Kabanata XIII

741 40 3
                                    

"Hiraya! Ano'ng nararamdaman mo? Ayos ka lang ba?" nag aalalang tanong ni Carpio.

Bigla rin namang naglaho ang kirot sa puso at ang pagkahilo ko. Hindi ko alam kung bakit iyon nangyari. Huminga na lamang ako ng malalim

"Ayos lang ako, Carpio. Bigla lamang akong nahilo," sagot ko na lamang.

"Marahil ay napagod ka na sa pagsasanay natin ngayon. Mabuti pa ay bumalik na tayo, nagsisimula na rin namang lumubog ang araw," saad niya at napatango na lang rin ako.

Hindi maalis ang tawanan at usapan namin ni Carpio habang naglalakad pauwi. May bitbit akong kahoy na siyang hinahampas ko sa bawat malalabong na damo na nadadaanan namin. Ngunit parang wala naman itong silbi dahil halos si Carpio na ang humahampas kahit hindi ito sa daanan niya nakaharang.

"Alam mo hindi ko aakalaing aabot tayo sa ganito. Akala ko nga'y kahit kailan hindi na tayo magkakasundo. Ang sungit mo kaya noong pagkarating ko rito. Naaalala ko pa nga, sobra akong naiinis sa iyo." Natatawa kong saad.

Bahagya naman siyang napatawa bago nagsalita,. "Paumanhin, ganoon lamang talaga ako sa bawat dayu na tumutungo rito sa aming isla. Sapagkat natatakot na akong mangyari ulit ang nangyari noon sa amin kung saan nagtiwala kami ng lubos sa isang dayu gayong may masamang balak lamang pala ito sa amin," aniya.

Napakunot naman agad ako ng kilay. "Ah! Sinasabi mo bang hindi mapagkakatiwalaan 'tong mukhang ito?" tinuro ko ang sarili.

Napatawa naman siya. Hindi ko mapigilang mapansin ang paglitaw ng pahaba niyang biloy sa pisngi. At mas lalong hindi ko mapigilang maramdaman ang kung ano mang nilalang ang naroon sa aking tiyan.

"Hindi naman sa ganoon. Sino ba naman ang hindi magtitiwala sa mukhang iyan? E kahit ako napaamo. At saka... ang mukhang iyan din ang nagpapatunay na may mas gaganda pa pala sa mga bituin," seryoso niyang sabi kaya agad akong napatingin at nahagip na nakatingin din ito sa akin pero agad umiwas.

Uminit ang pisngi ko sa sinabi niya. Pilit kong kinagat ang dila ko upang hindi ako makangiti. Bakit ba kasi siya nagsasalita ng ganyan!

Agad kaming sinalubong ni Babaylan at Rosa na kanina pa pala naka abang sa labas ng aming kubo. Bakas ang pag-aalala sa mukha ni Babaylan. Agad siyang lumapit sa akin. Hindi ko magawang basahin ang kanyang mga mata.

"Carpio, ako na ang bahala sa kanya," ani Babaylan. Nagpumilit pa sana si Carpio ngunit wala na siyang nagawa pa kay Babaylan.

"Anong nangyari, Hiraya? Kanina'y may kaba akong naramdaman nang malaman mula kay Rosa na nagsama kayo ni Carpio," nag-aalalang tugon ni Babaylan.

Naghahanda ng makakain si Rosa sa silid lutuan ng bahay. Naroon din si Bisdak at sinasamahan siya sa pagluluto dahil nais niya raw matuto.

"Wala naman pong ibang nangyari, Babaylan. Na-nagsasanay lang po kami ni Carpio. T-tinuturuan niya akong makipaglaban. Wala kaming ibang ginawa." Nauutal kong sagot. Napakunot naman ang kilay ni Babaylan at bumuntong hininga. Parang may mali. Masyado atang madumi ang aking pagkakaintindi sa kanyang sinabi.

"Hindi iyon ang ibig kong ipabatid, Hiraya. Kung ano man ang iniisip mo, alam kong hindi mangyayari ang bagay na iyon. May tiwala ako kay Carpio,"

Napayuko ako dahil sa hiya. Bakit ba kasi naman iyon ang agad kong naisip. Nako Hiraya!

"Ngunit sa nararamdaman niyo ay wala akong tiwala." Dugtong niya na nagpatigil sa akin at napatingin sa kanya. Seryoso na ang kanyang mukha ngayon habang hawak ang isang kamay ko.

"Ha? Anong ibig mong sabihin, Babaylan? Anong nararamdaman?" pinagpapawisan na ako dahil sa sinabi niya.

"Gaano man ninyo itanggi, hindi parin nagagawang magsinungaling ng mga mata, Hiraya. Alam kong may nararamdaman ka na kay Carpio. At kilala ko siya, alam ko kung kailan nagiging mahalaga ang isang tao sa kanya. Nagiging malambot siya sa mga taong mahal niya. At sa nakikita ko, ikaw ngayon ang nagiging kahinaan niya, Hiraya," ani Babaylan.

Napalunok ako ng isang sakong laway dahil sa kanyang sinabi. Hindi ko na magawang tumingin pa sa kanyang mga mata ngayon. Para na ring tinahi ang aking bibig dahil wala ni isang salita ang lumalabas mula rito.

"Hindi ko sinasabing ayaw ko kayo sa isa't isa. Ngunit kung kaya mo pa itong pigilan, ay pigilan mo na. Dahil sa oras na lumakas pa ito, mahirap na itong pakawalan. At natatakot ako sa aking mga nakikita sa panaginip,"

Binitawan niya ang aking kamay at nag iwas ng tingin habang bakas sa mukha ang pagkabahala.

"May mga darating na siyang maghahatid ng malaking pagbabago sa buong kaharian. At nararamdaman kong mas magiging magulo na ang susunod na salinlahi dahil dito. Magulo. Ang dagat ay mababalot ng dugo, at may magsasakripisyo. "

Hindi ko mapigilang mangamba sa sinabi ni Babaylan. Ngunit hindi parin malinaw sa akin kung ano ang kinalaman namin ni Carpio rito.

"Ngunit Babaylan, iyon ay panaginip lamang. Marahil ay kahit kailan hindi magiging totoo." Utas ko. Ibinalik naman ni Babaylan ang mga tingin niya sa akin.

"Sana nga, Hiraya. Sana nga. Ngunit kung meron mang taong makakapagsabi kung ito ay totoo, hindi iyon ako, kundi...." malalim niyang sabi at hinawakan ng mahigpit ang kamay ko. "Ikaw."

Napabitaw ako sa pagkakahawak niya sa kamay ko. Hindi ko na siya nauunawaan ngayon. Ano ba ang ibig niyang sabihin?

"H-hindi na kita nauunawaan, Babaylan. Anong---" hindi ko na natapos pa ang ang nais kong sabihin dahil nagsalita pa si Babaylan.

"Ika'y tatanungin ko ulit. Hindi ka ba nagtataka? Ang iyong pangalan ay kakaiba. Sa dinami rami ng maaaring itawag sa iyo, kahit kailan ba hindi mo naitanong sa iyong magulang kung bakit Hiraya ang kanilang napili?" patuloy niya.

Ano ba ang mayroon sa aking pangalan? Bakit hindi niya nalang sabihin sa akin? Bakit pakiramdam ko may itinatago sila sa akin?

"Hiraya, ikaw ay---" mas lumapit pa siya sa akin pero hindi na niya natapos pa ang kanyang sasabihin dahil may narinig kaming sigaw mula sa labas.

"Ang lahat ay pinapatawag ni Rajah Lapulapu sa gitnang-bayan! Lumabas kayo't pumaroon para sa isang mahalagang pagpupulong!" paulit-ulit na sigaw ng Umalohokan.

Agad nagsilabasan ang mga mamamayan. Nakarating na pala sina Rajah Lapulapu.

"Tara na." mahinahong utas ni Babaylan.

Hindi ko mapigilang kumunot ng noo ko. May nais sabihin si Babaylan kanina ngunit naputol lamang ito. Ano kaya ito?

Sumunod ako kay Babaylan. Nasa likuran ko na rin si Rosa at Bisdak na mukhang galing pa sa tawanan. Nakatuon lang ang tingin ko sa likuran ni Babaylan na naglalakad ngayon di kalayuan sa akin. Hindi ko maiwas ang tingin ko sa kanya dahil sa mga sinabi niya kanina.

Bakit parang kinakabahan ako? Bakit ang bigat bigat ng pakiramdam ko simula nang nagkausap kami? Anong nangyayari?

Bigla ko nalang naramdaman ang mainit na mga kamay na humawak sa aking balikat at iniwas ako mula sa nilalakaran kong daan. Saka lamang ako natauhan. Paglinga ko, ang mapayapang mukha kaagad ng lalaking nagpapawindang sa aking puso ang bumungad sa aking harapan. Nakangiti ito ngayon sa akin at nakadungaw. Subalit may pagtataka sa kanyang mga mata.

"May malaking bato sa iyong daraanan. Tila hindi mo namalayan," halos bulong niya sa akin.

Nakahawak pa rin ang dalawang kamay niya sa magkabilang balikat ko at iniharap niya ako sa kanya. "Sabihin mo sa akin, may gumagambala ba sa iyong isipan? Nais mo bang pag-usapan?" yumuko pa siya para ibulong ito sa akin.

Halos manindig naman ang balahibo ko at may kung anong kumikiliti sa sikmura ko nang maramdaman ang hininga niya sa gilid ng aking tenga.

"Uho! Uho! Ehemmm!" napalingon agad ako sa likuran nang marinig ang sinasadyang pag-ubo ni Bisdak.

Nakangisi at nakatingin silang dalawa ni Rosa sa amin ngayon! Nakakahiya!

Ibinalik ko ang tingin ko kay Carpio, pero nagulat ako nang maabutang nakatitig pa rin ito sa akin na para bang hindi niya narinig si Bisdak at ang hagikik ni Rosa. Para akong nalulunod sa mga titig niya. Naisin ko man ngunit hindi madaling makawala sa kanyang mga mata. Nalulunod na ako, Carpio. Nalulunod na ako. Mahirap nang umahon mula sa iyo.

Tuluyan na ata akong nahulog sa bitag mo...

Hiraya (✔️)Where stories live. Discover now