Paglipas ng Panahon

2.4K 128 2
                                    

    Taong 1360  (Ikatlong Taon ni Tristan bilang Hari)

    Tumama sa Thesalus ang isang epidemya na kinamatay ng halos kalahati ng populasyon nito. Ang karamihan ay nilisan ang kaharian at nagtungo sa Sineclos at Dardo upang pahupain ang epidemya. Maging ang mga maharlika ay iniwanan muna pansamantala ang Thesalus upang maiwasan na mahawa sa epidemya.

     Si Haring Tristan ay hindi parin mapatid ang pagkagalit at pagkasuklam sa mga nangyayari ngayon sa kanyang kaharian. Ang pinangarap niyang kaharian ay wala din naman palang halaga sa kanya dahil tuluyan nang naglaho ang pag-asa niyang makikita pa niyang muli si Persius. Lahat ng sulok ng Thesalus maging sa karatig na mga kaharian ay pinahanap niya ito ngunit wala siyang magandang balitang nakuha kung nasaan ang dating punong heneral.

    Ang kanyang ginawang kahangalan ay hindi kayang makalimutan ni Haring Tristan. Ipinagpalit nito ang lahat para lamang sa wala. At ngayon ay iniisip niya parin kung saan ito posibleng naroon. Dahil wala siyang makitang dahilan upang magtago pa ito ng ganito katagal kung wala itong binabalak na magbalik sa Thesalus.

     At isa pang suliranin niya ay ang kanyang pinsan na ngayon ay nakabuo na ng isang malaking hukbo sa bayan ng Sineclos. Hindi niya inaasahan na mangyayari ang lahat ng ito sa loob ng ganito kaikiling panahon. Naisin man niyang ipadakip ang kanyang pinsan ngunit hindi na saklaw ng kapangyarihan niya ang Sineclos dahil isa itong idependenteng bayan na may sariling namumuno. At kapanalig na ng kanyang pinsan ang namumuno dito. Isang maling hakbang niya lamang ay sisiklab ang isang kaguluhan na hindi niya kayang harapin ngayon dahil sa napakaraming suliraning nakapalibot sa kanyang kaharian.

     Nagtungo ang hari sa tanggapan ng sandatahang lakas upang kausapin ang punong heneral na si Elio. Naabutan niya itong kausap ang Maestro Rowall at hindi niya maiwasang hindi magduda sa ginagawa ng dalawa.

     "Ka-Kamahalan? Naparito kayo sa aking tanggapan? Ano po ang aking maipaglilingkod sa inyo?" tila nakakita ng multo si Heneral Elio sa pagdating ng hari sa kanyang tanggapan.

     "Mayroon ba akong hindi nalalaman? Bakit narito si Maestro Rowall sa iyong tanggapan? May mahalaga bang usapin at nandito kayong dalawa at palihim na nag-uusap?" tanong ng hari sa dalawang taong pinagkakatiwalaan niya.

     "Hindi mahalaga ang aming napag-usapan kamahalan. Tungkol lamang ito sa pagsugpo natin sa patuloy na pagkakasakit ng mga sundalo dahil sa epidemyang tumama sa ating kaharian. Hindi natin kakayanin ang pagsugod ng mga kalaban natin kung mahina ang ating pwersa. Lalo na ngayon at bumabalik na ang dating lakas ng Corinthia na mahigpit nating kalaban." giit pa ni Maestro Rowall na hindi naman agad tinanggap ng hari. Alam niyang may linilihim ang matanda.

    "May balita na ba kung nasaan ang dating punong heneral? May nagtungo naba rito na mga tauhang aking pinadala upang hanapin ang kanyang kinaroroonan?" tanong ng hari sa punong heneral at marahan lamang itong umiling bilang kasagutan.

    Hindi naman napigilan ng hari na magpuyos sa galit. Hanggang ngayon ay wala parin siyang alam kung nasaan ito. Tatlong taon na niyang hinahanap ang dating heneral ngunit kahit na anino nito ay hindi mahagilap. Nabubuo na ang agam-agam niya na baka si Brandon ang nagtatago kay Persius.

     Matagal na siyang nagtitimpi at panahon na upang komprontahin niya ang napatalsik na hari ng Thesalus. Wala siyang pakialam kung may malalabag siyang batas ngunit kailangan niya itong makaharap. Dahil alam niyang malaki parin ang galit niya rito dahil ito parin ang pinili ni Persius sa bandang huli. At siya ay naiwang mag-isa sa kahariang pinangarap niya para sa kanilang dalawa ng dating heneral.

    -------------------------

       Mabilis ang pagtakbong ginagawa ni Persius habang namatyagan niya ang isang malaking usa na kanina pa niya sinusundan. Ang maiingat na hakbang niya ang naging tulay upang masapul niya ang ulo nito ng kanyang palasong pinakawalan mula sa pana. Hindi naman napigilan ni Persius na mapangiti dahil sa wakas ay nahuli din niya ang usa na sasapat nang pagkain para sa ilang pamilya na nakakasalamuha niya sa maliit na lugar na iyon sa Sineclos.

The King's Lover (Historic BL)Where stories live. Discover now