Chapter 4

48 4 4
                                    








CHAPTER 4




Maingay na kilos ng mga kaklase ko ang pumukaw sa natutulog kong diwa. Masakit sa tenga ang tunog na nagmumula sa paa ng mga upuan na umuusod sa sahig, ang walang ingat na pagbukas at pagsara ng pinto, ang halakhak ng mga estudyante, at ang nakakangilong ingay na nililikha ng chalk na sumusulat sa blackboard.

Tumunghay ako mula sa pagkakasubsob sa lamesa. Kung kanina ay nag-iisa lamang ako, ngayon ay marami nang estudyante. Nakita ko na naman ang mga kilos nilang araw-araw kong nakikita bago magsimula ang klase.

Tahimik kong iniunat ang katawan ko at pagkatapos ay sinilip sa aking mobile phone ang oras. Napahikab ako. Halos isang oras din pala akong nakasubsob. Hindi nakakapagtakang may nararamdaman akong bahagyang pagkangalay sa leeg ko. Marahan at magaan ko iyong minasahe habang nakamasid sa mga kaklase ko.

Sa mahigit dalawampung estudyante sa classroom na ito, isa lang sa kanila ang masasabi kong may misteryosong presensya: ang babaeng nakasalamin sa unahan, si Castelle dela Vega. Siya ang madalas pumukaw sa atensyon ko. Wala siyang pakialam sa mga nangyayari sa paligid. Palaging nakatutok ang atensyon sa kaniyang libro. Hindi ko alam kung paano siya nakakapagbasa ng aklat habang may musikang pinakikinggan mula sa headphone na nakatakip sa kanyang tenga. Siguro, wala naman talaga siyang pinakikinggan doon. Baka ginagamit lang niya ‘yon para mabawasan ang ingay sa paligid.

Bukod sa kaniya, ang mga kaklase ko ay mga normal na estudyante lang. O sabihin nating easy-go-lucky students lang. Palibhasa’y unang taon sa Senior High kaya balewala pa sa kanila na gawing seryoso ang school year na ito.

Ilang minuto pa ang pinalipas ko bago ako tumayo. Isinampay ko sa aking balikat ang bag kong araw-araw yatang hindi nagugulo ang laman. Hindi na ako magtatakang matatapos ang school year na hindi nauubos ang tinta ng nag-iisa kong black Pilot ballpen. Wala naman kasi itong pinaggagamitan maliban sa ilang minutong pagdodrowing sa huling pahina ng mga notebooks ko.

Sumalubong sa akin ang mas maingay at magulong estudyante sa hallway nang tuluyan akong makalabas ng classroom. Kinailangan kong umiwas sa mga naghaharutang lalaki, naghaharutan sa bayolenteng paraan. Araw-araw nang eksena sa hallway ang ganito.

Bahagya akong napapitlag nang may tumapik sa kaliwa kong balikat. Napalingon ako at nakita ko ang nakangiting mukha ni Draven Santillan.

“Hi,” masigla niyang bati, “maganda ka pa sa umaga,” dugtong pa niya. Ang gasgas na linyang ginagamit ng malokong mga lalaki.

Nakakahawa ang ngiti sa labi niya, pero nanatiling pormal ang mukha ko. Kung siguro’y kagaya lang ako ng ibang kabataan ngayon, marahil ay isa siya sa mga magiging kaibigan ko sa lugar na ito.

Kagaya rin siya ni Fashia na walang pakialam kahit sinusungitan na ng kaharap niya. Sayang, kung sana ay ako pa rin ang dating Temple.

“Ano’ng kailangan mo?” tanong ko sa kaniya.

“Ikaw. Date tayo mamaya, pwede?” ang nakakaloko niyang sagot. Naging mapang-akit ang mga mata niya.

Naglapat ang aking mga labi.

“Biro lang. Ito naman, bakit ba sobrang seryoso mo?” Tumikhim siya at binago ang reaksyon ng mukha niya. Marahil ay napansin niya na hindi ko gustong makipaglokohan sa kaniya.

“Ano’ng kailangan mo?” tanong ko ulit.

“Uhm… Kung tapos na ang first class mo,” aniya. “Sumama ka sa akin sa gym. May mga bagong activities na dapat mo raw gawin, sabi ni Miss Meira.”

The Art of the Game (GHS 1) CompletedDonde viven las historias. Descúbrelo ahora