Kabanata XVI

660 39 0
                                    

Biyaya.

Ito ang pagkakatawag ni Babaylan sa kakayahang ito. Ngunit para sa akin ay hindi. Paano ko maituturing ito na isang biyaya kung sakit lamang ang naidudulot nito?

Hindi. Hindi ako naniniwala at hinding-hindi maniniwala. Isa lamang haka-haka iyon. Pero hindi ko alam kung bakit patuloy pa rin ako nitong ginagambala.

Dahil sa tuloy tuloy kong pagtakbo ay napadpad ako sa lihim na lugar ni Carpio. Umakyat ako sa punong-bahay at doon nagpahinga. Lagpas tanghali na at ramdam ko sa aking tiyan ang gutom. Ayaw ko pa namang umuwi dahil baka magkasalubong lamang kami ni Babaylan doon.

Umikot na lamang ako sa loob ng maliit na punong-bahay na ito. Maraming mga kagamitan na pandigma rito. Sa kaliwang banda ng bahay ay naroon ang higaan. Sa kanan naman ay naroon ang mga kahong gawa sa kahoy.

Tiningnan ko isa-isa ang mga gamit pandigma na naroroon. Mga sibat, tabak, busog at palaso, at suligi. Mayroon ding mga baluti na nakasabit sa ibabaw. Marahil ay kinalilibangan nga ni Carpio ang pakikipaglaban.

Nang sumagi sa aking isipan ang pakikipaglaban, bigla kong naalala ang aking nakita kagabi. Totoo man ang sinasabi ni Babaylan o hindi, kailangan ko pa ring matuto kung paano makipaglaban at ipagtanggol ang aking sarili at ang mga taong malapit sa aking puso.

Kumuha ako ng isang sibat, tabak, at isang busog at palaso. Sana lamang ay hindi magalit sa akin si Carpio sa paggalaw ko sa kanyang kagamitan dito.

Bumaba ako at inumpisahang magsanay. Ginawa ko ang lahat ng itinuro sa akin ni Carpio. Itinuring kong kalaban ang isang patay na sanga ng kahoy na nakahilig sa haligi ng puno. Una kong ginamit ang sibat. Kahit nahihirapan akong gumalaw dahil sa mahaba kong saya ay sinikap ko pa ring matamaan ang sanga. Sinunod kong gamitin ang tabak na medyo nahihirapan pa akong gamitin dahil sa tulis at bigat nito.

Iwinasiwas ko ito at pinag-aralan ko ang mga maaaring maging galawan ng tamang paggamit. Hindi ako tiyak kung tama itong ginagawa ko pero nais ko pa ring subukan. Kung kinakailangan kong matutunang gamitin lahat ng kagamitang panlaban ay gagawin ko.

Nawalan ako ng lakas nang hindi ko namalayang lumipad ang dulo ng tabak sa aking kabilang palad. Agad ko itong nabitawan at pinunasan ang tumutulong dugo mula roon. Nang sandaling matitigan ko ang patuloy na nagdurugo kong palad ay biglang may pumasok na pangyayari...

Isang malabong mga tao ang bumungad sa aking mata. Lahat sila ay nagsisigawan. Malabo ang lahat. Tanging galaw lang nila ang aking naaaninag. Napatingin ako sa aking gilid. Nasa tabi ako ng dagat. Malinaw ang itsura ng dagat, hindi malabo. Ilang sandali pa, napa-atras ako nang unti-unting pumula ang tubig. Nababalot ito ng dugo. Napatingin ako ulit sa mga taong naglalabanan na mas lumabo pa ang itsura. Sa kalagitnaan nila ay may parang anino ng isang 'di ko makilalang lalaki na hindi gumagalaw sa kinatatayuan niya. Nakaharap ito sa akin at matayog lang na nakatayo roon. Ngunit bigla na lamang itong nawala nang madaanan ng mga tao. Muli ko lamang itong naaninag na nakahandusay na siya sa buhangin at wala nang buhay.

Muling bumalik sa karaniwan ang aking paningin at natauhan ako nang maramdaman ang hapdi ng sugat mula sa aking palad. Napadaing ako sa hapdi habang pinipigilan pa rin ang pagdaloy ng dugo. Mabilis ang aking paghinga at hindi ko maalis ang aking paningin sa bawat dugong dumadaloy na ngayon sa aking kamay.

Bakit nangyayari sa akin ito? Bakit bigla na lamang pumapasok sa aking isipan ang mga pangyayaring hindi ko maintindihan?

"Hiraya!" dinig kong sigaw ng isang pamilyar na tinig mula sa likuran.

Tulala pa rin akong nakatingin sa aking kamay kaya hindi na ako bumaling pa para tignan kung sino iyon. Sa boses pa lamang ay kilala ko na kung sino iyon. Kaya hindi na maipaliwanag ang takbo ng puso ko ngayon.

Hiraya (✔️)Where stories live. Discover now