Mga Patibong

2.2K 104 5
                                    


      Ang naglalagasang mga dahon mula sa mga puno ay hindi na mapigilan. Ang taglagas ay dumating na nga at kasabay nito ay ang paghaharap ng mga hukbo ng Thesalus at pinagsanib na hukbo ng Timog Corinthia at Sineclos. Ang mga heneral ay nakahanda na sa bawat minutong dumadaan na nakaantabay sila sa mga nakatalagang lugar ng depensa nila.

     Si Persius at Brandon ay magkasamang nilalakbay ang kagubatan ng Daffodil at hindi nila mapigilang magunita ang una nilang pagkikita sa kagubatang iyon. Maraming taon na ang lumipas ngunit hindi nila pinagsisihan na nagkakilala sila sa isang nakakahiyang pagkakataon na humantong sa isang napakagandang kwento ng pag-ibig.

      Ngunit ito ang pagkakataon upang isipin nila ang pangkalahatan. Ang mga buhay nilang labis na binago ng kasakiman ni Tristan. Nalalapit na sila sa kanilang lugar ng labanan. Siniguro nila na sapat ang kanilang paghahanda upang matalo ang pwersa ng hukbong sandatahan ng Thesalus.

       "Alam kong mapagtatagumpayan natin ito.. Malakas ang aking paniniwala sa ating diyos na hindi niya tayo pababayaan." saad ni Persius kay Brandon habang papalabas na sila sa bukana ng malawak na kagubatan at sa likod nila ang di bababa sa sampung sundalong nakasunod lamang sa kanila kahit saan man sila magtungo.

      "Malaki din ang aking paniniwala sa iyong kakayanan, Persius. At siguro naman ay sapat na ang aking lakas upang lumaban din para sa kapayapaan at katiwasayan ng ating minamahal na kaharian." isang ngiti ang sumilay sa mukha ni Brandon na labis na kinatuwa naman ni Persius. Ang mga ngiti nito ay nagbibigay sa kanya ng sapat na kalakasan.

        "Ang tangi kong pinangangambahan ay hindi ko alam kung ano ang ikikilos ni Tristan ngayon. Marahil ay sapat ang ating pwersa ngunit hindi natin nasisigurong hanggang doon lang ang gagawin niya. Ang kanyang kakayanan ay hindi natin tunay na nalalaman." saad ni Persius sa kasintahan at alam din ni Brandon na totoo ang linahad nito.

      Ang mga tuyong dahon na dinadaanan nila ay linilipad ng malakas na hangin mula sa kabundukan. Ang lamig nito ay nanunuot sa kalamnan ng lahat ngunit ang paparating na gabi ay mas magbibigay pa ng ibayong takot sa lahat ng makakasaksi sa isang madugong labanan.

     ----------------------
  
      Mga sigaw ng asong ligaw at mga lobo ang pumupuno sa pagsinag ng bilog na buwan sa kapatagan ng Homeres. Ang mga sulo ay sinindihan na habang nakaantabay ang bawat hukbo ng magkabilang panig. Ang Elustre ay nabihag na ng tuluyan ng Timog Corinthia. At nag natitirang pag-asa nalamang ng mga Thesalian ay ang kanilang natitirang hukbo sa kapatagan ng Homeres at ang mga nakakalat na hukbo sa paligid ng palasyo.

     Hinihintay ni Persius at Brandon ang hudyat ng Heneral na nakatalaga sa hukbong haharap sa kanila sa kapatagan. Pigil ang kanilang paghinga at walang kahit sino ang gumagawa ng ingay maliban sa atungal ng mga kabayo at pagkiskis ng mga kalasag at espadang hawak ng mga sundalo.

     Isang pagsabog ang biglang gumulantang sa panig nina Persius at ganoon nalang ang kanilang pagkagulat nang sunod sunod na sumabog ang lupang kanilang kinatatayuan. Marami ang nasugatan at marahil ay may mga namatay sa sunod sunod na pagsabog na iyon at doon na nagsimulang sumugod ang hukbo ng Thesalus na hindi nila agad napaghandaan.

     Ang pagkagulo ng kanilang hukbo ay sinamantala ng mga ito kaya wala silang nagawa kundi ang magpatuloy sa nasimulang plano. Agad niyang tinawag ang isa sa mga kapitan at pinapunta niya ito sa mga reserbang hukbo na nasa kagubatan ng Daffodil at sinunod naman siya nito.

    Naging mabilis ang mga pangyayari at ang mga kiskisan ng espada at pagsigaw ng labis na sakit at pagkabali ng mga buto at pagkalagot ng mga hininga ang namayani sa buong kapatagan na pinaglalaban ng magkabilang panig.

     Bumaba sa kanyang kabayo si Persius at ganoon din ang ginawa ni Brandon. Sabay nilang sinugod ang mga sundalo ng Thesalus na nagtatangkang umatake sa kanila. Damba ng espada at pagharang ng kalasag ang paulit-ulit nilang ginagawa. Mga sigaw ng pagkabigo at hiyaw ng pagpupursige ang namutawi sa kanilang mga labi. Nasugatan si Brandon sa kanyang braso nang madamba siya ng espada ng isang sundalo ngunit patuloy siya sa kanyang pakikipaglaban. Bawat wasiwas niya ng kanyang espada ay isang buhay ang nagwawakas. Marahil ay naramdaman na niya ang pagod kaya naramdaman narin niya ang pagsakit ng sugat na kanyang natamo.

The King's Lover (Historic BL)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora