Kabanata IX

828 52 1
                                    

Namulat ako sa halimuyak ng mga halamang gamot sa gilid ng aking tainga. Natatanaw ko ang isang matanda na abala sa pagdikdik ng halaman sa may hapag. Napatingin ako sa paligid, nasa isang mas malaking kubo ako. Maraming mga palamuti ang nakalambitin sa bawat durungawan. Kay rami rin ng mga kagamitan sa panggagamot, marahil ay ito ang bahay pagamutan nila rito.

Sinubukan kong gumalaw ngunit nahilo lamang ako. Napalingon sa akin ang matanda at nagulat sa aking ginawa. Agad itong lumapit sa akin at inalalayan ako sa pag-upo.

"Binibini, huwag ka munang gumalaw baka mabinat ang iyong sugat. Mahina pa ang iyong katawan kaya't magpahinga ka na muna," nag-aalala niyang pagdalo.

Napatingin lamang ako sa kanya lalo na sa kanyang mga magagandang mata. Kulot ang kanyang mahabang buhok at mayroong mga gintong kalumbigas sa kanyang braso.

"Babalik din dito si Carpio at Mang Khapili upang dalawin ka. Sila'y nagtungo muna sa iyong tagapagsilbi upang alamin ang kalagayan nito," dagdag pa niya.

Agad akong kinabahan nang maalala ang nangyari. Ang huli kong natatandaan ay tumama sa aking tainga ang mahabang kahoy na inihampas ni Atan at nakita ko si Carpio na may kasamang isang lalaki na tumatakbo papalapit sa amin ni Rosa.

Sandali! Si Rosa!

"N-nasaan si Rosa? Ano'ng nangyari sa kanya? Nais ko siyang puntahan!" nag-aalala kong tugon.

"Nagtamo siya ng sugat sa kanyang tagiliran nang matusok ito sa isang matulis na sanga bunga ng pagtulak sa kanya ni Atan. Ayon sa salaysay ni Bisdak matapos kang mawalan ng malay, sinubukan pa raw na lumaban ni Rosa ngunit mas malakas si Atan sa kanya kaya tumilapon lamang ito nang kanya itong itulak," pahayag pa ng matanda.

Si Bisdak pala ang kasama noon ni Carpio.

"Dinala kayo rito nina Carpio at Bisdak na mga duguan kaya agad nagkagulo at napuno ng takot at pag-aalala ang naramdaman ng ibang mga tao rito. Wala ka nang malay habang namimilipit naman sa sakit si Rosa," dagdag niya pa.

Hindi ako agad nakapagsalita. Parang nabuhusan ako ng malamig na tubig. Nang dahil sa akin, muntik na kaming mapahamak ni Rosa.

"Lubos na nag-aalala sa iyong kalagayan si Carpio. Nanatili siya rito mula kagabi dahil nais niyang bantayan ka. Mabuti na lamang at nakumbinse ko siya na umuwi muna at ipapaalam ko na lamang sa kanya kung ika'y gising na," aniya ulit.

"M-maraming salamat po sa paggamot sa akin, Manang?...." pasalamat ko sa kanya.

"Ising....ang pangalan ko'y Ising," sagot niya sabay ngiti.

"Maraming salamat, Manang Ising."

Sabay kaming napalingon sa pintuan nang biglang pumasok si Mang Khapili at agad napangiti nang makitang gising na ako.

"Masaya akong makitang gising ka na, Binibining Hiraya. Ano ang iyong nararamdaman?" tanong agad nito.

"Ayos na po ako, Mang Khapili. Maraming salamat po sa pagmamalasakit. Paumanhin na rin po sa abalang dinulot ko," saad ko.

"Hindi ako ang dapat mong pasalamatan, Hiraya. Kundi ang taong nagligtas sa iyo...." saad niya sabay tingin sa likuran.

Nakatayo sa labas ng pintuan si Carpio habang nakatingin ng tuwiran sa aking mga mata. Hindi ko alam ngunit puno ng pag-aalala at galit ang aking nakikita roon. Nakaramdam tuloy ako ng kaba kaya nag-iwas ako ng tingin.

Alam kong sinuway ko na naman ang kanyang sinabi. Kaya nauunawaan ko kung magalit siya sa akin.

"Hindi tayo nakatitiyak kung ano pa ang maaaring gawin ni Atan. Kilala namin ang taong iyon. Hindi siya titigil hangga't hindi niya nakukuha ang kanyang nais. Kaya habang nandito kayo, itinatalaga ko si Carpio upang bantayan ka. Ikaw lamang ang pakay ni Atan, kaya't pinagsabihan ko na si Carpio na huwag aalisin ang kanyang mga mata sa iyo," saad ni Mang Khapili na agad nagpalaki sa aking mga mata.

ANO?!

"Ngunit---" saad ko pa pero agad nagsalita si Mang Khapili dahilan para hindi ko naituloy ang aking sasabihin.

"Hiraya, sa amin ka ipinagkatiwala ng iyong ama at kapatid. Inaasahan nila ang kaligtasan mo sa piling namin. Kaya nararapat lang na gawin namin ang lahat upang matupad ang kanilang hiling. Kung nandirito ngayon si Lapulapu, marahil ay ganito rin ang kanyang gagawin," paliwanag ni Mang Khapili, kaya wala na akong nagawa pa.

Lumipas ang dalawang araw, naging maayos na rin ang aking kalagayan. Kaya hinayaan na ako ni Manang Ising na manatili na sa sarili naming kubo. Dalawang araw ko na ring hindi nakaka-usap si Rosa, sapagkat hindi ako pinahihintulutan na lumabas ng bahay pagamutan hangga't hindi pa ako lubusang magaling.

Dalawang araw na rin akong hindi pinapansin ni Carpio. Nais ko na sana siyang pasalamatan ngunit hindi ko magawa gawa. Palagi lamang siyang nagbabantay sa labas ng kubo, gaya ng sabi ng kanyang ama.

Nang makarating ako sa kubo namin. Agad akong tumakbo at niyapos si Rosa.

"Binibini! Kamusta na ang iyong kalagayan?" agad niyang tanong sa akin.

"Maayos na ako, Rosa. Ikaw?" sagot ko.

"Maayos na rin naman ako, binibini. Nakakagalaw na rin ako ng mabuti."

"Rosa, patawarin mo ako. Kung hindi sana ako nagyaya sa iyo, hindi ka sana mapapahamak," tugon ko.

Hinawakan niya lamang ang aking magkabilang kamay at ngumiti, "Wala kang kasalanan binibini. Hindi mo rin naman ninais ang nangyari. Marahil ay kaya iyon nangyari ay para matuto tayo."

Ilang oras din kaming nag-usap ni Rosa. Marami siyang naikuwento sa akin. Isinalaysay niya rin sa akin ang mga nangyari matapos kong mawalan ng malay.

Agad palang tumakbo si Atan matapos niyang maitulak si Rosa. Hindi na rin hinabol pa nina Carpio si Atan dahil mas inalala raw nila ang kapakanan namin. Agad daw akong binuhat ni Carpio at itinakbo sa kubo ni Manang Ising upang gamutin.

"Batid kong kailangan mong kausapin si Ginoong Carpio, binibini. Upang makapagpasalamat ka rin sa kanya," saad ni Rosa.

Napatingin ako sa labas at nakita ko si Carpio na nakatalikod habang tinatanaw ang mga naglalarong mga bata.

"Sa tingin mo makikinig siya sa akin?" nag-aalinlangan kong tanong.

Napangiti naman si Rosa. "Sa tingin ko, naghihintay lang siya na kausapin mo."

Nagpaalam na muna ako ni Rosa upang puntahan si Carpio. Hindi ko mawari ang aking nararamdaman. Habang palapit ako nang palapit sa kanya ay hindi mapigilan ng puso ko na mahibang at kabahan.

"Carpio...m-maaari ba kitang makausap?" tawag ko sa kanya.

Humarap siya sa akin nang hindi man lang makatingin sa mga mata ko.

"Alam kong galit ka sa akin. Sana pakikinggan mo ako kahit saglit lamang," panimula ko, "Patawarin mo ako kung sinuway ko na naman ang iyong sinabi. Ninais lamang namin maligo sa batis kung saan nakapaloob pa rin sa ating barangay. Hindi naman namin inaasahan na hanggang doon ay aabot din si Atan. Batid kong pagod ka na sa pagtatanggol sa akin sa tuwing nasa panganib ako. Ngunit nais ko lamang na pasalamatan ka."

Napansin ko naman ang dahan-dahan na pagtingin sa akin ni Carpio.

"Hindi ako galit sa iyo, Binibing Hiraya. Kagaya ng aking sinabi, tungkulin ko ang ipagtanggol ang sino man. Sana lamang ay iyong tatandaan na hindi sa lahat ng oras ay nandiyan ako sa iyong tabi upang ipagtanggol ka. Kaya hinahangad kong sa susunod ay huwag niyo na ulit iyong gagawin. Maging maingat kayo sa lahat ng oras dahil ang kapahamakan ay palaging nasa paligid lamang," sagot ni Carpio.

"Asahan mong simula ngayon, susundin ko na lahat ang inyong sasabihin. Ngunit....may isa lamang sana akong kahilingan," saad ko.

Kumunot ang kanyang dalawang kilay nang magbaling sa akin ng mas malalim na tingin. "Ano iyon?" tanong niya.

"Nais kong turuan mo akong makipaglaban. Nais kong sanayin mo ako nang matutunan kong ipagtanggol ang aking sarili," buong tapang kong tugon.

Hiraya (✔️)Where stories live. Discover now