Kabanata III

1.3K 67 3
                                    

"Binibining Hiraya! Nagagalak akong makita kang muli!" Giliw na saad ni Marita habang nakangiti.

"Ako rin Marita. Hindi ko inaasahang makikita kita rito sa kaharian. Matagal ka na bang naninilbihan dito?" Tanong ko sa kanya, pero napatingin siya bigla kay Arigomon bago tumingin muli sa akin.

"Si Ginoong Arigomon ang nagpapasok sa akin dito upang maging katuwang sa paglilinis ng kaharian ng mga Tagean, binibini," sagot nito kaya agad akong napatingin kay Arigomon.

Napansin kong malumanay lang itong nakangiti habang nakatingin kay Marita.

"Teka, matagal na ba kayong magkakilala ni Ginoong Arigomon, Binibini?" Tanong niya ulit sa akin dahilan upang ibalik ko ang tingin ko sa kanya.

"A-ah noong isang linggo lang kami nagkakilala kasi nagkataon na matalik na magkaibigan pala ang aming mga ama." Sagot ko.

Sinamahan kaming mamasyal ni Marita sa loob ng kaharian. Marami kaming napagkwentuhan na mga bagay-bagay.

Nasa likod lang namin si Arigomon at nanatiling tahimik kaya para lang ding kami lang dalawa ni Marita ang nasa paligid.

Biglang napahinto si Marita kaya napahinto rin kami sa paglalakad.

"Sandali lamang," nagtataka niyang saad at tumingin sa amin, "Bakit nga pala kayo magkasama nang kayo lang dalawa? Sa pagkakaalam ko hindi maaaring magsama ang isang ginoo at binibini maliban kung sila ay magkapatid. K-kayo ba ay?---" naguguluhan niyang tanong pero agad namang sumambat si Arigomon.

"Magkaibigan. Magkaibigan lamang kami. P-pinagkakatiwalaan lamang talaga ako ni Ginoong Pio pagdating kay Hiraya." Sagot agad ni Arigomon.

Nang dahil sa kanyang isinagot, mas lalong lumakas ang loob kong si Marita nga ang iniibig ni Arigomon.

Kahit hindi man sabihin ng bibig niya, ito naman ang pinapahiwatig ng kilos at mga tingin niya.

Ngunit nang dahil din sa isinagot niyang iyon ay bumigat ang loob ko. Wala akong gusto sa kanya, hindi ko siya iniibig pero masakit lamang sa tenga ang hindi niya pagpapakilala sa akin bilang kanyang mapapangasawa.

O Bathala, parang tumayo ang mga balahibo ko sa katawan nang maisip ko ang pag-aasawa!

Kahit bakas sa mukha ni Marita ang pagtataka, tumango lamang ito at ngumiti.

---

Naikwento sa akin ni Marita na isa siyang aliping namamahay sapagkat naninilbihan lamang siya sa Hari kapag kinakailangan niya ito.

Matagal na rin silang magkakilala ni Arigomon sapagkat may mga lupa rin ang pamilya ni Ginoong Paterno na pinangangalagaan ng mga alipin sa lipunan katulad lamang ng pamilya ni Mang Toryo.

Sa loob ng kwentuhan namin ni Marita ay marami akong natututunan lalo na sa buhay na mayroon ang pamilya nila at iba nilang ka-barangay. Marami sa kanilang kasamahan ay naging aliping saguiguilid na lamang kung saan pagmamay-ari na talaga sila ng mga Maharlika sapagkat wala itong mga ari-arian.

Naikwento niya rin sa akin ang simpleng pamumuhay nila kahit na dukha. Sa bawat salitang lumalabas sa kanyang maninipis na labi ay bakas sa mga mata nito ang kaligayahan.

Natutuwa naman ako habang naiinggit. Bakit?

Dahil kahit ganoon lamang ang buhay na mayroon sila ay masaya pa rin sila, magkakasama, at higit sa lahat...malaya. Ang lahat ng iyon ay ang mga bagay na hindi ko naranasan simula noong pumanaw si Ina habang ako'y anim na taong gulang pa lamang.

Nabibilang nga ang aming pamilya sa pangkat ng mga Timawa ngunit hindi lahat ay masasaya. Mayroon ding katulad ng aking pamilya. Kulang at malungkot.

Hiraya (✔️)Where stories live. Discover now