Kabanata VI

1K 64 3
                                    

"Binibini? Kinakausap po kayo ni Rajah Lapulapu," biglang pukaw sa akin ni Rosa dahilan upang agad akong matauhan.

"A-ah po?" tanong ko kay Rajah Lapulapu na ngayon ay nakatingin sa akin nang may pagtataka. Kanina pa ba niya ako kinakausap?

"Hali kayo at ipapakilala ko kayo sa pinakamahusay na mangangaso sa aming puod. Kaarawan niya rin ngayon," saad niya, napatango naman kami ni Rosa. Tinawag niya iyong lalaki na Carpio pala ang pangalan.

"Carpio anak, sila ang ating mga panauhin na nagmula pa sa lungsod ng Karilaya sa bayan ng Ilang-ilang," panimula pa ni Rajah Lapulapu.

Anak? Anak siya ng Rajah?

"Anak niyo po siya?" tanong ni Rosa. Para namang narinig niya ang iniisip ko ah!

"Hindi. Anak lamang ang tawag ko sa kanya sapagkat matalik kong kaibigan ang kanyang ama at nasubaybayan ko na ang kanyang paglaki kaya para ko na rin siyang tunay na anak." Paliwanag pa niya.

"Siya si Binibining Hiraya at tagapagsilbi naman niya si Rosa," pakilala ni Raja Lapulapu sa amin.

Napatingin ako sa kanya na ngayon ay nakangiti na sa akin. Hindi naman mapigilan ng puso ko na ma baliw dahil sa ngiti niyang iyon. Nang-aasar pa rin ba siya o tunay siyang ngumingiti sa akin?

"Ikinagagalak ko kayong makilala. Maligayang pagdating sa aming isla," saad niya, napangiti nalang ako.

Hindi ko alam kung bakit parang biglang may bumabara sa aking lalamunan upang magsalita. Gustuhin ko man pero napakahirap.

"O, ano pa ang ating hinihintay? Umpisahan na natin ang kasiyahan at kainan! Magsadya kita! (Magdiwang tayo!)" tugon ni Rajah Lapulapu kaya lahat ay tumayo at nagsayawan.

Sa huling pagkakataon, bago tumalikod si Carpio, tiningnan niya ako na para bang nagsasabing utang mo sa akin ang iyong buhay, binibini.

Nasa hapag na ang lahat at kumakain. Napakasayang pagmasdan na kahit hindi parehong dugo ang dumadaloy sa bawat tao rito ay para bang magkapatid na ang turingan nila sa isa't isa. Ngayon lang din ako nakaranas ng ganito kasayang pagdiriwang sapagkat tatlo lang kaming kumakain nina Ama at Kuya Jose kaya hindi ganito ka saya at kaingay. Nakahilera lamang ang pagkain sa mesa kaya salo-salo ang lahat sa pag kain gamit ang aming kamay. Mas masarap pala kapag kamay ang ginagamit sa pagkain.

"Carpio, ika'y nasa wastong gulang na upang makapag-asawa. Wala ka pa rin bang nahahanap dito sa isla?" biglang saad ng lalaking nasa aking tapat.

"Naku Goryo, marahil ay mga alamid lamang ang nakikita ng aking anak!" biro pa ng matandang katabi ni Carpio, kaya sumakop sa kapaligiran ang tawanan.

"O baka naman dahil wala rito sa isla ang kanyang mapapangasawa?" dagdag pa ng isang lalaki na nasa dulo ng hapag nakatayo. Napailing lamang si Carpio habang tumatawa.

"O marahil ay hindi nga tagarito ngunit nandirito na ngayon," dagdag pang saad ni Bisdak, iyong lalaking kasama naming naglayag papunta rito at iyong sumalubong sa amin.

Nagulat naman ako nang biglang napunta sa akin ang kanilang mga paningin. Ako ba ang tinutukoy niya? Napatingin din ako kay Rosa na ngayon ay ngumingiti na rin sa akin.

"Dili layo nga sila maghinigugmaay apan makita kanato sa ila nga sila angayan para sa usa'g usa. Uban pa, usa ka matahom nga dalaga si Hiraya ug ambongan usab si Carpio. (Hindi malayong mag-ibigan sila sapagkat nakikita natin sa kanila na sila ay bagay para sa isa't isa. At isang magandang dilag si Hiraya at matipuno naman si Carpio.)," saad pa ng isang lalaking nasa tabi naman ni Babaylan.

Hiraya (✔️)Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin