Biyahe Papunta sa Killing Arena

237 7 0
                                    


NAKASAKAY na kami sa isang owner type jeepney.

Magkatabi si Romeo at ang babaeng partner ko na "Edgarda" ang pangalan. Nasa harap naman ako ni Romeo at titig na titig siya sa 'kin. Bakit gano'n? May warmth na dumadaloy sa katawan ko dahil sa pagtitig niya? Kakainis kasing mga mata 'yan, ang gaganda.

"Crush mo ba 'ko?" sabi ko sa kanya, para tigilan na niya ang pagtitig.

"Mapapahamak ka lang," sabi niya. Di ko na-achieve ang goal, titig na titig pa rin ang pogi. "Umatras ka na ngayon."

Asar. Bakit ba lagi akong nasasabihan na umatras? Paano naman ang ipinaglalaban ko?

"Paano ang hustisya?" sabi ko. "Vengeance is ano... is... is basta 'yong sinabi nila kanina!"

"Fernie, kahit hindi mo man mapatay ang criminal na tinutugis mo, papatayin pa din namin siya. Papatayin pa rin siya ng Black Inviters, umatras ka man sa larong ito."

Totoo iyon. Ayon sa explanation kanina, isang linggo lang ang ibibigay sa 'ming panahon para tugisin ang kriminal na may masamang ginawa sa 'min. Kapag hindi namin nagawa iyon, palalabasin kami ng Judging Area at ang Black Inviters na lang ang papatay sa mga buhay pang kriminal. Sinabi sa min na 'wag yong sabihin sa mga kriminal. Dahil hindi raw alam ng mga ito na papatayin ang mga ito sa huli.

"Pero 'pag hindi ko napatay ang kriminal na tinutugis ko, hindi ako magiging member ng Black Inviters!" sabi ko.

Iyon ang consequence kapag hindi napatay ng Judge ang kriminal na tinutugis niya. Hindi magiging valid ang membership niya at posibleng gamit ang makabagong teknolohiya na hindi ko alam kung paano nagkaroon ang Black Inviters ay burahin ang memorya ng sumali.

"Hindi mo naman kailangan maging member, eh!" sabi ni Romeo.

"Gusto kong maging member! Para kong Sailormoon!" Itinaas ko pa ang kamay ko. Malay ko ba, di ba justice naman ang pinaglalaban sa Sailormoon? Pero sinabi ko lang 'yon para mang-asar, siyempre.

"Hindi 'to simpleng laro, Fernie," pagalit na sabi ni Romeo. Sa totoo lang, 'pag nagagalit siya, hindi nakakatakot. Medyo cute. Nagsasalubong ang kilay, may iritasyon sa mata, parang... parang batang naagawan ng candy.

Parang gusto kong pisilin ang pisngi niya.

"Marunong ka bang makipaglaban? Hind ka puwedeng sumali sa Judging at maging miyembro ng Black Inviters kung mahina ka."

"Grabe ka naman," sabi ko. "Kung makapagsalita ka naman. Ikaw nga, pandak, naging member, eh."

Hindi naman pandak si Romeo. Hindi lang siya ano... matangkad. Tama lang.

Pandak lang ang asar sa kanya no'ng high school kami. Oo, kaklase ko siya no'ng high school. Long time kapitbahay. Kaya nabigla ako nang makita ko siya rito.

"Fernie..." parang napapagod na sabi niya.

"Romeo..." panggagaya ko sa tono niya.

"You know, I really feel left out here," sabi ni Edgarda. Kung di ba naman epal, akala mahalaga siya.

Huminto na ang sinasakyan naming owner type jeep. Tumanaw ako sa labas. Isang malaking itim na marmol na arko ng isang unibersidad ang nakita ko. Bigla, binalot na naman ng lamig ang buong katawan ko.

"Nandito na tayo," sabi ng driver namin.

Bumuntong-hininga si Romeo. Tumitig muli sa 'kin. "Nandito na tayo," ulit niya sa sinabi ng driver. And the words seemed to taste bitter and poisonous in his mouth.

Dark Justice Series: PerversionWhere stories live. Discover now