Napipintong Digmaan

2.7K 115 13
                                    


      Ang alinsangan ng panahon ay lubhang nagpapahirap sa mga sundalong nakalinya sa lugar ng pagsasanay ng palasyo. Lahat sila ay nakahanda na sa isang mahalagang bagay na iaanunsyo sa kanila ng punong heneral. Bagama't karamihan ay alam na kung ano talaga ang nais sabihin ng kanilang pinuno ngunit ang iba ay wala paring nalalaman sa mga nangyayari.

    Nang dumating ang punong heneral ay agad siyang tumuntong sa maliit na tanghalan na nasa gitna ng lugar ng pagsasanay. Hindi kumikilos ang mga sundalo at mataman lamang na naghihintay sa sasabihin ng punong heneral.

      "Pinangako natin sa ating hari na ipagtatanggol natin ang kaharian sa anumang panganib.. Hindi natin siya maaring biguin. Ang digmaan na paparating sa Thesalus ay isang laban na dapat nating mapagtagumpayan. Nakasalalay sa atin ang katiwasayan at kapayapaan ng ating kaharian. Kaya nais kong ibigay ninyo ang lahat ng inyong makakaya upang ipagtanggol ang ating hari at ang buong Thesalus."

    Naguluhan ang mga sundalo sa hinayag ng punong heneral.. Isang digmaan? Ngunit paano sila lalaban kung hindi man lamang sila nakapaghanda? Isang kalokohan ang linalahad ng kanilang pinuno.

    "Ngunit punong heneral? Anong digmaan ang inyong tinutukoy? Kung mayroon mang digmaan na paparating sa ating kaharian, kapos ang ating pwersa at paghahanda upang mapagtagumpayan ito? Isang napakalaking sugal ang inyong inaatas sa aming balikat!" suway ng isang kapitan na hindi nagustuhan ang nilahad ng punong heneral.

    Agad namang nilapitan ni Heneral Elio ang kapitan na tumalima sa nais niyang mangyari. Pinagmasdan niya ito ng maiigi at saka siya muling nagsalita.

    "Kapos ang ating pwersa.. Ngunit kumpara sa ating bilang ay kakaunti lamang ang ating makakalaban. Makakaya natin silang talunin sa isang pasugod na pagsalakay. Hindi tayo kakabig sa ating lakas. Ipapakita natin sa kanila kung gaano kalakas ang mga mandirigma ng Thesalus." mariing saad ng punong heneral ngunit hindi parin ito makuhang maintindihan ng karamihan.

     "Sa kabilugan ng buwan inaasahang aatake ang mga kalaban sa bukana ng Kapatagang Homeres. Kailangang naroon na tayo upang magbantay sa kanilang pagsalakay. Ang ilan ay mananatili dito sa palasyo upang bantayan ang mga mamamayan at ang mga maharlika maging ang hari." lahad pa ng punong heneral. Hindi na nagawa pang magsalita ng kapitan dahil sa puntong iyon, alam niyang ang punong heneral parin ang masusunod sa lahat.

  Matapos ang pagaanunsyo ay agad na nagtungo ang punong heneral sa tahanan ni Maestro Rowall. Ang matandang pasimuno ng napipintong digmaan. Ang kanyang maiitim na balak ay unti unti nang nagkakaroon ng katuparan. Ang pagkabalisa ng hari sa pagkakatuklas nito na magkasama nang muli si Persius at ang dating hari ay lubos niyang kinatuwa.

    "Ang pag-ibig nga naman.. Kapag ito ay lumason na sa iyong isipan, gagawin mo ang lahat masunod lamang ito. Maging ang pumaslang ay magagawa mo para lamang sa pag-ibig na iyong ninanais, hindi ba Heneral Elio?" usal ng matanda habang kaharap niya sa kanyang silid ang punong heneral.

    Hindi naman nakaimik ang heneral sapagkat nasa isipan niya ay sumusunod lamang siya sa ninanais ng matandang maestro. Hindi niya nais na humantong sa isang digmaan ang lahat ngunit ang hari mismo ay nakahanda na sa paglusob nito sa Sineclos. Ngunit pinigilan siya ng Maestro dahil isang maling hakbang ang gagawin nito. Nais ng maestro na ang hukbo mismo ng Sineclos ang lumusob sa Thesalus upang masiguro nila ang kanilang tagumpay.

    "Ang hari ay isang marupok na kaluluwa. Hindi niya ginagamit ang kanyang utak. Mas pinahahalagahan niya ang nilalaman ng kanyang puso at dahil doon ay naging isang katatawanan ang ating kaharian. Hindi ako dapat nagtiwala sa kanya. Dapat noon palamang, ako na ang nagkusang patalsikin si Brandon sa kanyang trono nang sa gayon ay ako na ang hinirang na hari ng Thesalus!"

The King's Lover (Historic BL)Where stories live. Discover now