Chapter 6

39 5 2
                                    




CHAPTER 6


Nang pasukin ko ang magulo at madilim na mundo ng underground society, isa lamang ang dahilan ko, isa lang ang hangad ko—ang makita ang lalaking sumira sa buhay ko, ang lalaking nagnakaw ng mga pangarap ko. Siya lang ang dahilan kaya pinili kong gawin ang mga ilegal na gawain maraming taon na ang nakararaan. Bagaman at alam kong mali, pinili ko pa ring yakapin ang magulong buhay na ito.

Alam ko na ang lalaking iyon ay dito ko lang makikita. Kung kikilos kami sa parehong mundo, darating ang panahon na magkukrus ang mga landas namin. Pigilan n’ya man o hindi. Makakamit ko ang hustisyang hinahanap ko.

Ganoon pa man, sa mga taon na dumaan ay hindi ko nakita ni anino n’ya. Narinig ko ang kaniyang pangalan minsan sa bibig mismo ni Kabron. Nalaman ko ang reputasyon niya sa underground business: kung gaano siya kasama, kung gaano siya kadelikadong kalaban, at kung ano ang ginagawa niya sa kanyang mga biktima bago n’ya ito patayin.

Sampung taon akong nabuhay bilang batang kalye, bilang tulak ng droga, bilang tauhan ng mga tiwalang pulis at sindikato. Sa mura kong edad ay hinarap ko ang lahat nang walang takot para lamang makita ang lalaking iyon.

Simula nang napasok ako sa mundong ito ay nawalan ng katahimikan at kasiguruhan ang kaligtasan ng buhay ko. May pagkakataon na napaparanoid ako. Tuwina ay nararamdaman kong may kaaway sa aking likuran na naghihintay lamang ng pagkakataon para paslangin ako.

Sa tuwing nasa mga kamay ko ang mga droga o kargamentong dadalhin sa kung saan ay nagiging dobleng alerto ako. Sinisiguro kong loaded ang magazine ng baril na nakakubli sa aking bewang bago ako humakbang.

Laging ibinubulong ng isip ko na hindi ako dapat mapahamak.
Ang galit at paghihiganti na nakakulong sa pagkatao ko ang siya ring nagtulak at nagkulong sa akin sa maling landas. Landas na hindi ko iiwan hangga’t hindi ko naipaghihiganti ang pagkamatay niya. Hindi ako titigil hangga’t hindi nagmamantsa ang dugo ng lalaking iyon sa mga palad ko.

Hindi ako titigil.

Ngayon ay nasa panibagong mundo ako. Mundo kung saan may larong maglilihis sa akin sa landas na gusto kong lakaran. Larong maglalayo sa akin na makita ang lalaking iyon. Isang larong ayon kina Fashia ay hindi ko maaaring takasan. Kung gagawin ko iyon, matutulad ako sa dalawang babaeng estudyanteng pinatay.

Paano ko matatagpuan ang aking target kung nakakulong ako sa larong ito? Paano ko makakamtan ang hustisya para sa kaniya?

Pinagmasdan ko ang mga estudyante ng Mary Kane College. Tahimik lang silang lahat, walang reaksyon ang mga mukha. Pero sigurado akong lahat sila ay kinakabahan. Ganoon din ang mga estudyante ng Rapsodhee High. Hindi kayang itago ng matatag nilang mga hitsura ang kabang nadarama nila.

Nilingon ko ang kinatatayuan nina Jake at Edward, ang mga rooks ng Rapsodhee High. Nasa gilid nila sina Draven, Ken, at Brandon na sila namang mga bishops. Tahimik lang silang nakikipag-usap kay Miss Meira. Nasaan si Creed na siyang knight? At ang queen na alam kong pinakamalakas sa lahat sa laro ng chess, sino ang queen ng Rapsodhee High?

“This is it. He’s here,” bulong ni Fashia na pumaram sa pag-iisip ko.

Napaunat ako nang makita ko kung saan siya nakatingin. Isang lalaki ang nakita kong lumalabas mula sa elevator. Nasa likuran niya ang ilan pang lalaking armado ng matataas na kalibre ng baril. Kagalang-galang ang hitsura niya sa suot na puting terno ng tuxedo. May edad na siya at hindi kayang itago ng namumuti niyang buhok.

Diretso siyang humakbang papalapit sa bilog na ring. Isang babaeng hindi estudyante ang kaagad pumwesto sa tabi ng isang puting couch sa harapan ng ring at iginiya ang lalaking bagong dating. Tahimik kong pinanood ang kampante niyang pag-upo roon. Inilabas niya ang kaniyang pipa at sinindihan iyon. Nagsimula siyang bumuga ng usok habang pinagmamasdan ang paligid.

The Art of the Game (GHS 1) CompletedWhere stories live. Discover now