Kabanata XXVII

578 32 1
                                    

Agad akong itinayo ni Carpio at hinila sa isang tagong-lugar. Labis na mahigpit ang pagkakahawak niya sa aking kamay kaya hindi ko ito mabitawan. Tahimik lang ito at walang sinasabi kaya alam kong galit ito. Galit na galit. Pumasok kami sa isang mababaw na yungib. Tama lamang upang hindi kami makita ng kalaban.

"Dito ka lang. Huwag na huwag kang lalabas. Makinig ka, paki-usap. Marami kang kailangang ipaliwanag sa akin, Hiraya, pagkatapos ng kaguluhang ito," may diin niyang tugon.

"Batid ko iyan, Carpio. Tatanggapin ko kung magalit ka sa akin sapagkat alam kong may kasalanan ako. Ngunit sa pagkakataong ito, hayaan mo akong tumulong sa pakikipaglaban. Ayaw kong manatili sa yungib na ito habang alam kong nasa panganib ang inyong mga buhay. Sinanay mo ako ng sapat, Carpio. Hayaan mong gamitin ko ang kakayahang ito," buong tapang kong saad.

Ilang sandali siyang napatahimik. Para bang pinagpapasyahan niya pa ng mabuti ang sinabi ko. Simula't sapul ay kaligtasan ko na ang inalala ni Carpio. Hindi na ako makakapayag na wala akong magagawa upang tiyakin din ang kaligtasan niya at ng mga taong tumulong sa akin.

"Ipangako mo sa akin na mag-iingat ka. Ipangako mo, Hiraya," anito.

Tumango ako at ngumiti bago nagsalita. "Pangako."

Naglakad ako palabas sa yungib ngunit agad akong napahinto nang magsalita muli si Carpio.

"Bago ko makalimutan..." May iniabot siya sa aking sibat. "Nakita ko ito sa mga pinaglagyan ng sibat. Dahil dito ay alam kong sinuway mo na naman ako. Kaya agad kitang hinanap nang magkagulo. Tinakot mo na naman ako, binibining-matigas-ang-ulo."

Hindi ko alam kung matatawa ba ako dahil pikon siya o matatakot ako dahil pikon siya.

.

"Tulungan mo ang mga sugatan nating kasamahan, Hiraya. Dalhin mo sila sa pinakaligtas na lugar," saad ni Carpio kaya agad naman akong tumango.

Kasalukuyan kaming nagtatago sa malalabong na damo 'di kalayuan sa mga kalaban. Hawak ko na rin ang sibat ko at nakasabit na sa aking likuran ang busog at palaso.

"Ako na ang bahala sa pagtulong kina Harum," ani Carpio sa mahinang tinig.

Napatingin kami sa naglalabanan naming kasamahan at kaaway. Nagkatinginan muna kami ni Carpio bago ako tumango at dahan-dahang lumayo upang puntahan ang mga sugatan. Bago pa man ako makaalis sa pinagtataguan namin, narinig kong muli niya akong tinawag kaya agad akong lumingon.

"Ang pangako mo," pagpapa-alala niya sa akin.

Maluwag akong ngumiti upang hindi siya mag-alala. "Ang pangako mo," saad ko rin bilang paalala na ipinangako niya rin sa akin ang kaligtasan niya.

Inabot niya ang aking kamay at dahan-dahan itong inangat sa harap ng kanyang labi bago hinalikan.

"Pangako," saad niya sabay takbo papunta sa kinaroroonan nina Harum.

Agad na rin akong tumakbo sa dalawang kalalakihang nakasandal sa isang tagong puno habang patuloy na umaagos ang dugo mula sa hiwa ng tabak sa kanilang paa at bisig. Gulat pa silang nakatingin sa akin na para bang hindi sila makapaniwala na isang binibini ang tumutulong sa kanila ngayon.

"B-binibing Hiraya, paano ka napunta rito?" tanong ni Tatang Bughaw, isa sa kasamahan nina Mang Khapili.

"Tatang, hindi na po mahalaga iyon. Kinakailangan po nating magamot ang mga sugat ninyo," pagmamadali kong ani sabay alalay sa kanya sa pagtayo.

Tinulungan naman ako noong katabi niyang mas bata sa kanya. Isang mababaw na hiwa ang kanyang natamo sa bisig kaya naigagalaw niya pa ng maayos ang kanyang kabilang braso.

Paika-ikang naglakad si Tatang Bughaw habang nakaalalay kami sa kanya. Hindi ko alam kung saan kami papunta, ang mahalaga ay makakahanap kami ng mapagtataguan nila.

Bigla kong naramdaman ang isang papalapit na lalaki sa amin kaya agad akong humiwalay sa kanilang dalawa at mabilis na nilabanan ang kaaway.

Isang mahaba at matulis na tabak ang kanyang gamit at nakatakip rin ang kanyang mukha. Mas mataas din ito sa akin kaya mabilis siyang makagalaw. Ngunit hindi ako nagpatinag, ginamit ko lahat ng galaw na naituro sa akin ni Carpio. Nahagip ng matulis kong sibat ang kanyang braso dahilan upang masugatan ito. Mabilis na umagos ang dugo mula roon ngunit hindi pa rin ito tumigil sa paglaban.

"Sino kayo? At bakit niyo ito ginagawa?" agad ko siyang nahawakan sa magkabilang braso at idinapa sa lupa. Hindi ito sumagot sa halip ay pilit lamang siya na nagpumiglas.

Bigla kaming may narinig na tunog ng mga kabayong papalapit at narinig ko rin ang sigaw nina Tatang Bughaw.

"Hiraya! narito na ang tulong mula sa kaharian!" sigaw niya.

Buong lakas na nagpumiglas ang lalaki kaya hindi ko na ito napigilan pa. Tumilapon ako mula sa kanya at naramdaman ko na lamang ang paghapdi ng aking tagiliran dahil tumama ang dulo ng kanyang tabak dito. Muli ko na lamang siyang nasumpungan na tumatakbo na papalayo sa amin habang nakahawak ang kabilang kamay sa tuwid na hiwa na nagawa ko sa kanyang braso. Mabuti na lamang at hindi malalim ang sugat ko, ngunit nagdurugo na rin ito ngayon.

"Binibini! ayos ka lang?" tanong ng kasama ni Tatang Bughaw nang makalapit sa akin.

"Oo ayos lang po ako."

Nahagilap kami ng sandatahan ng hari at agad kaming tinulungan. Mabilis nilang inalalayan si Tatang.

"Tatang Bughaw, sa susunod na mga kabayo na lamang po ako sasakay. Kailangan kong hanapin sina Carpio," matapang kong saad.

Umiling si Tatang Bughaw bago nagsalita. "Hiraya, mapanganib na magpa-iwan ka pa rito," nag-aalala niyang tugon.

"Tatang kaya ko po ang aking sarili. Mag-iingat po kayo," saad ko sabay takbo palayo. Alam kong pipigilan pa nila ako kaya tumakbo na ako bago paman nila ako tinawag muli.

Bumalik ako roon sa kung saan kami naghiwalay ni Carpio ngunit wala nang sinuman doon. Muli pa akong naglakad nang may narinig akong ungol ng isang sugatang lalaki. Agad akong tumakbo at hinanap kung saan nagmumula iyon hanggang sa nawala na iyong tinig.

Sa isang malaking bato, 'di kalayuan sa kinaroroonan ko, nakita ko ang walang malay na si Bisdak habang naliligo sa sariling dugo. Nanlamig ako at nanigas bago ako tumakbo sa kanya. Pilit ko siyang ginising ngunit wala itong kibo. Ninais kong sumigaw ng saklolo ngunit baka marinig lamang kami ng mga kalaban.

"Bisdak, paki-usap lumaban ka. Dadalhin kita sa kaharian upang magamot. Kumapit ka Bisdak," naluluha ko nang tugon. Puno na ng kanyang dugo ang kanyang damit dahil sa saksak sa kanyang tagiliran.

Pinunit ko ang manggas ng kanyang damit at tinali sa kanyang baywang upang pigilan ang dugo. Buong lakas ko rin siyang binuhat ngunit hindi ako nagtagumpay. Hanggang sa narinig ko ang ilang yapak ng kabayo sa 'di kalayuan kaya agad akong tumakbo upang humingi ng saklolo.

Nang makilala ko ang nakasakay sa isa sa mga kabayo ay agad ko itong tinawag.

"Mang Khapili! Tulungan ninyo kami! Si Bisdak p-po, duguan," agad kong saad nang makalapit ako sa kanila.

Nanlaki ang mga mata ni Mang Khapili nang makita ako. Alam kong nagulat din siya kung paano ako nakarating dito. Ngunit hindi na mahalaga iyon sa ngayon. Ipapaliwanag ko nalang sa kanila kapag maging maayos na ang lahat.

Bakas sa mukha niya ang matinding pag-aalala. Agad siyang bumaba sa kanyang kabayo at sumunod naman ang dalawa pa niyang kasama na tauhan ng hari. Dinala ko sila kung saan ko iniwan si Bisdak at agad nila itong isinakay at dali-daling itinakbo pabalik sa kaharian.

Naiwan ako kay Mang Khapili dahil sa kanya ako sasakay. Ngunit iba ang pakiramdam ko. Para bang may nais siyang sabihin sa akin ngunit nagdadalawang isip siya.

"Mang Khapili, bakit po?" tanong ko sa kanya nang mapansin ko ang matinding takot sa kanyang mata.

"Hiraya.... S-si Carpio..."

"B-bakit po? A-anong nangyari sa kanya?" nanginginig kong tanong.

Hiraya (✔️)Where stories live. Discover now