Kabanata I

3.4K 87 12
                                    

A/N: Ang sasakyang kalesa sa panahong ito ay hindi pa naipapakilala sapagkat dumating lamang ito kasabay ng pananakop ng mga kastila sa ating bansa. Hayaan niyo sana na gamitin ko ang mas makalumang transportasyon sa kwentong ito. Ang paggamit sa hayop gaya ng kabayo ang aking gagamitin sapagkat wala akong nakalap na malinaw na impormasyon tungkol sa sinaunang sasakyan bago pa dumating ang mga kastila.

•••••••••

Bayan ng Ilang-ilang, Maharlika, 1520

Nagising ako sa boses ng aming kasambahay na ngayon ay kumakatok sa aking pintuan.

"Binibini? Oras na ng agahan, pinapatawag ka na ng iyong ama," tawag niya.

Isang napakagandang sinag ng araw ang agad kong nasilayan nang iminulat ko ang aking mga mata. Ngunit hindi nito mababago ang aking kinalalagyan. Simula nang pumanaw ang aking Ina ay hindi na maikakaila ang kahigpitan ni Ama. Kahit lumabas upang makalanghap ng mahalimuyak na hangin ay kailangan ko pang ipagpaalam sa kanya upang ako'y masamahan ng kanyang mga personal na kawal. Paminsan-minsan ay palihim nalang akong lumalabas kasama ang aking katiwala na si Rosa upang masilayan ang mga nagniningning na mga bituin sa kalangitan.

Nang makaupo sa harap ng hapag ay agad kong binati si ama at ang aking nakakatandang kapatid na si Kuya Jose.

"Hiraya, ako muna ay pupunta sa Distrito ng Lamayan (Malacañang na ngayon) upang bisitahin si Haring Luisong. Katulad pa rin ng iyong kinasanayan--" saad ni Ama ngunit inunahan ko na siya sa kanyang susunod na sasabihin.

"...na hindi pupwedeng lumabas nang hindi kasama ang iyong mga kawal. Opo, Ama," pagpapatuloy ko.

"Ngunit ama, maaari ko bang isama si Hiraya sa pagtutungo ko ngayon sa Bayan ng Liwayway upang kahit papaano'y makalabas naman siya sa ating tahanan?" biglaang sambit ni Kuya Jose.

Napatingin ako agad sa kanya nang may ngiti sa labi. Ilang araw na rin akong nananatili rito sa loob. Nais ko namang masilayang muli ang kagandahan sa labas. Nakakasawa na ring pagmasdan ang mga butiki sa bubungan.

"Pinapayagan ko kayo, ngunit umuwi kayo agad bago lumubog ang araw," sabi ni Ama.

Kinahapunan, sinimulan ko na ang paghahanda para sa biyahe namin ni Jose patungo sa Bayan ng Liwayway. Doon nakatalaga si Kuya Jose upang bantayan ang bawat ani ng aming palayan. Ako ngayo'y nakasuot ng pula at puting baro't saya at ipinusod naman ni Rosa ang aking buhok.

Bayan ng Liwayway

"Alam mo bang dito ipinagtapat ni Ina na ikaw ay kanyang ipinagbubuntis?" panimulang kwento ni Jose. Agad naman akong napatingin sa kanya.

"Pitong taong gulang pa lamang ako noon ngunit sariwang-sariwa pa rin sa aking alaala ang pangyayaring iyon. Nagtatalon pa nga ako sa tuwa sapagkat magkakaroon na ako ng kapatid," patuloy niya pa nang nakangiti at nakatingin sa akin.

Hindi ko mapigilang mapangiti sa kwento niya. Hindi ko akalaing ganoon pala ang bunga ng pagdating ko sa pamilya namin.

"Magandang umaga, Ginoong Jose at Binibining Hiraya. Kami ay nagagalak sapagkat ikaw ay napasyal dito sa aming bayan, binibini. Totoo nga ang usap-usapan ng karamihan dito na ikaw ay nagtataglay ng pambihirang kariktan," saad ng isang lalaking nakadamit pangmagsasaka.

"Magandang umaga rin sa iyo, Mang Toryo. Tsa nga pala. Hiraya, siya si Mang Toryo. Siya ang pinagkakatiwalaan ni Ama na pangalagaan ang takbo ng palayan dito," pagpapakilala ni Jose.

"Ikinagagalak ko pong makilala kayo, Mang Toryo," sagot ko.

Habang naglakad-lakad kaming tatlo ay puro kwento tungkol sa pagsasaka lamang ang kanilang paksa, kaya hindi ko mapigilang antukin. Malawak ang lupaing nasasakupan namin dito sa Liwayway. Ito ay nagmula pa sa aming mga ninuno kung kaya't lubos itong iniingatan ni Ama upang tumagal pa raw hanggang sa aming salinlahi.

Hiraya (✔️)Where stories live. Discover now