Kabanata XX

637 41 1
                                    

Umupo akong mabuti sa higaan at tumabi naman si Arigomon. Hindi naman kami ganoon ka lapit sa isa't isa.

"Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong niya.

"Mabuti naman na."

"Ano bang nangyari? Paano ka nagkaganito?"

Napahinga nalang ako ng malalim. Ipinaliwanag ko naman kung ano ang sinabi ko kanina kina Carpio at Bisdak. Katulad rin nila, hindi rin makapaniwala si Arigomon. Hindi ko sinabi sa lahat ang totoong nangyari. Na nakasalamuha ko ang gurpo nina Atan at nakipaglaban sa kanila kaya ko natamo ang mga sugat at pasa. At mas lalong hinding-hindi ko sasabihin ninuman kung ano ang dahilan ng pagkawala ko.

"Bakit ka nga pala nandito, Rigo? May balita na ba sa Karilaya? Kumusta sina Ama at Kuya?" sunod-sunod kong tanong upang maiba ang usapan.

"Ipinadala ako dito ni Rajah Sulayman upang gabayan ang mga mandirigma sa pagpunta sa Maynil. Sasabay akong lalayag sa kanila sa susunod na araw," aniya.

"Masugid pa ring nagbabantay ang lahat ng sandatahan sa Maynil sapagkat anumang oras ay maaaring sumugod ulit ang mga kalaban. Ngunit may mga hinuha kaming magkaiba ang mga sumugod sa inyong tahanan at ibang grupo rin ang sumugod sa mga kalapit bayan ninyo," dagdag niya pa.

Kinabahan ako sa sinabi ni Arigomon. Ibig sabihin, hindi lang isang grupo ang kalaban?

"P-paano nangyari iyon? Ibig bang sabihin, ang nanggulo sa buong bayan ng Karilaya ay hindi yaong nanggulo sa aming tahanan?" tanong ko. Tumango naman si Arigomon.

"Mayroong isang balawis na nahuling nagmamasid masid sa kaharian. Nilitis ito at pilit pinaamin kung sino ang nasa ulo ng kanilang grupo. Tinanong din ito kung sila din ba ang umatake sa inyo ngunit inamin niyang hindi iyon sila. Ang tanging pakay nila ay gantihan si Haring Luisong na naghatol ng parusa sa kanilang pinuno na ikinamatay nito," ani Arigomon.

Napa-isip pa ako sa sinabi niya. Kung hindi yung grupo ng nilitis ang umatake sa amin. Ibig sabihin, may iba talagang grupo na nanggulo sa aming tahanan. Sino? At bakit nila gagawin iyon sa amin?

Mabilis na tumalab sa akin ang mga halamang gamot na pinapa-inom sa akin ni Manang Ising kaya mabilis rin akong gumaling. Ngayong gabi ay mayroong pagtitipon na magaganap sa gitnang-nayon para sa mga mandirigmang lalayag upang lumaban sa kapayapaan sa buong kaharian. Isang pagtitipon bago sila lalayag sa susunod na araw.

Simula noong nakita ko sina Marita at Carpio ay hindi na ako nilalapitan ni Marita. Sa tuwing nagkakasalubong kami ay hindi man lang ito ngumingiti katulad noong dati. Hindi na rin siya nakikisali sa tuwing nag-uusap kami nina Rosa, Mayang at Bisdak.

Parang biglang nag-iba ang ihip ng hangin simula noong araw na iyon. Maging si Carpio ay nararamdaman kong pilit lumalayo sa akin. Kaya sa tuwing iniisip ko iyon ay hindi ko maiwasang masaktan.

"Binibini, maaari ko ba kayong maka-usap?" biglang tumabi sa akin si Rosa sa pag-upo rito sa labas ng kubo.

"Ano iyon?" sagot ko.

"Binibini, ilang taon din tayong nagkasama sa iisang bubong. Kaya alam ko kung may tinatago ka. Sabihin mo sa akin ang totoo," saad niya sa tiyak na tono.

Napayuko ako at huminga ng malalim bago nagsalita. "Hindi totoong hinabol ako ng alamid. Hindi rin totoong may sangang dumaplis sa aking tenga kaya ito nasugatan," Pag-amin ko habang nakayuko pa rin. Kahit ako iyong mas nakakatanda kay Rosa ay para na ring ako ang pinakabata.

"N-nakita ko sina Carpio at M-marita noong araw kung kailan magkikita dapat kami ni Carpio. Nakita kong hinalikan ni Carpio ang kamay ni Marita."

Naging gulat ang mukha ni Rosa at dahan-dahang napatakip sa kanyang bibig.

"Binibini...." halos hindi makapagsalita si Rosa sa aking sinabi. Napahawak nalang ito sa aking braso at dahan dahan kong inangat ang aking mga mata sa kanya.

"Tama ba itong aking nararamdaman, Rosa? Tama bang umibig ako sa kanya kung gayung ako'y ikakasal na?"

"Binibini, hindi ba't ito na ang pinakahinihintay mo? Nakita mo na rin ang taong nagpatibok sa iyong puso. Natagpuan mo na ang ginoong bumihag sa iyong puso na kailanma'y hindi nagawa nina Ginoong Adonis o kaya'y Ginoong Arigomon," nakangiti niyang saad.

"Ngunit Rosa, may iba siyang mahal. At ako'y nakatakda nang ikasal. Nararapat lamang siya kay Marita at ako kay Arigomon," puna ko. Halos buong tapang kong pinipigilan ang mga luha ko dahil ayaw kong makita ito ni Rosa.

"Ang buhay minsan ay hindi umaayon sa ating nais, binibini. Ngunit isa lang ang natitiyak ko. Hinding-hindi hahantong ang isang pag-ibig sa taong hindi itinadhana nito. Naniniwala akong iyang nararamdaman mo sa kanya ay may may dahilan at may patutunguhan," sagot niya at agad akong niyakap.

Isang tunay na kapatid na ang turing ko kay Rosa kaya marahil ay nasasabi ko sa kanya lahat ng hindi ko masabi sa iba. Kumalas na siya sa pagkakayakap sa akin at hinawakan ang magkabila kong kamay.

"Tayo na. Iwanan mo muna rito lahat ng bumabagabag sa'yo para makapagsaya tayo," aniya nang nakangiti.

Abala na sina Aling Eka at iba pa naming kasamahan sa paghahanda sa mga pagkain. Marami ring mga bote ng lambanog ang nakahilera sa gilid. Marahil ay may inumang magaganap mamaya.

"Hindi pa rin ba dumarating ang ating mga mandirigma?" narinig kong tanong ng isang babaeng ka edad lamang ni Aling Eka. Kung hindi ako nagkakamali, siya ang ina ni Marita dahil palagi ko siyang nakikita noon na kasa-kasama ni Mang Toryo.

"Hindi pa, Sita. Ngunit nakatitiyak akong pauwi na ang mga iyon ngayon mula sa pagsasanay," sagot naman ni Aling Eka.

"Aling Eka! Ano po ang maitutulong namin?" masayang tugon ni Rosa. Napatingin sa akin si Aling Sita at napangiti.

"Ngayon lamang kita nakita sa malapitan, Binibining Hiraya. Napakaganda mo nga talaga. Tama nga ang usap-usapan sa aming bayan. Ako nga pala si Sita, ako ang asawa ni Toryo at ina ni Marita. Naikwento ka sa akin ng aking anak na napakabait mo raw," aniya at ngumiti nalang ako.

"Maraming salamat po. Ikinagagalak ko pong makilala ka, Aling Sita," sagot ko.

"Hiraya anak, marunong ka bang magluto?" tanong sa akin ni Aling Eka.

"Opo, tinuruan po ako ni Rosa noon," sagot ko naman sa kanya.

"Nako, Aling Eka, masarap pong magluto si Binibining Hiraya!" saad naman ni Rosa. Umiling na lamang ako sa kanya.

"Maaari mo bang lutuin itong manok, anak?" ani Aling Eka. Agad akong napatango at tumungo sa kanya upang tumulong sa pagluto. Si Rosa naman ay kay Aling Sita tumulong sa paghahanda sa mahabang hapag para sa kainan mamaya.

Isang pinakuluang manok na hinaluan ng iba't ibang klase ng gulay ang aking niluto. Ito ang tinuro sa akin ni Rosa dahil ito raw ang hilig ni ama at kuya. Ilang sandali lamang ay natapos na ako kaya agad ko na itong inihain sa hapag na inihanda nina Rosa at Aling Sita kanina.

Ilang sandali ang lumipas nagsidatingan na ang mga mandirigma mula sa pagsasanay. Narinig namin ang tawanan mula sa 'di kalayuan kaya nagsihanda na rin kami.

Nangunguna si Arigomon sa kanila at kagaya ng inaasahan, isang tunay na mandirigma ang kanyang tindig. Katabi niya naman ang ilan niyang kasamahan, si Bisdak, Harum, at si Carpio. Masaya silang nagtatawanan habang naglalakad.

Kahit anong gawin ko hindi ko talaga mapigilang hindi tumingin kay Carpio. Ngunit iba ang kanyang mukha ngayon. May bago talaga sa kanya ngayon at hindi ko mawari kung ano iyon.

Ilang sandali ko pa siyang tinitigan hanggang sa napagtanto ko kung ano ang bago sa kanya ngayon....

Agad bumilis ang pintig ng puso ko dulot ng pinaghalong kaba at saya nang makita kung ano ang nasa kanyang ulo.

Suot niya ang sambalilong na gawa ko!

Paano napunta iyon sa kanya?

Hiraya (✔️)Where stories live. Discover now