Chapter 21

41 1 1
                                    






Chapter 21




Dumating ang araw na pinakahihintay ng lahat, ang paghaharap ng dalawang school na nasa pinakamataas na rank ng laro.

Inaamin kong may kaba sa aking dibdib habang nakaupo sa loob ng bus. Ngayong gabi ay hindi ko masiguro ang kaligtasan ko. Isang sugal ang gagawin ko at kung hindi ako magtatagumpay ay kamatayan ang magiging kapalit. Ano man ang mangyari, kailangan kong gawin ang lahat ng aking makakaya para sa huling laban kong ito sa Underground.

Nang maramdaman ko na ang pagtigil ng bus kasunod ang pagbukas ng pinto nito ay lihim akong napasinghap. Nakarating na kami sa Underground. Kinalma ko ang sarili ko at sikap na pinalis ang kabang nararamdaman ko.

Kaya mo ‘yan, bulong ko sa sarili ko.

Kagaya ng nangyari at proseso nang una akong tumuntong sa lugar na ito, lumabas kami mula sa bus na nakasuot ng blindfold. Tahimik ang lahat. Walang maririnig kahit na kaunting salita sa kahit na sino. Maging nang sumakay kami sa elevator ay wala akong narinig na tinig maging ang boses ni Miss Meira o ni Sahara.

Ilang sandali pa, pagkatapos lumabas sa elevator ay saka lamang ako nakarinig ng boses sa gilid. Si Dr. Levesque, ipinatanggal niya sa akin ang suot kong blindfold.

Inalis ko iyon at bumilang hanggang limang segundo bago ko imulat ang mga mata ko. Bumulaga sa aking paningin ang hitsura ng Underground na walang ipinagbago maliban sa ring na iba ang porma ngayon. Pabilog pa rin ito, pero wala na ang mga rehas na nakapaligid dito. Sa halip ay may apat na kadenang nag-uugnay sa sahig nito at sa kisame.

Hinanap ng mga mata ko si Creed at nakita ko siya katabi si Miss Meira. Nakatingin din siya sa akin. Nang marahan siyang tumango ay kaagad akong nag-iwas ng tingin.

Muli ay kumpleto ang mga opisyal ng Rapsodhee High. Tatlo sa amin ang nakatakdang lumaban ngayon sa loob ng hawla.

Parehas may mga pasa sa mukha sina Jake at Edward. Kahapon ay gumawa si Sahara ng bayolenteng hakbang bilang kaparusahan sa pag-aaway ng Gods at Dark Empire. Pero sa huli ay sinalo nina Jake at Edward ang parusang iyon. Sila ang naglaban. Hindi ko napanood ang naganap, pero ayon kay Draven ay ipinatigil ng Player ang laban na hindi naman tinutulan ni Sahara. Umalis lang ito pagkatapos sabihin ang “Matuto kayo sa pagkakamali n’yo.”

Dahil doon ay sina Fashia at Heina pa rin kasama ang tatlo pang pawns na napili ng Player ang nakatakdang sumalo sa consequences kapag natalo ang Rapsodhee High sa laban.

Nakagat ko ang aking labi. Ang susunod na mangyayari ay siguradong ikagugulat nila at ngayon pa lang, kailangan ko nang ihanda ang sarili ko sa magiging reaksyon nilang lahat.

Lumapit ako sa kinatatayuan ni Fashia at ni Heina. Sa huling sandali, gusto ko silang makasama bago nila ako kamuhian.

May mga sugat din sila sanhi ng nangyari kahapon, pero hindi naging dahilan iyon para palitan sila ng Player. Si Creed ang sinundo ni Heina para tulungan si Fashia at aniya, normal sa laro ang mga ganoong hakbang. Pinagalitan n’ya pa ako dahil sa walang ingat kong kilos. Sabi niya ay ako ang puntirya ng kalaban. Tama siya, ako nga ang puntirya ng kalaban.

“Temple,” kaagad na yumakap sa akin si Fashia. Nanginginig ang katawan niya. “Gusto ko nang umalis. Natatakot na ako.”

Hindi ako sumagot. Hindi ko nagawang ibalik sa kaniya ang yakap niya. Unti-unti kong naramdaman ang sundot ng konsensya. Batid ko, pagkatapos ng labang ito, kamumuhian niya ako.

“Stop crying, Fashia. We’re not going to lose,” sabi ni Heina na bagama’t nagpapakatatag ay hindi rin nagawang itago ang takot sa mga mata.

The Art of the Game (GHS 1) CompletedWhere stories live. Discover now