Kabanata XXXIX

714 27 6
                                    

"Mahal na mahal kita, Hiraya."

Naalimpungatan ako nang marinig ang boses ni Carpio at maramdaman ang marahang haplos nito sa ulo ko. Nang binuksan ko ang aking mga mata ay ang mukha niya agad ang bumungad sa akin. Puno ng pag-aalala at pagtataka ang kanyang mukha.

"Sabihin mo sa akin, ano ang nakita mo? Bakit ka tumatangis?" halos pabulong niyang tanong sabay punas sa aking mukha na puno na pala ngayon ng luha.

Nabalot ng takot at sakit ang puso ko. Mas lalo kong naramdaman ang pag-agos ng aking mga luha nang maalala lahat ng nakita ko. Mabilis niyang inilibot ang mga braso niya sa akin upang yakapin ako. Kahit ang yakap niya ay labis na naghahatid ng bigat sa puso ko.

Paano ko ipapaliwanag iyong nakita ko? Paano ko sasabihin sa kanyang nakita ko na ang aking kamatayan? Paano? Paano ko ipapaunawang... mawawala ako sa tabi niya pagdating ng panahon?

"Mahal kita..." iyon na lamang ang mga salitang lumabas sa akin habang patuloy na lumuluha.

"Mas mahal kita," hinawi niya ang ilang buhok na humaharang sa aking mukha. "Huwag kang mangamba. Habang humihinga ako, asahan mong magiging ligtas ka, at ang anak natin," saad niya at mabigat na napahinga habang nakayakap pa rin sa akin.

Naging mahirap sa akin ang mga sumunod pang araw. Halos sa bawat sandali ay iniisip kong baka ito na ang araw na iyon, gaya ng nakita ko. Hindi ko alam kung kailan iyon darating. Bawat oras ay naghahatid ng kaba sa akin.

Bakit kailangang ganito? Bakit kailangan pa akong pagkalooban ng ganitong kakayahan? Kahit kailan wala itong magandang naidudulot sa akin.

Hindi ito biyaya. Isa itong sumpa.

"Hiraya...maaari ba kitang maka-usap?" nag-angat ako ng tingin sa lalaking nakatayo ngayon sa aking harapan. "Mauunawaan ko kung itataboy mo ako. Ngunit sana'y pakinggan mo ang paliwanag ko," nagsusumamong tugon ni Arigomon.

"Huwag ka nang magpaliwanag pa, Rigo. Batid ko naman ang iyong sasabihin. Pauli-ulit at ilang beses ko nang narinig. Patunayan mo na lamang sa amin na ikaw nga'y nagsisisi," malamig kong tugon.

Tumayo ako at nagsimulang maglakad palayo sa kanya. Narinig ko pa siyang nagsalita bago ako tuluyang makaliko sa kabilang daan.

"Maraming salamat, Hiraya. Pangako, gagawin ko lahat upang pagkatiwalaan ninyo akong muli."

Para akong nakalutang sa hangin habang naglalakad sa hindi ko matukoy kung saang bahagi ng aming barangay. Hindi ko magawang alisin sa isipan ko ang pangamba dulot ng aking nakita.

Napahinto lamang ako nang may isang pamilyar na boses akong narinig.

"Hiraya, saan ka pupunta?" tanong ni Babaylan.

Nag angat ako sa kanya ng tingin. Bakas ang pag-aalala sa kanyang mga mata habang nakatingin sa akin.

"Anong nangyayari sa iyo? Masama ba ang iyong pakiramdam? Bakit nag-iisa ka rito? Masama sa iyong supling ang lamig ng hangin dito," saway niya sa akin.

Nagpatinanod ako sa hila niya sa akin papasok sa kanyang tinutuluyang kubo. Nanatili akong tahimik at mabigat ang kalooban. Kanya akong pina-upo at inalayan ng mainit na inumin.

"Hiraya, ano ang bumabagabag sa iyong isipan?" tanong niya ulit.

Huminga ako nang malalim bago nag-angat ulit ng tingin kay Babaylan. Sa sandaling nagtagpo ang aming mga mata ay dahan-dahang napawi ang nakakunot niyang mga kilay.

"May nakita ka," tiyak niyang tugon. "Sabihin mo sa akin, ano ang iyong nakita?" patuloy niya.

Hindi ko nais na sabihin ninuman ang nakita kong nalalapit na kapahamakan na kahahantungan ko. Ayaw ko silang mag-alala. Mas mabuti na lamang siguro na ako lamang ang makakaalam.

Hiraya (✔️)Where stories live. Discover now