Chapter 12

41 3 2
                                    




Chapter 12



Bagama’t sinabi ni Creed na huwag akong mag-alala, ang kaba hindi nawala sa dibdib ko. Pinilit kong balewalain, pero nagsusumigaw sa utak ko pangalang Kabron. Naiimagine ko ang kanyang hitsura—nakangisi, hawak ang kalibre kwarenta y singko niyang baril na ano mang sandali ay lilikha ng putok.

Hindi ko pwedeng ibigay ang tiwala ko sa Player. Hindi ako pwedeng maging kampante na ililigtas niya ako kung sakaling matagpuan ni Kabron kung saan ako nagtatago. Hindi ko siya kilala samantalang si Kabron ay kilalang-kilala ko na. Isa siyang buhay na Kamatayan para sa mga baguhang kagaya ko.

Isa ito sa masasakit na mga katotohanan sa mundo ng ilegal na gawain. Oras na pumasok ka, ang tsansang makalabas ay imposible. Hindi magiging madali kahit gustuhin pang magbagong-buhay. Kadalasan pa ay hindi ka pwedeng magbagong-buhay. Hahabulin ka ng mundong pinasok mo saan ka man magtago.

Ilang araw matapos kong matanggap ang babalang iyon ay naging alerto ang aking pakiramdam, naging malikot ang mga mata, at naging mas maingat. Alam ko kung papaano kumilos si Kabron. Kaya niyang pasukin lahat ng lungga. Marami siyang mata. Paano kung isa pala sa mga estudyante o teacher na narito ay tauhan niya?

“We need to excuse Temple Strawford.”

Umangat ang mukha ko mula sa pagkakasubsob sa aking lamesa nang marinig kong binanggit ang aking pangalan. Sa pintuan kaagad ng classroom ako tumingin at doon ay nakita ko sina Brandon at Ken. Nakamata sila sa akin ganoon din ang aking mga kaklase.

“Miss Strawford, you can go now,” sabi ng teacher sa unahan ng klase na hindi ko alam ang pangalan.

Nagtataka man ay walang salita akong tumayo. Napansin ko ang kunot-noong mukha ni Draven na katabi ng aking kinauupuan, pero hindi ko na siya pinansin. Binitbit ko ang aking bag at humakbang patungo sa pinto.

Ano ang kailangan sa akin ng dalawang ito? Ang alam ko ay walang P.E. May mahalaga umanong bagay na inaayos si Miss Meira at ilang araw siyang mawawala.

“Sumama ka sa amin,” ani Ken.

Walang imik na sumunod na lang ako sa kanilang dalawa. Halos lahat ng estudyanteng nakakalat sa hallway ay napatingin sa amin at naunawaan ko naman kung bakit. Hindi friendly sina Brandon at Ken. Sa Student Council ay si Draven lang ang walang hiya sa katawan. Siya ang tila kandidatong maya’t maya ang kaway sa kahit sinong makita, teacher man o estudyante. Sina Brandon at Ken ay kapwa seryoso palagi, pure business kumbaga.

Walang maayos at mahigpit na Rules and Regulations na ipinatutupad ang Rapsodhee High maliban sa hindi pwedeng lumabas ng school ang kahit sinong estudyante. Dahil doon, bihirang makita ang Student Council na may pinaparusahan.
Nagtataka ang mga estudyanteng kung bakit kasama ko sina Brandon at Ken na sa totoo lang ay ngayon lamang nangyari. Magkakasama man kami sa P.E, pare-pareho naman kaming walang pakialam sa isa’t-isa kaya walang bond na namamagitan sa amin.

Na-realize ko na limang estudyante lang pala sa buong school ang nakausap ko simula nang dumating ako—sina Fashia, Heina, Naami, Creed, at Draven lang.

Mayamaya ay bumagal ang paghakbang nina Brandon at Ken. Sumabay sila sa paghakbang ko at pinaggitnaan ako. Lalo akong nag-taka sa kilos nila.

“Ano’ng nangyayari?” hindi napigilang tanong ko sa mahinang tinig.

“Nothing really serious, but I am telling you to go with the flow and don’t create any chaos,” seryosong sagot ni Brandon.

Nakakunot ang noong nilingon ko siya at mabilis na ngiti ang isinagot niya bago nagsalita. “Don’t worry. It’s not the end of the world… not yet.”

The Art of the Game (GHS 1) CompletedNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ