Chapter 17

40 5 3
                                    




Chapter 17



Nakatakda ang laban sa pagitan ng Rapsodhee High at Kingsville Academy pagkatapos ng apat na araw. Mas maaga kaysa sa inasahan ko. Ayon kay Mr. de Torres ay ang Underground Council ang nagtakda ng petsa at aniya pa, ito ang pinakainaabangang laban ng lahat. Aniya pa'y mataas ang ekspektasyon ng lahat dito. Nasisiguro kong ang sindikato ang tinutukoy niya.

"Gawin ninyo ang lahat ng makakaya ninyo hindi para maibigay ang kasiyahan sa Underground Council kundi para iligtas ang inyong mga sarili," aniya nang minsan siyang magtungo sa gym para bigyan kami ng suporta.

Lihim akong sumang-ayon sinabi niya. Hindi mahalaga ang reaksyon ng Underground Council at ng sindikatong manonood sa amin. Para sa akin ay mas importante ang aking buhay. Kung ako man ang mapili para lumaban sa hawla, sisiguraduhin kong ako ang magwawagi.

"Hi, Temple," boses ni Naami narinig ko habang naglalakad ako sa hallway. Ilang araw na rin simula noong matalo ko siya sa sparring at hindi naman nagbago ang trato niya sa akin. Madalas pa rin siyang sumulpot mula sa kung saan para lang bumati o minsan ay naman ay para makipagkwentuhan sandali. Pagkatapos ay agad din siyang aalis.

Marahan ko siyang nilingon. Mabilis siyang tumatakbo habang umiwas sa mga naghaharutang mga estudyante. Pinanood ko ang kaniyang kilos hanggang sa makalapit siya sa isang teacher, ang babaeng Japanese na minsan ko nang nakitang nakikipagtalo kay Sahara.

Tila nagulat ang Japanese sa pagsulpot ni Naami sa kaniyang harapan. Ilang segundo siyang natulala bago masayang ngumiti. May kislap sa mga mata niyang napakasarap titigan.
Kung sana lang ay nakikita ko 'yon kay Sahara.

Ipiniksi ko ang aking ulo. Ano ba ang iniisip ko?

Napailing na ipinagpatuloy ko na lang ang paglalakad patungo sa hagdanan. Hinahanap na naman ng katawan ko ang katahimikan sa rooftop. Nang makarating ako roon ay kaagad akong naupo sa paborito kong pwesto. Inilapag ko ang aking bag sa gilid at pinagmasdan ang paligid.

Nagkalat ang mga estudyante sa harapan ng school. Mahaharot ang kilos ng mga lalaki. Napakaswerte nila. Wala silang kaalam-alam sa ilegal na ginagawa ng eskwelahang ito. Mapalad sila dahil hindi sila naging pyesa.

"Narito ka na ulit,"

Nilingon ko ang tagalinis nang maupo siya sa aking tabi. Kampante niyang inilawit ang mga binti niya sa pasimano at hindi alintanang maaari siyang mahulog. Sabagay, mukha naman kasing maingat siya sa mga kilos niya. Hindi ko nga naramdaman ang paglapit niya, 'di ba?

"May ibabalita ako sa 'yo. Nasakote na ang sindikatong kinabibilangan ni Kabron," sabi niya pagkatapos magsindi ng sigarilyo. "Hindi sila kagaya ng inasahan ko, sa totoo lang."

"Ano ba'ng inasahan mo?"

Pumalatak siya. "Akala ko ay malaking grupo sila. Mali pala ako. Pipitsugin lang ang sindikatong kinabibilangan niya na nangangarap sakupin ang Maynila."

"At muntik na niya akong mapatay,"

"Tinanong mo na ba ang sarili mo kung bakit nangyari 'yon?"

Hindi ako nagkomento. Hindi ko alam kung sino ang mga tao sa likod ng mga ginawa kong pagtutulak ng ilegal na droga. Matagal ko nang kilala si Kabron-halos walong taon na rin-pero ni minsan ay hindi ako nagkainteres na alamin kung kanino nanggaling ang mga shabu na hinawakan ko at kung sino ang utak ng iba pa naming ilegal na gawain. Hindi iyon ang importante sa akin. Ginawa ko lamang ang ano mang iutos ni Kabron. Nakisama ako sa dahil bukod sa pagiging drug pusher at user, hired killer din siya. Nasa linyang iyon ang taong hinahanap ko. Nagbaka-sakali akong baka sa pamamagitan ni Kabron ay makikita ko siya.

The Art of the Game (GHS 1) CompletedWhere stories live. Discover now