Hindi Mapipigilan

3.9K 210 6
                                    

 
     Ang asul na kalangitan ay nahahaluan na ng kulay kahel at lila na hudyat ng paglubog ng araw. Siya ring pagmamadali nang makauwi ni Persius mula sa kanyang pangangasong hindi matagumpay.

     Ang kanyang pagal na katawan sa paghahanap ng ligaw na hayop na maari niyang hulihin at kitilin ay sadyang hindi umayon sa kanya. At isa pang dagok ang dumating sa buhay ng kanyang pamilya.

    Tuluyang nawalan ng trabaho ang kanyang ina sa panederia na nasa bayan. Si Persival naman ay mayroong karamdaman na hindi parin humuhupa hanggang ngayon. Nagsimula lamang lahat ng ito nang tanggihan niya ang ninanais ng prinsipe. Ang kagustuhan nitong may mamagitan sa kanilang dalawa.

     Sadyang hindi niya ginustong tanggihan ang prinsipe dahil alam niyang iyon naman ang tamang gawin. Isang dakilang tao ang prinsipe at ang maugnay dito sa isang di kanais nais na paraan ay magdudulot lamang ng kaguluhan sa palasyo.

    Ngunit batid niyang iba ang sinasigaw ng puso niya. May kung anong bahagi sa kanya na nais buksan para sa prinsipe. Ang kanyang mga kinikilos sa harapan niya ay tila ba kilos ng taong nagmamalasakit sa kanya. Taong nais na mapabuti ang kanyang kalagayan. Ngunit alam niyang isang kasidhian ang ninanais ng prinsipe.

     Tawag ng damdamin o tawag ng laman. Hindi niya matukoy kung alin sa dalawa. Ang alam niya lamang ay nahihirapan na siya sa kanyang kalagayan. At tila ba tinotoo ng prinsipe ang mga salitang binitiwan nito. Ang mahirapan siya at muling lumuhod sa harapan nito at magmakaawa.

    Hindi siya magpaligoy ligoy pa. Alam niyang isang biglaang desisyon ang gagawin niya ngunit ang buhay niya at ng kanyang pamilya ang nakasalalay dito. Alam niyang hindi lang doon titigil ang prinsipe. Natatakot siya sa maari pang mangyari. At kailangan niya ng salapi. Kailangan niya ng gamot para sa may sakit na kapatid. At wala na siyang ibang maisip kundi humarap sa prinsipe at muli itong makausap.

    Nais niyang paglingkuran ito kung ito man ang kapalit ng matiwasay na kalagayan ng kanyang pamilya.

    -------------

    Nasa bungad ng tarangkahan ng palasyo si Persius. Dala ang kanyang mga nilukot na damit. Nagpaalam siya sa kanyang ina na susubok sa pagsusulit bilang isang kawal ngayong dumating na ang takdang panahon upang gawin niya ito.

    "Anak.. Huwag mong pilitin kung hindi mo man malampasan ang pagsusulit. Ang mahalaga ay ligtas kang babalik dito at walang masamang mangyari sa'yo. Malaking takot na ang dulot sakin nang dakpin ka ng Kapitan dito sa ating pamamahay.. Ayaw kong may mangyari pang mas nakakahindik roon." bilin sa kanya ng kanyang ina bago siya lumisan sa kanilang tahanan.

    Ang malaking tarangkahan ng palasyo ay biglang nagbukas at maraming binata ang nagsipasukan dahil ang mga ito ay kasabayan niyang sumubok sa pagsusulit bilang isang kawal.

    "Isang linya lamang! Ang inyong mga kabayo ay kailangan niyong ibigay sa mga kawal upang ito ay itali sa mga kwadra! Ang inyong mga hawak na sandata ay kailangang masuri ng mga tagapamahala ng pagsusulit upang siguruhing ito ay ligtas! Nauunawaan ba ng lahat?" hiyaw ng kapitan na nakatalaga sa mga bagong binatang susubok na maging kawal.

    Sumunod si Persius sa mga patakaran at matamang luminya sa kumpulan ng mga binata. Iba't ibang klase ng antas ang narito maliban lang sa mga maharlika na sinasanay na ng kanilang sariling pamilya at pinapadala sa malalayong lugar upang mag-aral at maging bihasa sa aspetong nais nilang gawin sa buhay nila.

    Ngunit para sa kanyang maralita at nakaaangat lamang ng bahagya ay kailangan nilang sumubok na maging kawal dahil ito ay isang tungkulin na magbibigay ng kasiguraduhan ng maginhawang buhay para sa pamilya.

    Nang marating ni Persius ang mesa kung saan nakaupo ang dalawang nakaunipormeng kalalakihan ay agad nilang kinuha sa kanya ang pana at mga palaso niya.

The King's Lover (Historic BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon