Kabanata XI

783 45 1
                                    

"Saan kayo nanggaling, Carpio?" tanong agad ni Bisdak kay Carpio.

Tahimik lamang ako habang inaabangan ang pagsagot niya. Magsasalita na sana siya ngunit bigla akong tinawag ni Rosa mula sa likuran kaya agad akong napalingon.

"Binibini! Kanina ka pa namin hinahanap! Nakatitiyak po ako na masisiyahan ka sa aking ibabalita!" masaya niyang tugon. Halata sa mukha niya na mayroon nga siyang bitbit na magandang balita.

"Ano iyon, Rosa?" tanong ko agad.

"Nandirito ang iyong Kuya Jose!" nakangisi niyang sagot.

Agad akong napangiti sa kanyang sinabi bago ako hinila ni Rosa papunta sa aming kubo. Maraming tao ang nakapalibot sa aming kubo at natatanaw ko rin mula roon si Mayang, Aling Isay, at si... Babaylan. Nandirito na si Babaylan! Isinama kasi siya ni Mang Khapili papunta sa Maynil noong paglalayag nila.

"Kuya Jose!" agad akong tumakbo at yumapos sa kanya.

Lubos akong nangulila sa kanya. Ilang linggo rin akong nawalay sa kanila. Hindi ko naman napigilan ang aking mga luha sa pagdaloy.

"Masaya akong makita na ayos lang ang iyong kalagayan, Kuya," saad ko habang yakap-yakap siya.

"Masaya rin akong makita kang muli, Hiraya. Kamusta ang iyong pananatili rito?" tanong niya.

Kumalas ako sa pagkakayakap sa kanya, "Buong puso nila kaming pinatuloy at itinuring na kanilang kasamahan, Kuya." Nakangiti kong tugon.

"Maraming salamat po sa pag-aalaga ninyo sa aking kapatid at kay Rosa," aniya kina Aling Isay.

Narito kami ngayon sa hapagkainan at sabay-sabay na kumakain. Tila naging isang malaking pagdiriwang na rin ang pagdating ni Kuya Jose dahil nagsipaghanda ng iba't ibang pagkain sina Aling Eka.

Lalayag rin bukas ng umaga pabalik sa Maynil si Kuya Jose sapagkat naatasan lamang siya ni ama na dalawin ako rito. Hindi pa rin daw ako maaaring bumalik doon sapagkat hindi pa tuluyang nahuhuli ang mga umatake sa amin. Samantala, naging isa na rin sa sandatahan si Arigomon kung kaya ay puspusan ang kanilang pagsasanay sa Bulakan.

Kanina pa ako palinga-linga sa paligid ngunit hindi ko talaga masumpungan si Carpio. Hindi na ako nakapagpaalam pa sa kanya kanina sapagkat agad na akong hinila ni Rosa at nasasabik na rin akong makita si Kuya Jose.

"Hiraya, ano ang nangyari sa iyong tainga?" nag-aalalang tanong ni Kuya Jose.

Abala naman ang iba sa pakikipag-usap kaya mabuti nalang at hindi nila narinig ang sinabi ni Kuya. Pero napatingin sa akin si Rosa dahil nasa gilid ko lamang siya. Bakas sa kanyang mukha ang pagkabigla at kaba.

Hindi ko maaaring sabihin ang totoo dahil tiyak na mas lalong mag-aalala si Kuya Jose kapag nalaman niyang may nag-aabang din na panganib sa akin dito!

"A-ah na untog lamang ako sa kahoy noong naghahanap kami ng dagta, Kuya," sagot ko nalang at napahinga naman ng malalim si Kuya Jose.

Bigla namang napatingin si Kuya Jose sa nakatayong sibat sa aking giliran. Iyon 'yung sibat na ibinigay sa akin ni Carpio. Yakap-yakap ko ito kanina habang hinila ako ni Rosa.

"Batid kong sa iyo ito sapagkat narito ang iyong pangalan. Ikaw ba ang lumikha nito?" nakangiti niyang tanong sa akin. Napa iling na lamang ako at ngumiti na rin. Pinagmasdan rin niya ang sibat at napangiti.

"Hindi po, Kuya. Si Carpio po ang gumawa niyan. Isa po siya sa mga naging kaibigan ko rito sa Maktan," sagot ko. Napatango-tango naman siya.

"Tunay ka nga niyang pinapahalagahan sapagkat halatang matibay ang pagkakagawa nito. Natatangi ang sibat na ito sa kadalasan kong nakikita," saad pa niya.

"Nandirito ba siya ngayon?" tanong ni Kuya sabay tingin sa mga kasabay naming kumain. Umiling lamang ako.

"Wala po, Kuya," sagot ko.

"Ipakilala mo ako sa kanya bukas. Nais ko rin siyang pasalamatan dahil nabanggit din sa akin ni Babaylan na siya ang nakatalaga upang bantayan ka," dagdag niya pa. Tumango naman ako.

"Carpio anak! Saan ka nanggaling? Halika't sabayan mo kami sa pagkain." tawag ni Aling Eka sa bagong dating pa lamang na si Carpio kaya naagaw niyon ang aming atensyon.

Mayroon siyang bitbit na isda. Marahil ay galing siya sa ilog.

"Akin lamang dinalaw ang aking bitag doon sa ilog. Tamang-tama rin ang aking pagdating sapagkat kayo'y kumakain," masaya niyang tugon sabay lapag ng lutong isda sa hapag.

"May panauhin nga pala tayo, Si Ginoong Jose Lindayag, ang nakakatandang kapatid ni Binibining Hiraya," pakilala ni Aling Ising.

"Magandang gabi po sa iyo, Ginoong Jose. Maligayang pagdating sa aming isla," bati ni Carpio sabay hawak sa kanyang dibdib at yumuko.

Napangiti naman si Kuya Jose. "Nagagalak akong makilala ka Carpio. Maraming salamat sa pagmamalasakit sa aking kapatid."

Naging malalim ang kwentuhan habang kumakain kami. Napuno naman ng tawanan ang paligid nang napagkasiyahan ng lahat sina Rosa at Bisdak. Hiyang-hiya naman ang mukha ni Bisdak habang mamula-mula na si Rosa.

Bigla namang napunta ang aking paningin kay Carpio na ngayon ay tumatawa. Parang bumagal ang takbo ng paligid. Napakasaya niyang pagmasdan habang tumatawa. Pero napaiwas agad ako nang bigla rin siyang napatingin sa akin at ngumiti.

Nako baka inaakala niya na tinititigan ko siya!

Hindi nga ba?

Nakakahiya!

"A-ah kung inyo pong mamarapatin. Ako'y magtutungo lamang saglit sa palikuran," pagpapaalam ko bilang palusot.

Agad akong nagtungo sa kubo at dumiretso sa aking silid. Napahawak naman ako sa noo ko dahil sa hiya.

"Ano ang iyong ginagawa, Hiraya? Anong nangyayari sa iyo?" usap ko sa sarili. "Bakit ganito na lamang ang nararamdaman mo sa tuwing nakakasama o nakakausap mo siya?" dagdag ko pa kahit para na akong sira-ulo na kinakausap ang aking sarili.

Napahinga ako ng malalim at agad na lumabas para bumalik na sana sa kanila pero nagulat ako nang biglang may humarang sa daanan pagbukas ko ng pintuan.

Si Babaylan...

Seryoso siyang nakatingin sa akin ngayon.

"B-babaylan, bakit po?" tanong ko.

"May masama akong nararamdaman, Hiraya. Nais kong pag-isipan mo ng mas mabuti ang mga gagawin mo sa puntong ito. Maaaring ang iyong mga pasya, kilos, at nararamdaman ay ikapapahamak mo. Nawa'y huwag mo itong ipagsawalang bahala lamang," tugon niya.

Hindi ko naman siya naiintindihan. Ano ba ang ibig niyang sabihin?

"Ano po ang iyong pinapahiwatig, Babaylan?" tanong ko.

"Kahit kailan ba hindi sumagi sa iyong isipan kung bakit Hiraya ang iyong naging pangalan?" tanong niya sa akin.

Mas lalo naman akong naguluhan!

Hiraya (✔️)Where stories live. Discover now