Kabanata XXXIII

661 34 1
                                    

Lumipas ang ilang mga araw ay unti-unti nang humupa ang kaguluhan sa buong kaharian. Unti-unti nang bumabalik sa dati ang lahat. Si Arigomon ay hinatulan ng parusa ni Haring Luisong sa kulungan ng mga balawis. Si Bisdak naman ay gumagaling na rin habang si Carpio ay bumabalik na ang lakas.

Matapos ilibing si ama ay bumalik na rin sina Rajah LapuLapu kasama sina Mang Khapili sa Sugbu. Nagpaiwan muna sina Bisdak at Carpio para magpagaling dahil hindi sila pinayagan ng Katulunan na maglayag nang hindi pa tuluyang maayos.

Ngayong nagiging maayos na ang lahat, oras na rin para bumalik na ako sa aming tahanan sa Ilang-ilang kasama ang aking kapatid. Ngunit hiniling kong bumalik muna sa Sugbu sa huling pagkakataon upang makapagpasalamat sa mga tao roon.

Naglakad ako patungo sa hardin ng kaharian at naabutan ko si Carpio at Kuya Jose na nag-uusap nang masinsinan. Pinagmasdan ko lang silang dalawa hanggang sa nakita kong tinapik ng aking kapatid ang balikat ni Carpio habang sumilay naman ang masasayang ngiti sa labi niya nang masilayan ako.

Ano kaya ang pinag-uusapan nila?

"Hiraya?" napalingon ako sa taong tumawag sa akin sa likuran. Bumungad sa harapan ko si Bisdak.

Napatingin din ito kina Carpio at Kuya Jose bago bumaling ulit sa akin. "Babalik na ba kayo sa inyong tahanan?" malungkot nitong saad.

"Oo, Bisdak. Pero huwag kang mag-aalala, babalik pa naman ako ng Sugbu para makapagpasalamat sa mga nandoon. Kahit sandali lamang akong nanatili sa inyo, tinuring niyo na rin akong parang parte ng inyong malaking pamilya," saad ko at malungkot na ngumiti.

"Paano na kayo ni Carpio? Iiwan mo ba ang aking kaibigan?" tanong pa niya at sandali akong napatahimik. Tumingin ako sa kinaroroonan ni Carpio at huminga ng malalim.

"Hindi pa kami nag-uusap tungkol diyan, Bisdak. Ang nais ko nalang munang isipin sa ngayon ay si Kuya Jose. Kaming dalawa nalang ang natitira ngayon at labis pa kaming nagdadalamhati sa pagpanaw ni ama," sabi ko sa kanya. "Sa aking palagay ay mauunawaan naman ako ni Carpio," dagdag ko pa.

Napansin ko ang pagiging tahimik ni Bisdak. Alam kong may nais siyang itanong sa akin pero nagdadalawang isip siya.

Nasa tuktok kami ng kaharian ngayon ni Carpio at tinatanaw ang paglubog ni haring araw. Nakasandal ang ulo ko sa balikat niya habang ang kanyang kaliwang braso ay nakapulupot sa akin.

"Babalik na kami ng Sugbu bukas, ngunit parang ayaw ko nang umuwi," saad niya habang nakatingin sa malawak na lupaing dinudungaw namin ngayon.

"Kailangan mo nang bumalik, Carpio. Kailangan muna nating asikasuhin ang ating mga pamilya ngayon. Pagkatapos nito, kapag maayos na ulit ang lahat, ay magkita tayong muli," saad ko.

Naramdaman ko na mas humigpit pa ang pagkakayakap niya sa akin at naramdaman ko ang kanyang labi sa ibabaw ng aking ulo.

"Hindi ako sigurado kung makakaya kong malayo ulit sa iyo, Hiraya. Masyadong malayo itong Karilaya sa Sugbu upang madalaw kita araw-araw," saad pa niya.

"Kailangan ko lamang ayusin ang mga naiwan ni ama," sambit ko at tumingala ako sa kanya upang makita ang kanyang mga mata. "Magkikita pa tayong muli, Carpio. Kung ipapangako mong hihintayin mo ang pagbabalik ko."

Dahan-dahan niyang inangat ang baba ko at sinalubong ang aking labi ng matatamis na halik.

"Hindi ako mapapagod na maghintay sa dalampasigan hanggang sa muli mong pagdating," saad niya. "Mahal na mahal kita, Hiraya," aniya at inilapit ang mukha niya sa akin.

"Gihigugma ko sab ikaw (Mahal din kita), Carpio," sagot ko na agad nagpasilay sa magaganda niyang ngiti.

Hanggang sa 'di ko namalayan nang mabilis niyang siniil ang labi ko sa matatamis na halik. Agad ko itong tinugunan at mas lalo kong nararamdaman ang pagkakapanabik niya. Naglakbay ang kanyang kamay mula sa aking likuran pababa sa aking baywang upang maalalayan ako.

Hiraya (✔️)Where stories live. Discover now