Kabanata XLV

497 30 4
                                    

"Hiraya! Usa (Isa)!" pagbilang ni Atan.

Hinaplos ko ng isang beses ang ulo ni Amaya bago bumaling ng pansin kina Rosa at Marita.

"Binibini, baka narito na ngayon sina Bisdak. Maghintay lamang tayo sandali. Paki-usap, huwag kang magpakita sa kanila," umiiyak na saad ni Rosa.

"Duha! (Dalawa)" patuloy pa ni Atan.

"Rosa, wala na tayong panahon upang hintayin pa sila. Nasa panganib si Babaylan. Hawak din nila si Carpio at Arigomon. Kailangan ko itong gawin upang iligtas kayo...at ang anak ko," matapang kong sagot. "Marita, bumalik na kayo sa ating barangay ngayon din. Tiyakin mong makarating kayo roon ng ligtas," patuloy ko.

Mabilis na umiling si Marita at hinawakan ang aking kamay.

"Hiraya, sasamahan kita. Hindi maaaring iwanan ka namin kay Atan!" sagot niya.

"Marita, sige na, umalis na kayo!"

"Tulo! (Tatlo)" malakas na sigaw ni Atan. "Nais mo talagang mamatay ang inyong Babaylan, ha! Pwes!—"

"Huwag mo siyang sasaktan, Atan!" sigaw ko at tuluyan nang lumabas sa aking pinagtataguan.

Bago ako humakbang palayo roon sa bato, nakita ko sa aking giliran na mabilis tumakbo sina Marita at Rosa palayo bitbit ang aking anak.

"Hiraya! Tumakas ka na, anak!" namimilipit na saad ni Babaylan.

Parang nawawasak ang puso ko nang masaksihan ang nakakaawang kalagayan ni Babaylan. Naglakad ako palapit kay Babaylan upang daluhan ito ngunit mabilis akong napigilan at hinawakan ng dalawa pang lalaki na kasa-kasama niya.

"Atan, nagmamakaawa ako, pakawalan mo si Babaylan! Hindi ba't ako ang nais mo?! Huwag mo nang idamay ang mga taong mahal ko!" bwelta ko sa kanya.

Mabilis akong napahinga habang muling ibinalik ni Atan ang mahaba niyang tabak sa kanyang giliran. Naglakad siya palapit nang hindi inaalis ang mga mata sa akin.

"Kung hindi ka lamang nagmatigas at kung sumama ka lamang sa akin agad, hindi sana sila madadamay, mahal ko," aniya habang patuloy sa paglalakad.

Ngunit napatigil agad ito nang bumaba ang kanyang tingin sa akin tiyan.

"Tila lumiit ang iyong sinapupunan?" nag-angat siyang muli sa akin ng tingin, "Nanganak ka na? Nasaan ang anak mo? Nais ko siyang masilayan," nakangisi nitong tugon.

Sinamaan ko lamang siya ng tingin. Naninigas na ang aking kamao at panga dahil sa matinding galit.

"Ngunit naaalala ko... Anak pala siya ng mangangasong iyon. May lason pa rin na nananalaytay sa kanyang dugo. At ano nga ba ang ginagawa natin sa isang nilalang na may lason?" masama siyang napangisi at nagbaling ng tingin sa kanyang mga alalay.

Sumenyas siya rito at bahagyang tinuro ang daan patungo sa aming barangay kung saan dumaan sina Rosa kanina. Mabilis akong binitawan ng isang lalaki at sinunod ang tinuro ni Atan.

"Huwag! Huwag! Paki-usap!" agad kong inabot ang braso ng lalaking iyon upang pigilan siya sa pag-alis.

Hindi na matigil ang pagluha ko. Nakangisi lang si Atan sa akin na para bang natutuwa pa sa ginagawa niya.

"Atan! Huwag ang anak ko, maawa ka! Ako nalang! Atan ako nalang! Gagawin ko lahat ng nais mo, basta't huwag mo lamang siyang idamay..." hagulhol ko.


Lumapad ang ngiti niya at mas lumapit sa akin. "Kung ganoon, madali akong kausap, mahal ko."

Bumaba ang aking tingin kay Babaylan. Dahan-dahan siyang umiling sa akin bilang pagtutol. Iyak lamang ang naging sagot ko sa kanya, bago ako hinawakan ni Atan at hinila na paalis.

Hiraya (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon