Pagbawi

2.6K 127 5
                                    


     Hindi makagalaw sa kanyang kinatatayuan si Persius nang maibaba niya ng tuluyan ang espadang hawak. Pinagmamasdan parin niya ang lalaking nakatayo sa di kalayuan. Nakatitig lamang ito sa kanya at tila ba ramdam niya ang matinding pangungulila nito sa kanya.

      Wala na siyang ibang naisip kundi tumakbo palapit sa kinatatayuan ng lalaking lubos niyang minamahal. Ang kanilang mga katawan ay nagkusang maglingkis at para bang sila lamang ang tao sa lugar na iyon sa mga sandaling iyon.

    "Per-Persius.. Bakit? Bakit hindi ka manlang nagparamdam sa akin na buhay ka pa? Bakit patuloy kang nagtatago hanggang sa pagkakataong ito? Hindi mo ba alam kung gaano ako nangulila at nagdalamhati sa nalaman kong pagkawala mo? Ang pagpaslang mo sa iyong sarili?" sunod sunod ang mga katanungan ni Brandon sa lalaking kayakap niya ngayon.

    Masagana ang luhang umaagos sa kanyang mga mata. Hindi niya akalaing totoo ang lahat. Nandito at kayakap niya si Persius.

     "Patawarin mo ako, kamahalan.. Patawad dahil hindi ko alam kung paano ka haharaping muli. Naging duwag akong ipaglaban ka noon. Hindi ko nakayang panindigan ang aking pangako sa iyo at sana ay nauunawaan mong lahat ay gagawin ko para sa'yo." masuyong saad ng dating heneral na kinailing lang ng dating hari.

     "Hindi na mahalaga ang mga nangyari noon. Matagal na kitang napatawad dito sa puso ko. Alam kong nagkaroon ako ng pagkamuhi sa iyo dahil mas pinili mong panigan si Tristan noon, pero mahal na mahal kita kahit pakiramdam ko ay hindi na ako mahalaga para sa iyo. At ngayong nandito ka na, kasama na kitang muli, gusto kong magsimula muli tayo. Hindi ko na nais pang mawalay ka sa tabi ko." masayang saad ni Brandon bago sila naghiwalay ng yakap ni Persius.

   Mga kuryosong mata naman ang pinupukol ng mga estudyante ni Persius sa nagaganap sa pagitan ng dalawang lalaki. Ngunit si Cornelus ay hindi maalis ang ngiti sa kanyang labi dahil alam niyang nagkita nang muli ang kanyang maestro at ang lalaking iniibig nito.

    "Brandon.. Tama ka, magsisimula tayong muli. At ngayon, itatama ko na ang naging pagkakamali ko. Lalaban na ako para sa iyo. At gagawin natin ang lahat upang maibalik ang nararapat na para sa'yo. Babawiin natin ang Thesalus mula kay Tristan at pagbabayaran niya ang lahat ng kanyang ginawa sa ating dalawa."

    Muling hinarap ni Persius ang kanyang mga estudyante at ipinakilala si Brandon sa kanila. Hindi naman makapaniwala ang lahat na isang hari pala ang kaharap nila at napaluhod ang mga ito sa harapan nilang dalawa.

    "Natitiyak kong magiging mahusay kayong mandirigma pagdating ng tamang panahon. At pagsisilbihan niyo ng buong husay ang bayan ng Sineclos. At nararapat lang na pasalamatan ninyo ang inyong maestro. Dahil siya ay tunay na magiting at matapang na mandirigma ng Thesalus."

    "Salamat sa inyong papuri, kamahalan!" sabay sabay na saad ng mga estudyante ni Persius na kinatuwa naman ng dating hari.

     Agad nang nagpaaalam ang dalawa sa mga esudyante at agad nilang tinahak ang daan patungo sa maliit na tahanan ni Persius sa komunidad na iyon.

     Hindi mapigilan ni Brandon na ilingkis ang kanyang kamay sa kamay ni Persius dahil sa labis na pananabik nito. Tila ba bumalik sila sa panahon na sumisibol palamang ang kanilang pagmamahalan. Kahit na alam ni Brandon na ang simula ng pag-iibigan nilang dalawa ay hindi maganda.

    Narating nila ang maliit na tahanan ni Persius at hindi na nagtaka si Brandon na pangkaraniwan lamang lahat ng kasangkapang matatagpuan roon. At may isang maliit na silid pahingahan na agad namang tinungo ni Persius upang ayusin at nang maiayos na niya ang lahat ay pumasok nama roon ang dating hari.

     "Alam kong hindi ka sanay sa ganitong klase ng silid dahil ang bawat silid na iyong napuntahan ay naglalakihan. Sana ay mainam na ito para sa iyo?"

The King's Lover (Historic BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon