Muling Pagtatagpo

2.4K 141 5
                                    


     Nasa loob ng tanggapan ng gobernador si Brandon dalawang araw ang nakalipas matapos ang kanilang mainit na pagtatagpong muli ng kanyang pinsan. Ang hari ng Thesalus ay tila ba nawawala na sa kanyang katinuan kaya magandang pagkakataon iyon upang imungkahi sa gobernador ng Sineclos ang kanilang planong bawiing muli ang Thesalus at maging magkasanggang dikit mula ang kaharian at ang independenteng bayan ng Sineclos.

    May katandaan na ang gobernador ngunit kakikitaan parin ito ng kakisigan. Mabuting kaibigan ng kanyang ama't ina ang gobernador kaya malapit narin siya dito.

     "Gobernador Arcos.. Tama nga ang hinala kong nawawala na sa kanyang katinuan ang hari. Mukhang patuloy parin siyang naghihirap sa sunod sunod na dagok na dumating sa Thesalus. Hindi na nakakaya ng kanyang isipan kung ano ang uunahin niya." mahinahong saad ni Brandon habang nakaupo sa silya kaharap ng gobernador na matamang binabasa ang mga papel na naglalaman ng mga ordinansang kanyang lalagdaan upang maipasunod sa buong bayan.

     "Brandon.. Nakahanda ka na bang talaga na bawiin sa kanya ang kaharian? Hindi ko gustong pangunahan ka ngunit hindi maganda ang sitwasyon ng Thesalus ngayon. Makuha mo man ito, walang salapi at pondo ang kaharian upang magpatuloy sa pamamahala. Hindi iyon ang nais kong datnan mo sa pagbabalik mo sa Thesalus." saad naman ng gobernador bago harapin at kausapin ng masinsinan ang dating hari ng Thesalus.

     "Tatlong taon narin akong naghihintay na makabalik sa aking kaharian. At alam kong ganun ang sitwasyon ng kaharian ngayon, ngunit hindi ko maaring ipagwalang bahala nalang ang mga nangyayari. Patuloy na masisira ang lahat ng pinaghirapan ng aking mga ninuno kung hindi ko mapapaalis si Tristan sa tronong nararapat para sakin."

     Napatango ang gobernador at muling tiningnan ng maiigi ang lalaking kaharap niya. Hindi niya inaakalang ganito kalaki ang pinagbago nito mula nang sila ay magtagpo tatlong taon na ang nakakaraan.

     "Kung nakikita lang ng ama mo ngayon kung gaano ka nagbago, tiyak na masisiyahan siya dahil nakikita ko na sa iyo ang dugo ng mga Thesalian.. Ang matatapang at magigiting na mga mandirigma ay nananalaytay na sa'yo ngayon. Ano man ang iyong magiging desisyon ay nakahanda akong tulungan ka. Alam mong ang hukbo ng Sineclos ay nasa likuran mo lamang."

     Hindi napigilang mapangiti ni Brandon sa sinaad ng gobernador. Ngayon ay panatag na siya ba magagawa na niyang mabawing muli ang trono niya. Ang kaharian niya at mapapagbayad na niya lahat ng may kasalanan sa kanya. Lalo na si Tristan. Ipapadama niya rito ang paghihirap na pinagdaanan niya noong walang wala siya. Noong magmakaawa nalamang siya sa kapirasong pagkaing ibibigay sa kanya marating lang ang bayan ng Sineclos mula sa Dario.

    Agad na linisan ni Brandon ang tanggapan ng gobernador at naglakbay na pabalik sa kanyang tahanan.

    --------------------------
 
    "Kapag ikaw ay napapaligiran ng mga kalaban.. Pakiramdaman mo kung sino ang unang gagalaw at sundan mo agad ito. Ihampas mo sa mas malapit sa iyo ang espada at mabilis mong itarak ito sa madaling tamaang bahagi ng kanilang katawan, ang hita, braso at tagiliran. Maliksi dapat ang kilos mo. Hindi magdadalawang isip ang kalaban na salakayin ka kapag nakita nila ang pagkakataon." pagpapaliwanag ni Persius sa kanyang mga estudyante sa tamang pakikipaglaban. Lahat ng estudyante niya ang nawiwili dahil pinapakita niya ang tamang mga kilos kapag nasa gitna ng labanan.

    Sa di kalayuan ay may nakamasid sa kanyang isang tao na matagal naring nahihimigan ang kanyang pagtuturo dito sa munting komunidad sa silangan ng Sineclos. Siya ay tagapaglingkod sa tahanan ni Brandon at ngayong napatunayan na niya ang lahat ng kanyang hinala ay mabilis niyang nilisan ang lugar at agad na umalis pabalik na sa tahanan ng kanyang pinagsisilbihan. Siguro niyang matutuwa ang dating hari sa kanyang ibabalita.

The King's Lover (Historic BL)Where stories live. Discover now