Kabanata XVIII

604 39 3
                                    

Nagtungo muna ako sa aming kubo upang magpaalam kay Rosa para hindi siya mag-alala. Wala nang mga tao sa labas ng kubo nina Mang Agus. Natatanaw ko na rin si Rosa at Bisdak na nag-uusap sa loob ng aming bahay.

"O, binibini, saan ka nanggaling?" tanong agad ni Rosa. Umayos pa ng upo si Bisdak nang makita ako. Umusog siya upang makalayo kay Rosa.

"Nag-usap lang kami ni Aling Eka. Nasaan nga pala sina Mayang at Marita?" tanong ko.

"Umuwi na si Mayang sa kanila habang si Marita naman ay dali-daling umalis. Hindi naman namin alam kung saan siya tutungo," sagot ni Rosa.

Tumango na lamang ako. "Rosa, aalis na muna ako. Magsasanay lang kami ni Carpio. Babalik rin kami bago lumubog ang araw," paalam ko sa kanya na agad namang nagpangiti sa dalawang nagkatinginan. Kumunot nalang ang kilay ko sa dalawa.

"Magsasanay bilang?" nakangising tanong ni Bisdak.

"M-mandirigma, bakit?" sagot ko. Narinig ko namang nagpipigil sa tawa si Rosa.

"Ah. Akala ko magsasanay bilang mag-asaw---" hindi ko na pinatapos ang sasabihin niya. Agad kong kinuha ang pamaypay na gawa sa dahon ng niyog at hinampas sa braso niya.

"Aray!" pag-ayaw niya. Humalakhak naman si Rosa at pinulot ang pamaypay sabay hampas rin sa kabilang braso ni Bisdak.

"Pati ba naman ikaw?! Kayong mga kababaihan talaga! Mapanakit kapag kinikilig!" utas niya pa.

"Hoy! Ako'y hindi kinikilig. Naiinis ako!" sumbat ko.

"Ngayon lang ako nakakita ng naiinis na nangingiti," ngisi pa niyang sagot.

Inirapan ko nalang siya at muling hinampas ang braso niya sabay lakad palabas. Hindi pa man ako nakakalayo ay muli kong narinig ang mahinang tinig ni Bisdak at Rosa na para bang bumubulong.

"Ano? Nagbibiro lamang ako, mahal. Sasabihin rin naman---"

Hanggang doon na lamang ang narinig ko dahil tuluyan na akong nakalayo. Tama ba ang ang narinig ko? Tinawag ni Bisdak si Rosa ng 'mahal'? Sinasabi ko na nga bang may namamagitan na sa kanila! Haha!

Hindi naman ganoon ka layo ang dalampasigan. Bitbit ko rin pala ngayon ang sambalilong na ginawa ko kanina para kay Carpio. Habang naglalakad, tinititigan ko rin ang pangalan niya na nilagay ko rin kanina gamit ang sinulid mula sa aking saya.

Nang malapit na ako sa bunganga ng kagubatan patungo sa dalampasigan. Agad kong natanaw ang pamilyar na likod ng lalaki.

Nakatitiyak akong si Carpio iyon. Pero... natanaw ko rin sa kanyang tabi si Marita. At nang matunghayan ko ang sunod na nangyari ay para akong natambakan ng lupa. Kitang kita ng aking dalawang mata kung paano lumuhod si Carpio at hinalikan ang kamay ni Marita.

Parang may kung anong tumusok sa dibdib ko kaya napahawak ako roon. Bago ko pa nabitawan ang sambalilong na hawak ko ay naramdaman ko na ang mga luhang tumutulo mula sa aking mga mata. Umawang ang bibig ko sa sakit habang nakatingin pa rin sa kanila.

Agad akong tumalikod dahil hindi ko na makakaya pang tingnan sila ng ganoon.

Bakit ganoon? Bakit ang sakit? Bakit kailangan ko pang makita iyon? Bakit ganito?

Hindi ako nagdalawang isip na tumakbo pa palayo. Hindi ko na pinulot pa ang sambalilong. Para ano pa?

Hindi na mapigil pa ang mga luha ko habang tumatakbo. Ni hindi ko na alam kung saan ako dinadala ng sarili kong mga paa. Ang tanging alam ko, ay nais kong lumayo at mapag-isa. Sa puntong ito, nais ko na lamang bumalik sa Karilaya. Nais kong makapiling sina Ama at Kuya. Nais ko nang lumayo sa lugar na ito.

Hiraya (✔️)Место, где живут истории. Откройте их для себя