Ang Karapatdapat

2.1K 128 3
                                    

      Ang mga abo at usok na nakahalo sa nagliliyab parin na kapatagan ng Homeres ay hindi inalintana ni Persius. Ang mga paso sa kanyang katawan at mga mumunting sugat na dulot ng matinding labanan na nangyari sa pagitan ng pwersa nila at ng mg Thesalian ay hindi niya ininda. Ang puso at isipan niya ay parang pinipiga parin dahil sa pagdurusang nadarama niya sa mga oras na iyon. Kahit saan siya lumingon sa malawak na kapatagan ay wala siyang makikitang senyales ng buhay.

    Ang kanyang pagluha ay hindi mapatid dahil nabuo na sa kanyang isipan na wala na ang kanyang minamahal. Tuluyan na siyang iniwanan nito. Ang kanyang mga pangarap ay bigla nalamang naglaho dahil sa isang digmaang hindi na dapat pa nangyari. Ngunit dahil sa kasakiman ni Tristan ay tuluyan nang nawala sa kanya ang kanyang minamahal. Ang galit niya ay naguumapaw na naging dahilan upang mabilis niyang bagtasin ang daan patungo sa kagubatan na kinaroroonan ng palasyo. Pawang ingay lamang ng mga hayop na nagpupulasan ang kanyang naririnig at bungad palang ng kagubatan ay aninag na niya ang nakakasulasok na usok na nagmumula sa palasyo.

    Ang mga sigaw ng tao ay dinig na dinig niya kaya tinakbo niya ang daan patungo sa tarangkahan ng palasyo at pagkahindik ang kanyang naabutan dahil tila ba naging isang dagat na ng mga bangkay ang bukana ng palasyo. Hindi niya inaakala na ganito ang kinahinatnan ng digmaang sinimulan ni Tristan. At ang mga sundalo at kawal na naroon sa palasyo ay mas lalong nagpawala ng kanyang pag-asang may buhay pa rito. Ang berdeng usok na nakakasulasok ang amoy ay isang lason na kapag nalanghap ng matagal ay maghahatid ng kamatayan kaya linisan niya ng mabilisan ang palasyo at alam niyang si Tristan ay kasama na sa mga napaslang ng lason dahil sa kabaliwan nito.

    Ngunit kahit alam niyang nalagutan na ng hininga si Tristan ay hindi parin maibsan ang kanyang galit na nararamdaman. Alam niyang ang lahat ng ito ay dahil sa kanya. Kung hindi niya lang hinangad ang lahat ng ito, sana ay buhay pa si Brandon at hindi humantong sa ganito ang lahat.

     Nakita niya ang isang lupon ng mga sundalong nakasakay ng kanilang kabayo at mabilis itong tumatakbo patungo sa kanyang direksyon. Agad niyang nakita ang wangis ng nangunguna sa grupo at si Cali iyon na mabilis na pinahinto ang kanyang mga kasamahan at bumaba sa sinasakyang kabayo.

    "Heneral! Heneral! Labis akong nag-alala sa inyo. Ang buong akala ko ay nasama na kayo sa mga nasawi sa kapatagan.. Hindi ko inaasahan na mangyayari ang lahat ng ito." nag-aalalang salubong ni Cali kay Persius na hindi naman agad nakasagot.

     "Huwag kang mag-alala Heneral.. Nasa maayos na kalagayan ang mga mamamayan sa kapatagan. Naiutos ko na sa kanila na lumisan sa lugar bago paman ang digmaan.. Ngunit hindi na tayo dapat magtagal dito. Masiyadong malakas ang epekto ng lason na ginawa ni Haring Tristan at maaring magtagal ito ng ilang araw bago humupa. Hindi na tayo ligtas dito." dugtong pa ng binatang heneral at nakatitig lang sa kanya si Persius.

     "Wala--- Wala na si Brandon.." saad ni Persius na kinalukot ng noo ni Cali. Hindi niya maunawaan ang dating punong heneral.

     "Hindi ko manlang siya nagawang protektahan. Pinangako ko sa kanya na proprotektahan ko siya ngunit hindi ko nagawa iyon.. Kasalanan ko ang lahat ng ito.. Kasalanan ko!" hindi na napigilan ni Persius na lumuhang muli at napaluhod siya sa lupa. Hindi niya alam kung paano pa magpapatuloy sa buhay ngayong nawala na sa kanya ang taong pinakamamahal niya.

    "Wala ng halaga kung nanalo tayo sa digmaan.. Dahil wala na ang karapatdapat na mamuno sa ating lahat." giit pa niya na siyang kinaluhod din ni Cali at pinilit siyang pinabangon mula sa pagkakaluhod.

     "Mukhang wala ka talagang katiwatiwala sa iyong kasintahan.. Heneral?" saad ni Cali na kinalukot naman ng noo ni Persius. Napuno ng katanungan ang kanyang isipan sa sinambit ng kanyang kaibigan.

The King's Lover (Historic BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon