Chapter 1

124 7 6
                                    

CHAPTER 1


Rapsodhee High...

Nang tumunog ang school bell hudyat na tapos na ang oras ng klase ay nagkukumahog na kumilos ang mga kaklase ko. Lahat sila ay nagmamadaling tumakbo papalabas ng classroom na parang may hinahabol silang napakaimportanteng bagay.

Tahimik kong pinanood ang kilos nila habang nakaupo. Hinintay kong makalabas ang karamihan sa kanila. Nang makita kong iilan na lamang kaming natira ay saka ako marahang tumayo at bahagyang iniunat ang katawan kong namanhid dahil sa isang oras na pagkakaupo.

Halos isang minuto kong ikinondisyon ang katawan ko bago dinampot ang aking bag na hindi naman nabuksan man lang. Isinampay ko ang strap sa aking balikat habang humahakbang papalabas ng classroom.

Kagaya ng araw-araw na eksenang nakikita ko, maraming estudyanteng nagkalat sa hallway: kanya-kanya sila ng ingay, kanya-kanya ng pinagkakatuwaan. Karamihan ay magkakagrupo. May ilang nakaupo sa railings. Hindi alintanang nasa ikatlong palapag sila ng school building.

"Temple,"

Napalingon ako.

Si Fashia ang nakita kong kumakaway sa akin habang tumatakbo papalapit. Hawak niya ang braso ni Heina na napilitang sumabay sa kaniyang pagtakbo.

Hindi ako nagsalita habang hinihintay na tuluyan silang makalapit. Kaklase ko silang dalawa. Sila ang una kong naging kaibigan nang dumating ako sa eskwelahan.

Hindi ko gustong makipagkaibigan sa kahit na sino, pero sa hindi malamang dahilan, hindi ko rin mabalewala ang presensya nilang dalawa. Sa huli, natagpuan ko na lamang ang aking sarili na nakikipag-usap sa kanila. Iyon ang simula ng nakakairitang mga araw ko sa piling nila. Sa loob nga ng isang linggo, sila ang lagi kong kasama.

Kapwa sila humihingal nang tuluyang makalapit sa akin. Ilang sandali kong inisip kung saan ba sila nanggaling at hindi umattend ng unang klase, pero sa huli ay binalewala ko sila.

Tumalikod ako at nagpatuloy na lang sa paglalakad.

"Temple, sandali." Sumabay sa akin si Fashia. "I have something to tell you."

Bahagya ko siyang nilingon. Si Heina na humihingal pa ri'y bahagya lang na tumango sa akin saka ito kumawala mula sa pagkakahawak ni Fashia.

"Let's have a snack first," ani Fashia.

Sabi nila, birds of a same feather, flock together. Pero ngayon ay napatunayan kong mali iyon. Ayon kay Fashia, mag-best friend na sila ni Heina simula pa noong Grade 7. Limang taon na iyon at nagtataka ako kung paano silang nagkasundo gayong napakalayo ng ugali at style nila sa isa't isa.

Si Fashia Marquez, go with the flow lang. Mahilig siyang makisunod sa uso. Siya na rin ang nagsabing nagsusuot lamang siya ng salamin sa mata dahil uso iyon at hindi dahil sa may problema siya sa paningin o dahil itinatago niya ang bilugan niyang mga mata na ayon sa kanya ay ugliest part of her face. Sa style ng buhok ay nakasunod din siya sa uso. Maganda siya, inaamin ko. Maputi at makinis ang balat. Hugis puso ang mukha at mapula ang mga labi na lalo pang pinapula dahil sa liptint na lagi niyang ginagamit.

Si Heina Mendoza naman ay simpleng pormahan at ayos lang ang alam. Wala siyang pakialam sa kung ano ang trending fashion ngayon. Hindi naman siya conservative. Bukod sa school uniform, short shorts at loose shirt ang lagi niyang suot. Wala rin siyang hilig sa hairstyle. Simple lang na nakabraid ang buhok niya araw-araw. Sa make up, wala rin. Lip balm lang ang nakikita kong inilalagay niya sa manipis na mga labi niya, at baby powder sa pisngi niyang may bahagyang pekas. Hindi rin siya naglalagay ng eyeliner na kagaya ni Fashia.

Sa kanilang dalawa ay si Fashia ang maingay, madaldal, at puno ng sigla sa katawan. Samantalang si Heina ay tahimik at madalas ay nakamasid lang sa nangyayari sa paligid. Bihira siyang makipag-usap kahit sa amin ni Fashia. Interesting ang pagiging tahimik niya, sa totoo lang.

The Art of the Game (GHS 1) CompletedWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu