Kabanata XLI

450 28 7
                                    

Mula sa Pananaw ni Mayang

Mabilis akong lumabas ng bahay nang marinig ang ingay mula roon. Naabutan kong kakarating lang ng Umalohokan at pinapatawag lahat para sa isang pagpupulong.

"Mayang, dumating na ba ang iyong Kuya Carpio?" tanong sa akin ni Inay na kakalabas lang din ngayon ng aming bahay.

"Hindi ko pa po siya nasusumpungan, Inay," sagot ko.

Kumunot ang noo ni Inay sa pag-aalala. "O Bathala, saan kaya ngayon si Hiraya. Sana naman ay nasa maayos silang kalagayan ng aking apo."

Noong isang araw pa nawawala sina Binibining Hiraya at Ate Marita. Ayon kay Kuya Bisdak, na siyang huling nakausap ni Binibining Hiraya, nagtatanong daw ito kung nasaan si Babaylan.

Ngayon ay papalubog na ang araw. Tatlong araw ang nakalipas simula noong nawala sila. Hanggang ngayon ay hindi pa bumabalik ang aking Kuya at ilang mandirigma. Lubos na kaming nag-aalala sa kanila, ngunit alam kong mas lubos ngayong nag-aalala si Kuya Carpio para sa kanyang mag-ina.

"Ano ang bagong balita, Umalohokan?" tanong ni Mang Goryo.

Kakarating lang din nina Rajah Lapulapu at Itay na mukhang galing lang din sa pag-uusap. Lahat ng aming mga mata ay nasa Umalohokan na ngayon, naghihintay ng isang magandang balita.

"Narinig ko sa ilang mangingisda sa kabilang barangay na mainit na tinanggap nina Rajah Humabon at Datu Zula ang mga dayuhan. Nagpakilala rin sila ng isang bagong paniniwala. Ayon sa kanila, ito raw ang tinatawag na Kristiyanismo na siyang relihiyon sa Espanya," saad ng Umalohokan.

"Halos lahat ng mamamayan sa kabilang barangay ay kanila na ring bininyagan at binigyan ng panibagong pangalan, kabilang na rito sina Rajah Humabon at ang kanyang asawa," dagdag pa ng Umalohokan bago nagbaling ng tingin kay Rajah Lapulapu.

"Rajah, mayroong isang sulat na ipinadala para sa ating barangay. Inaanyayahan tayong magpabinyag sa kanila at kilalanin ang kanilang hari."

Agad nanaig ang bulungan sa ibang kasamahan namin. Nagbaling ako ng tingin kay Rajah na mababakas ang galit sa kanyang mukha.

"Hindi man lamang sila nanghingi ng pahintulot sa Hari ng Maharlika. Tumanggap sila ng mga dayu mula sa ibang dako ng daigdig nang ganoon ka dali!" may galit niyang tugon.

Napatahimik ang kanina'y napuno ng bulungan. Naglakad sa harap si Rajah at inilibot ang tingin sa nasasakupan.

"Makinig kayo!" sigaw niya. "Kahit watak-watak ang mga pulong sakop ng Maharlika, tayo ay nasa ilalim pa rin ng panunungkulan ng aking amang si Haring Luisong! Huwag tayong palilinlang sa mga dayuhan! Huwag tayong magtiwala agad hangga't hindi natin alam kung ano ang kanilang tunay na sadya sa atin at sa ating lugar!" patuloy ng Rajah.

"Tama!

"Oo nga!"

"Masusunod, Rajah!"

"Mayang," kalabit sa akin ni Uda sa gitna ng pakikinig. "Nariyan na ang mga mandirigma kasama ang iyong Kuya," saad niya sabay turo sa aming likuran.

Agad akong tumakbo sa kanila. Bigo ang kanilang mga mukha kaya alam kong wala itong magandang balita na dala.

"Kuya! Nahanap niyo na ba sina Ate Marita at Binibining Hiraya?" tanong ko agad.

Hindi sumagot si Kuya Carpio. Nilagpasan niya lamang ako habang nakakuyom ang kamao. Galit na galit itong nagtungo sa aming bahay.

"Kuya Bisdak, ano po ba ang nangyari?"

"Halos malibot na namin lahat ng barangay, maliban lamang sa barangay nina Datu Zula kung nasaan si Atan," matamlay na sagot ni Kuya Bisdak.

Nasa kabilang bahagi ng isla ng Maktan ang barangay nina Datu Zula, kaya marahil ay hindi sila umabot doon. At mahigpit ding pinag-uutos ni Rajah na huwag nang umabot doon dahil sa alitan nila ni Datu Zula.

Hiraya (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon