Part 24

2.8K 90 0
                                    


HUMANTONG sina Johna at Vaughn sa isang restaurant. Alam ni Johna na mangyayari talaga ang pag-uusap nila kaya bakit pa ide-delay? Mabuti na iyong magkalinawan na agad sila ni Vaughn.

"Kumain ka muna."

"Huwag na tayong magpaligoy-ligoy pa. Ano'ng pag-uusapan natin tungkol sa anak ko?"

Nag-iwas ng tingin si Vaughn. Inabot nito ang baso ng tubig at uminom, pagkatapos ay saglit na nanahimik, as if he was collecting his thoughts.

"Alam ba ng asawa mong makikipagkita ka ngayon sa ex mo? Ex na naanakan mo?" tanong uli ni Johna. Offense is the best defense, as they say.

"Yes," walang-gatol na sagot ng lalaki.

She was taken aback. "At okay lang sa kanya?"

"Let's not talk about my wife."

"Right. So, tell me, what do you want? Gusto mong makilala si Lia? Gusto mo nang maging ama sa kanya?" sarkastiko niyang tanong.

Ang totoo, napag-isipan na ni Johna ang tungkol sa bagay na iyon. Paano nga ba kung gustong umeksena ni Vaughn sa buhay ni Lia? At siguro ngang nag-mature na siya dahil sa kabila ng kasalanan sa kanya ni Vaughn, napagdesisyunan niyang huwag ipagkait kay Lia ang karapatang makilala ang ama. Kung gusto ni Vaughn na magpakaama sa kanyang anak, then fine. Dahil bilang ina, wala siyang ibang gusto kundi ang anumang makabubuti para sa anak. As long as hindi ito masasaktan. People deserve second chances. Hindi niya idadamay ang anak sa galit niya kay Vaughn. Kung nagbago na si Vaughn at nagsisi na sa nangyari, at kung gusto nitong akuin ang responsibilidad sa bata ay papayagan niya itong makalapit kay Lia. Para pagdating ng araw, hindi siya masusumbatan ng anak na ninakaw niya ang pagkakataong makilala nito ang ama.

"Johna, kaya kong bigyan ng magandang buhay si Lia."

Naalarma si Johna. Of course, Vaughn was rich. Kung magpapakaama ito kay Lia ay makakaya nga naman nitong suportahan ang anak. Pero iba ang dating sa kanya ng mga salitang binitiwan ni Vaughn. Parang iba ang kahulugan niyon.

"Look, kung gusto mong makilala si Lia, it's fine with me. Hindi ko ipagkakait sa anak ko ang pagkakataong makilala ang biological father niya. Alam kong balang-araw ay iyon ang bubuo sa pagkatao niya," nagpipigil ng emosyon na sabi ni Johna. Akala ba ni Vaughn ay ganoon kadali iyon? Ganoon kadaling i-share si Lia? Kung paiiralin niya ang pagiging makasarili, itatago niya ang anak at hindi ipapakilala kay Vaughn. Iyon ang magiging kabayaran nito sa ginawang pagtalikod sa kanya. But she knew better. Alam ni Johna na hindi iyon makakabuti sa bata. Iyon din ang stand ng nanay niya. Si Lia lang ang isinasaalang-alang nila.

"Kung susuportahan mo siya financially, fine. Labag man sa loob ko, papayag ako dahil karapatan 'yon ng anak ko. Responsibilidad mo 'yon."

Tumikhim si Vaughn. "Gusto kong kunin si Lia."

Mahina lang ang pagkakasabi ng lalaki pero parang kulog na dumagundong iyon sa tainga ni Johna. Pakiramdam niya, biglang nanlaki ang kanyang ulo. Ramdam din niya ang pamumutla. Parang na-drain ang lahat ng dugo niya.

All right, aaminin niya na pumasok sa isipan niya ang posibilidad na iyon, lalo pa nga at una na niyang nalaman na may abogado na si Vaughn. Pero hindi niya iyon in-entertain sa takot na baka nga iyon ang gusto ni Vaughn. Mas gusto kasi niyang paniwalaan na nakokonsiyensiya lang ang lalaki kaya gustong bumawi sa anak.

"Ano uli?" mahina pero seryosong tanong ni Johna. Kumukulo ang dugo niya sa galit.

"Look, magiging maganda ang buhay ni Lia sa piling naming mag-asawa. Maibibigay—"

Dinampot niya ang baso ng tubig at gigil na isinaboy iyon sa pagmumukha ni Vaughn. Hinihingal siya sa galit na nagsisiksikan sa kanyang dibdib. Nakatawag sila ng atensiyon pero wala siyang pakialam.

"N-nagpapatawa ka ba, ha?" Nabasag ang boses ni Johna sa sobrang galit. Emotion surged through her. Naiyak siya. "G-gusto mong kunin si Lia? Ang kapal din naman ng mukha mo! Ang kapal-kapal ng mukha mo!" sigaw niya sa pagmumukha ni Vaughn.

"Johna, huwag kang mag-eskandalo," pakiusap ng lalaki habang pinupunasan ang nabasang mukha. Halatang kulang na lang ay lumubog ito sa kinauupuan dahil sa kahihiyan.

"Eskandalo? Ayaw mo ng eskandalo?" Malutong niya itong minura. Wala siyang pakialam sa paligid. Fury was raging inside her. "Huwag na huwag mong kalilimutan na inutusan mo akong..." Hindi niya naituloy ang sinasabi. She was so mad she could murder him right away.

Tumiim ang mga bagang ni Vaughn. "Puwede nating ayusin ito nang tahimik. O—"

"O ano?" putol niya, nakakuyom ang mga kamay. Ramdam niya ang pamumula ng mukha dahil sa galit. "Dadalhin mo ito sa korte? Akala mo matatakot mo ako?"

But, oh yes, she was afraid. Natatakot si Johna dahil ano lang ba siya kompara sa mga Asuncion? May pangalan at maimpluwensiya ang pamilyang ito. Habang siya ay ano? Wala siyang ibang maipagmamalaki kundi ang pagmamahal niya sa anak.

"Ayusin nang tahimik? What do you mean by that? Inaasahan mo bang basta ko na lang ipapaubaya ang anak ko? Gano'n? And then what? Sisilawin mo ako sa pera. Ha? Aalukin mo ako ng pera kapalit ng anak ko? Anak ko, Vaughn. Anak ko! Anak ko lang!" nanggigigil niyang sabi. Ang sarap ingudngod ng mukha nito sa mesa.

"Then see you in court." Padabog na binitawan ng lalaki sa mesa ang table napkin bago tumayo at umalis.

Naiwang tulala si Johna habang tumutulo ang mga luha. Parang ninakaw ang lahat ng lakas niya sa katawan. Aabot ba talaga sila sa korte? Malalagay si Lia sa ganoong sitwasyon? No, hindi niya iyon mapapayagan.

Tumayo na si Johna para umalis. Pero umikot ang paligid niya kasabay ng panghihina ng katawan. Napakapit siya sa mesa. Nagdidilim ang paligid niya.

"Ma'am, are you okay?" Iyon ang narinig niya bago tuluyang mawalan ng malay.

Of Love... And Miracles (Completed)Where stories live. Discover now