Prologue

158 6 9
                                    




PROLOGUE




Habol ang sariling hininga ay nilingon ko ang mga lalaking humahabol sa akin. Malapit na sila. Napakabilis nila akong nahabol dahil na rin sa mga sugat ko na naging sanhi ng mabagal kong pagtakbo. Sinamantala nila ang sitwasyon. Alam nilang hindi ako kaagad na makakalayo.

"'Yon!" Narinig kong sigaw ng isa sa kanila. "Bilis!"

Natataranta akong kumilos. Sa kabila ng panghihina ay tinuyo ko ang mga luha sa aking pisngi at sinikap na humakbang. Hindi ako dapat umiyak na lamang dito. Hindi nila ako dapat makuha.

Alam kong hindi ko na kayang tapusin pa ang laro. Talo na ako. Wala nang paraan para maipanalo ko pa ito.

Mali pala ako. Hindi ito dapat nangyari. Hindi ako dapat pumasok sa mundong ito. Hindi ko dapat hinayaan na lamunin ng galit ang aking puso.

Wala nang natira sa akin. Lahat sila ay wala na. Tinalo sila ng larong ito, at ngayon ay nalalapit na rin ang pagkatalo ko. At isang bagay na hindi ko hahayaang mangyari nang ganoon na lamang. Hindi ko ibibigay sa kanila ang buhay ko nang hindi lumalaban sa huling sandali.

Sa kabila ng panghihina'y nagawa kong tumakbo. Sa gitna ng kadiliman ng paligid ay nagawa kong baybayin ang kalsadang basa ng ulan. Sa kabila ng mga sugat at pasa sa katawan ay nanaig ang kagustuhan kong makatakas.

Nakarating ako sa isang makitid na tulay pagkatapos ng kakaba-kabang pagtakbo at pag-takas sa kamatayan. Nakatanaw ako ng pag-asa. Ito ang huling tsansa ko para makaligtas. Maliit na tsansang handa kong sunggaban.

Umakyat ako sa railings. Madilim ang tubig sa ilog dahil sa panggabing ulap na tuma-tabon sa bilog na buwan. Makakatulong ito kung tatalon ako. Maitatago ako ng maitim na tubig.

Muli kong nilingon ang mga humahabol sa akin. Papalapit na sila at nakatutok sa akin ang kanilang mga baril. Wala talaga silang balak na tigilan ang pagtugis sa akin. Hindi sila titigil hanggat hindi ako nahuhuli, patay man o buhay.

Humanda ako sa pagtalon, pero hindi pa man ako tuluyang nakakatalon ay nakarinig ako ng putok ng baril kasunod ang matinding kirot sa balikat ko. Nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto kong tumama sa akin ang bala.

Nanikip ng aking dibdib. Parang tumigil sa pagtibok ang puso ko.

Isa pang bala ang tumama sa gilid ko at itnulak ako noon pababa sa ilog.

Pumailanlang ang sunod-sunod na putok ng baril. Hindi ko alam kung may tumama ulit sa akin. Ang alam ko lamang ay sobra na akong nanghihina.

Nang bumagsak sa tubig ang katawan ko ay hindi ko rin nagawang kumilos para lumangoy pataas para kahit paano'y sumagap ng hangin. Tuloy-tuloy lamang akong lumubog.

Alam kong kailangan kong umalis sa lugar na ito, pero kahit ano'ng pilit ko'y hindi ko maigalaw man lang ang mga kamay ko. Lalong nagsikip ang dibdib ko sa kawalan ng hangin.

Dito na ba talaga matatapos ang lahat? Mamamatay na ba ako?

Naalala kong nagsimula ang lahat ng ito nang pumasok ako sa laro ng kamatayan. Nag-simula ang lahat ng ito nang pumasok ako sa eskwelahang iyon...

Rapsodhee High...




.............................................................




Jazzie S. Bayla

The Art of the Game (GHS 1) CompletedWhere stories live. Discover now