Tungkulin

4K 184 6
                                    


    "Bilang hinirang na punong kawal ng mahal na prinsipe ay iyong tungkulin na manguna sa lahat ng mga kawal na nakatalaga para sa kanya. Higit pa doon, ikaw ay magiging katuwang ng Kapitan Draco at ni Ginoong Martell saan man magtungo ang prinsipe. Ang kaligtasan niya ay nasa kamay ko at kapalit noon ang buhay mo. Nauunawaan mo ba ang nais kong ipahiwatig, Persius?" pagpapaliwanag ni Ginoong Dyrus kay Persius sa kanyang tungkulin bilang hinirang na punong kawal ng prinsipe.

    Hanggang ngayon ay nandoon parin ang kanyang pagkabahala. Hindi niya inaakala na sinadya talaga ng tadhanang pagtagpuin silang muli ng prinsipe at makaharap pa niya ito sa isang tunggalian. Ngunit ito naman ang nais niyang maganap. Ang makitang muli ang prinsipe at muli itong kausapin. Ngunit hindi niya lang lubos na maisip na sa ganitong pagkakataon sila muling magkakaharap.

    At isa pa, binigyan siya kaagad nito ng isang mataas na posisyon sa hanay ng hukbong sandatahan ng palasyo. Isang posisyong nanaisin ng kahit na sinumang mas nauna sa kanya.

    Ibinigay ni Ginoong Dyrus kay Persius ang kanyang uniporme bilang punong kawal at binigyan siya ng isang piras ng kahoy na napapalamutian ng ginto at perlas at sa gitna nito ay ang sagisag ng Thesalus.

    "Ito ay iyong patunay na ikaw ang punong kawal ng mahal n prinsipe. Ito ang iyong dadalhin sa bawat pagulat mo dito sa tanggapan at kung nais mong lumabas ng palasyo para sa araw ng iyong pamamahinga. At tandaan mo, Persius. Ang prinsipe ay isang napakahalagang tao ng ating kaharian. Siya ang susunod nating hari. At anumang ikakapahamak niya ay iyong pananagutan."

    Tumango ang binata sa harapan ng ginoo at sumagot siya ng buong puso.

    "Nauunawaan ko po ang aking tungkulin sa kanyang kamahalan, Ginoong Dyrus. Buong puso ko pong isasaalang-alang ang kanyang kapakanan."

    "Kung gayon ay naghihintay na sa iyo sa labas si Ginoong Martell, siya ang punong tagapaglingkod ng prinsipe. Siya ang maghahatid sa'yo sa kinaroroonan ng mahal na prinsipe." saad pa ng ginoo at agad naman siyang lumisan sa tanggapan dala ang kanyang uniporme at ang kanyang pananda.

    Tila ba hindi parin siya makapaniwalang nangyayari ang lahat ng ito sa kanya. Mahal niya ang kanyang pamilya at gagawin niya ang lahat para sa kanila. At ngayong nandito na siya sa loob ng palasyo at maninilbihan siya sa prinsipe, tiyak na ang magandang kinabukasan nila.

   Ngunit hindi niya nasisiguro ang kalagayan niya. Kung ano ang sasapitin niya sa kamay ng prinsipe. Ang prinsipeng lihim niya naring tinatangi.

    Nakatayo ang matandang tagapaglingkod sa labas ng tanggapan kasama ang ilang tagapagsilbi ng prinsipe. Hinihintay niya ang bagong punong kawal at marami siyang katanungan sa binatang iyon. Bakit ganun nalang kabilis na nakuha nito ang loob ng prinsipe? Ano ang mayroon dito at ganoon nalang kasidhi at kainteresado ang binatang prinsipe na makita ito at makaharap.

    Namasdan niya ang paglabas nito mula sa tanggapan at agad siyang naglakad patungo sa linalakaran nitong lilim at sinalubong siya nitong nakatungo ang ulo tanda ng paggalang sa kanya.

     "Sumunod ka sakin.. Naghihintay na sa atin ang mahal na prinsipe." saad ni Ginoong Martell sa binata at sinundan naman ni Persius ang matandang nauna nang maglakad sa kanya.

    Tinahak nila ang napakalawak na hardin at patungo sa isang bahagi ng palasyo na hindi parin niya mapaniwalang natatanaw niya ngayon. Ang napakatayog na mga tore. Ang magagarang palamuti sa mga bintana nito. Ang napakagandang arkitektura nito na natatangi sa lahat. Ganoon siya namangha sa kalakiha ng palasyo. At tiyak na ang libutin ang kabuuan nito sa buong araw ay hindi sasapat.

    Tinahak nila ang isang daan na may lihim na tarangkahang nababalot ng mga baging at halamang mababango ang halimuyak na ilinalabas. At pumasok sila sa tarangkahang iyon. Nasa gitna ng malawak na patag ang isang gazebo at hindi kalayuan dito ay ang isang maliit na lawa na may mga gansang malayang lumalangoy. Naglakad lang sila hanggang marating nila ang kinaroroonan ng binatang prinsipe na nakaupo lamang sa metal na bangko. Tinatanaw nito ang mga gansang nagsisilangoy sa lawa.

The King's Lover (Historic BL)Where stories live. Discover now