalitan ng pagtataka nang bumungad ang isang kahong napapalibutan ng lupa.

Nahirapan siya sa pagbubukas dahil makapal ang lupang nakadikit sa kahon bunga sa katandaan nito. Kumuha siya ng isang bato at iyon ang ginamit para buksan ang kinakalawang na kahon.

Isang ubod ng lumang papel ang nasa loob ng kahon. Nakasulat sa badlit ang laman ng papel ngunit mabuti nalang at likas na mahal ni Ara ang kasaysayan kung kaya't napag-aralan niya rin, sa pamamagitan ng kanyang ina na isang guro sa History, ang tungkol sa mga sinaunang sistema ng pagsusulat.

Maingat itong kinuha ni Ara at buong sikap na inalala at binasa ang laman ng papel...

"Isinilang ako para sa iyo, handa akong mamatay kung para sa'yo, at mabubuhay akong muli para sa iyo. Asahan mong mamahalin kita hanggang sa huling siglo ng mundo."

• • • • • • • • • • •

PAALALA: Ang istoryang ito ay bunga lamang ng imahinasyon ng may-akda. Ang iilan sa mga tauhan, lugar, at pangyayari ay hindi totoo o bahagi ng Kasaysayan ng Pilipinas. Nakatuon ang kwentong ito sa ika-labing anim na siglo kung saan hindi pa nadidiskubrehan ng mga kastila ang ating bansa.

Mababanggit din sa kwentong ito ang "nakatagong kasaysayan" ng Pilipinas kung saan ang angkan daw ng mga Tagean/Tallano ang namumuno sa Kaharian ng Maharlika (Pilipinas/Philippines). Ang ilan sa mga mahahalagang tao sa kasaysayan ng bansa ay nakapaloob din sa kwentong ito, gayundin ang mga makasaysayang labanan sa Mactan, Cebu ay may malaking kaugnayan dito.

Muli, ang kwentong ito ay binubuo ng pawang kathang-isip lamang. Hindi ito kabilang o nasusulat sa kasaysayan ng bansa. Maraming salamat! 

Hiraya (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon